Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinig ng “Walang-Kupas na Lunsod”

Tinig ng “Walang-Kupas na Lunsod”

Tinig ng “Walang-Kupas na Lunsod”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

Ang tanawin at lagaslas ng tubig ng maraming fountain sa Roma ang naging inspirasyon ng Italyanong kompositor na si Ottorino Respighi upang makalikha ng isang tugtuging pinamagatang “Mga Fountain ng Roma.” Pasyalan natin ang pinakamaganda sa mga ito​—ang Trevi Fountain.

Nang bagtasin natin ang makitid na lansangang patungo sa fountain at lumiko sa isang kanto, bumulaga sa atin ang isang makapigil-hiningang tanawin. Kitang-kita sa isang maliit na liwasan ang napakalaking Trevi Fountain na 20 metro ang lapad at 26 na metro ang taas. Isa ngang napakalaking istrakturang itinayo sa isang napakaliit na lugar!

Ang Trevi Fountain ay ipinagawa ni Pope Clement XII at dinisenyo naman ng Italyanong arkitektong si Niccolò Salvi. Nagsimula ang pagtatayo noong 1732 at natapos ito noong 1762. Ang tubig ng fountain ay nagmumula sa paagusang Aqua Virgo na may habang mga 13 kilometro mula sa lunsod at ginawa noong unang siglo B.C.E.

Dagat ang konsepto ng fountain na itinayo sa gilid ng palasyo. Kitang-kita roon ang kathang-isip na si Oceanus (o, Neptuno, sabi ng ilan) na nakatayo sa kaniyang hugis-kabibeng karo na kumokontrol sa buhos ng tubig sa ilalim niya. Habang ang tubig ay umaagos sa iba pang estatuwa at sumasalpok sa mga batong nasa ibaba, para itong tunog ng alon na humahampas sa dalampasigan. Halos okupado ng fountain ang plasa anupat parang bahagi na ito ng buong liwasan.

Daan-daang turista ang humuhugos sa napakaliit na liwasang ito araw-araw at naghahagis ng barya sa fountain na isa sa pinakamalaking atraksiyon para sa mga turista sa Roma. Minsan sa isang linggo, inaalisan ng tubig ang fountain. Ang mga baryang inihahagis ng mga turista, na umaabot ng $11,000 sa isang linggo, ay kinukuha at iniaabuloy sa simbahan.

Kung ang mga fountain ay umaawit na parang koro na sinasabing tinig ng lunsod, gaya ng iniisip ni Respighi, ang Trevi Fountain kung gayon ang soloista​—namumukod-tangi sa maraming fountain na hinahangaan ng mga turista sa Roma, ang tinatawag na Walang-Kupas na Lunsod.