Nagbubunga ng Mabuti ang Makadiyos na Pagsasanay
Nagbubunga ng Mabuti ang Makadiyos na Pagsasanay
Madalas na nakikita ng mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak mula sa murang edad ang mabubuting resulta ng kanilang pagpapagal. Noong apat na taóng gulang si Dorian na taga-Peru, Timog Amerika, ginampanan niya ang kaniyang unang bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Nang pumasok na siya sa sekular na paaralan, naipaliwanag niya mula sa Bibliya sa kaniyang guro at mga kaklase kung bakit hindi niya ipinagdiriwang ang Pasko.
Kamakailan, nang siya’y limang taóng gulang, hinilingan si Dorian na magsalita sa buong paaralan—sa mga 500 estudyante—hinggil sa kaniyang paniniwala sa Father’s Day. Naghanda siya ng isang sampung-minutong pahayag hinggil sa paksang “Ang mga Pananagutan ng Isang Ama,” salig sa teksto sa Bibliya sa Efeso 6:4. Sa pagwawakas ng kaniyang pahayag, sinabi niya, “Sa halip na ipagdiwang ang Father’s Day minsan sa isang taon, dapat na igalang at sundin ng mga bata ang kanilang mga magulang araw-araw.”
Noong 1943, ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay naging isa sa mga lingguhang pulong ng mga Saksi ni Jehova. Dinisenyo ito upang mapasulong ng mga bata’t matanda ang kanilang kakayahan sa pagsasalita sa madla. Mula noon, naglaan ito ng salig-Bibliyang pagsasanay bilang karagdagan sa ginagawang pagtuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak.—Kawikaan 22:6.
Noong Nobyembre 2005, sa edad na anim na taon, ginampanan ni Simon, na taga-Switzerland, ang kaniyang unang atas sa pagbabasa ng Bibliya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Pagkalipas ng mga isang taon, kinapanayam siya sa programa ng isang malaking asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Ano ang naging saloobin niya hinggil sa espirituwal na mga bagay?
Gustung-gusto ni Simon na dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, gaya ng ipinakikita ng kaniyang pagsisikap na madaluhan ang lahat ng pagpupulong, kahit pagod siya. Bukod diyan, sumasama rin siya sa kaniyang mga kapamilya sa ministeryo. Buwan-buwan, nakapamamahagi siya ng 30 hanggang 50 kopya ng magasing Bantayan at Gumising! sa mga tao anuman ang kanilang edad. Madalas din niyang kinakausap ang kaniyang tatay hinggil sa Bibliya at pinasisigla ito na sumama sa mga pagpupulong.
Oo, ang mga magulang na nagpapalaki sa kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova” ay lubos na nagagalak kapag tumutugon at namumunga ng katuwiran ang kanilang mga anak.—Efeso 6:4; Santiago 3:17, 18.
[Larawan sa pahina 28]
Si Dorian sa paaralan
[Larawan sa pahina 28]
Si Simon sa Kingdom Hall