Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ “Sa isang pangkaraniwang tahanan sa Amerika, mas marami na ngayong telebisyon kaysa sa mga tao. Limampung porsiyento ng mga tahanan sa Amerika ay may tatlo o higit pang TV.”—ASSOCIATED PRESS, E.U.A.
◼ Araw-araw sa mga korte sa buong Timog Aprika, 82 bata ang inaakusahan ng “panghahalay o pambabastos at panghihipo sa ibang bata.” Ayon sa ilan, sinabi ng karamihan sa mga inakusahan na ang ginawa nilang pang-aabuso “ay epekto ng mga napanood nila sa telebisyon.”—THE STAR, TIMOG APRIKA.
Apektado ang Pagiging Produktibo Kapag Kulang sa Tulog
Ang kaugalian sa pagtulog ng ilang Kastila ay nakaaapekto sa kanilang pagiging produktibo. Sinabi ng nangangasiwa sa isang klinika hinggil sa pagtulog na si Dr. Eduard Estivill, na kung ihahambing sa ibang mga Europeo, ang mga Kastila ay mas maagang gumising, mas matagal magtrabaho, mas gabi na kung maghapunan, at sa katamtaman ay mas maikling matulog nang 40 minuto. Subalit kapag ang isa ay kulang sa tulog, maaari siyang maging bugnutin, malilimutin, tensiyonado, at magkaroon ng depresyon at ng iba pang mga problema. Kaya “ang sinumang propesyonal na may trabahong ginagamitan ng isip o konsentrasyon,” ang babala ni Dr. Estivill, “ay dapat matulog nang mga pito hanggang walong oras araw-araw.”
Trigo Bilang Panggatong?
Tama bang gamitin ang trigo bilang panggatong? Ipinaliwanag ng pahayagan sa Alemanya na Frankfurter Allgemeine Sonntagszeitung na dahil sa pagbagsak ng presyo ng trigo at pagtaas naman ng presyo ng petrolyo, mas nakatitipid ang isang magsasaka kung gagamitin niyang panggatong ang trigo sa halip na ibenta ito para bumili ng petrolyo. Dalawampung cent (euro) ang kaniyang gagastusin para umani ng dalawa at kalahating kilo ng trigo, pero kapag ginamit itong panggatong, ang trigong ito ay makapagbibigay ng katumbas na init ng isang litro ng petrolyo, na nagkakahalaga ng 60 cent. Kaya ganito ang problemang binanggit ng pahayagan: Maaatim mo bang “gamiting panggatong ang trigo samantalang nagugutom ang ibang tao”?
Ginawang Negosyo ang Pagdalaw ng Papa
Nang dalawin ng papa ang Alemanya noong 2006, ang mga may-ari ng pabrika, negosyante, at industriya ng turismo ay naghandang mabuti para kumita sa pagdalaw niya. Ang simbahan ay pumili rin ng kasosyo sa negosyo na siyang eksklusibong magbebenta ng mga bagay-bagay. Kasama sa mga subenir na ibinenta ay mga rosaryo, kandila, bote ng agua bendita, tasa, gora, kamiseta, key chain, at mga bandila ng Batikano. Ganito ang komento ng magasing pambalita na Der Spiegel: “Malaki ang papel na ginampanan ng Simbahang Katoliko sa pagnenegosyo, na para bang hindi itinaboy ni Jesu-Kristo . . . ang mga negosyante sa templo.”
Nagiging Manhid sa Karahasan Dahil sa mga Video Game
“Ang palaging paglalaro ng mararahas na video game ay maaaring magpamanhid sa mga tao sa aktuwal na karahasan,” ang sabi ng mga nagsasaliksik na sikologo sa Iowa State University, E.U.A. Ipinakita ng nakalipas na mga pag-aaral na kapag laging naglalaro ng gayong mga video game ang isa, siya ay “nagiging lalong agresibo, magagalitin, palaaway, at bumibilis ang paghinga at pintig ng kaniyang puso.” Sinubaybayan ng pag-aaral na ito ang pintig ng puso at reaksiyon ng mga taong nanood agad ng aktuwal na karahasan pagkatapos nilang maglaro ng mararahas o di-mararahas na video game. Ipinakita ng mga resulta na yaong “mga naglalaro ng mararahas na video game ay nahirati na o ‘nasanay na’ sa lahat ng karahasan at sa dakong huli ay nagiging manhid na rito.”