Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Libreng Masarap na Pagkain Mula sa Gubat

Libreng Masarap na Pagkain Mula sa Gubat

Libreng Masarap na Pagkain Mula sa Gubat

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND

SA MGA bansang bumubuo sa Scandinavia sa Europa, maraming pamilya ang natutuwang magpunta sa mga gubat upang mamitas ng ligáw na berry. Halimbawa, sa Finland, ang mga mahilig mamasyal sa gubat ay malayang nakapapasok sa kagubatan​—maging sa pribadong lupain​—hangga’t hindi sila nakapipinsala o masyadong lumalapit sa isang pribadong bahay. Walang nasusulat na batas na malaya nilang magagawa ito pero matagal na itong tradisyon sa Scandinavia. Dahil dito, ang isa ay maaaring pumitas ng ligáw na bulaklak at manguha ng kabute at mga berry sa halos lahat ng lugar kung saan tumutubo ang mga ito.

May 50 iba’t ibang uri ng berry na masusumpungan sa kagubatan ng Finland, at karamihan sa mga ito ay puwedeng kainin. Ang tatlong pinakakaraniwan ay ang bilberry, cloudberry, at lingonberry. *​—Tingnan ang kalakip na mga kahon.

Iba-iba ang kulay at lasa ng mga berry at nakapagpapasarap ito sa mga pagkain. Lubhang nakabubuti rin ang mga ito sa kalusugan. “Ang mga berry sa Scandinavia ay may matitingkad na kulay, mabango, at mayaman sa mineral at bitamina dahil matagal na nasisikatan ang mga ito ng araw [kapag tag-araw],” ang sabi ng aklat na Luonnonmarjaopas (Isang Giya sa Ligáw na mga Berry). Bukod diyan, may fiber din ang mga berry, na nakatutulong para maging normal ang antas ng asukal sa dugo at mapababa ang kolesterol. Ang mga berry ay mayroon ding mga flavonoid​—mga kemikal na nakabubuti sa kalusugan.

Sulit ba ang mamitas ng berry sa gubat? “Malaki ang matitipid mo dahil mahal ang berry sa tindahan. At kapag ikaw mismo ang namimitas ng berry, alam mong sariwa ang mga ito,” ang sabi ni Jukka, na matiyaga sa pamimitas ng berry. Binanggit ng kaniyang asawa, si Niina, ang isa pang bentaha, “Kapag namimitas kami ng berry, nakakapagpiknik na rin kaming pamilya sa gubat.”

“Pero kung may kasama kang mga bata, mahalagang bantayan mo silang mabuti upang hindi sila makakain ng di-kilalang berry o mapalayo sa kakahuyan,” ang dagdag ni Niina. Dapat mag-ingat, yamang nakalalason ang ilang berry.

Gaya ng karamihan sa mga taga-Scandinavia, tuwang-tuwa sina Jukka at Niina sa gubat. “Gustung-gusto ko ang gubat,” ang sabi ni Niina. “Tahimik doon, malinis, at sariwa ang hangin. Napapanatag ang aking isip. Masaya rin ang mga bata roon.” Nasumpungan nina Jukka at Niina na dahil tahimik sa gubat, magandang lugar ito para makapagbulay-bulay at makapag-usap silang mag-anak.

Napakasarap at napakasustansiya ng berry kapag sariwa at kapipitas lamang ang mga ito. Pero madaling mabulok ang berry. Para makakain ng berry sa panahon ng taglamig, dapat itong ipreserba. Noon, itinatago ng mga tao ang mga berry sa isang imbakan sa ilalim ng lupa, pero ngayon ay karaniwan nang inilalagay nila ang mga ito sa freezer. Maraming uri ng berry ang ginagawang jam at juice.

Sa aklat na Svenska Bärboken (Ang Aklat Tungkol sa mga Berry ng Sweden), angkop na angkop ang sinabi ng isang manunulat na Sweko: “Talagang kapana-panabik na ilabas kapag panahon ng taglamig ang mga garapon ng napreserbang berry noong tag-araw, na nagpapaalaala ng nakalipas na tag-araw, at pumupukaw sa isa na panabikan ang susunod pa.” Ang mga berry ay ginagamit sa iba’t ibang paraan. Sa almusal, masarap itong ihalo sa yogurt, granola, o oatmeal. Ang malinamnam na berry mula sa gubat ay ginagamit sa paggawa ng masasarap na panghimagas at mga pie. At ang pinalapot na katas ng berry ay makulay na katerno ng maraming pagkain.

Marami ang bumibili ng mga berry sa mga tindahan sa lugar nila. Pero gunigunihin ang iyong sarili sa gubat sa isang maaliwalas na araw, na lumalanghap ng sariwang hangin at nasisiyahan sa kapayapaan at katahimikan ng kapaligiran habang naghahanap ka ng makukulay at matatamis na berry. Biruin mo, nasiyahan ka na, nakalibre ka pa ng masarap na pagkain! Ipinaaalaala sa atin nito ang mga salita ng salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”​—Awit 104:24.

[Talababa]

^ par. 4 Sa artikulong ito, ang berry ay tumutukoy sa karaniwang kahulugan nito, samakatuwid nga, anumang maliit at makatas na prutas. Sa botanika, ang berry ay tumutukoy sa karaniwan at makatas na mga prutas, at kadalasan nang maraming buto ang mga ito. Ayon sa paglalarawang ito, ang mga saging at kamatis ay itinuturing na mga berry.

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 24, 25]

BILBERRY (Vaccinium myrtillus)

Ang popular at matamis na berry na ito ay tinatawag ding whortleberry. Ang bilberry ay madalas na ginagawang sarsa, puding, jam, o juice. Ginagamit din ang mga ito sa iba’t ibang pie, gaya ng bilberry pie. Mas masarap kainin ang sariwang bilberry kapag nilagyan ito ng gatas. Subalit huwag mong isiping hindi mahahalatang kumain ka ng mga pagkaing may bilberry dahil kumukulay sa bibig at sa mga labi ang asul na katas nito. Tinatawag din itong tsismosong berry.

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 25]

CLOUDBERRY Rubus chamaemorus)

Ang berry na ito ay masusumpungan sa liblib na mga lugar gaya ng mga latian. Mas maraming cloudberry sa hilaga ng Finland. Ito ay makatas, masustansiya, at siksik sa bitamina A at C. Mga tatlo hanggang apat na beses na mas marami ang bitamina C nito kaysa sa kahel. Ang cloudberry ay itinuturing na ginto ng latian. Nagiging mas katakam-takam ang iba’t ibang panghimagas kapag hinaluan ang mga ito ng matamis na cloudberry, at masarap din itong gawing alak.

[Credit Line]

Reijo Juurinen/Kuvaliiteri

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 25]

LINGONBERRY (Vaccinium vitis-idaea)

Ang berry na ito, isang malapit na kauri ng cranberry, ay kilaláng-kilala sa Finland at Sweden. Ang pinalapot na katas ng lingonberry ay masarap na katerno ng maraming pagkain. Ang mapulang berry na ito ay ginagawa ring sarsa, puding, juice, at pie. Dahil likas itong maasim, hindi madaling mabulok ang lingonberry. At dahil din dito, baka hindi mo ito agad magustuhan sa unang tikim.

[Kahon sa pahina 25]

Hindi Ito Gayon Kadali!

Ang pamimitas ng ligáw na berry ay talagang kasiya-siya. * Pero hindi ito gayon kadali. Ang mag-asawang Pasi at Tuire na taga-Lapland, ay namimitas ng berry para sa kanilang pamilya at para ibenta. Kapag namimitas ng berry, kinukuyog sila kung minsan ng perwisyong mga insekto, gaya ng lamok at langaw na nangangagat. “Talagang nakayayamot ang mga ito. Pumapasok pa nga sila sa iyong bibig at dumadapo sa iyong mga mata,” ang sabi ng nandidiring si Tuire. Subalit mabuti na lamang at mapoprotektahan mo ang iyong sarili sa paanuman sa pamamagitan ng pagsusuot ng angkop na pananamit at pagpapahid ng kontra-insekto.

Hindi rin madaling maglakad sa gubat​—lalo na kung sa latian. Baka lumubog ka sa inaakala mong puwedeng tuntungan. Sinabi nina Pasi at Tuire na nakakapagod din ang mismong pamimitas ng berry. Masakit sa likod at binti ang matagal na pagyuko.

Hindi rin madaling maghanap ng berry. “Kailangan mong magtiyaga sa paghahanap ng lugar kung saan maraming berry,” ang sabi ni Pasi. “Kadalasan nang mas napapagod kami sa paghahanap kaysa sa mismong pamimitas,” ang sabi pa ni Tuire. Dagdag trabaho rin ang paglilinis sa mga berry pagkapitas sa mga ito.

Dahil dito, ipinauubaya na lamang ng iba ang mga berry sa mga hayop sa gubat. Pero gaya nina Pasi at Tuire, maraming masisipag na mamitas ng berry ang patuloy na nagpupunta sa mga gubat at latian taun-taon. Para sa kanila, sulit ang mga sakripisyo sa pamimitas ng berry.

[Talababa]

^ par. 27 Hindi lahat ng berry ay puwedeng kainin. Nakalalason ang ilang uri. Bago mamitas ng ligáw na berry, alamin muna kung alin ang puwedeng kainin.