Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makabubuti ba ang Optimismo sa Iyong Kalusugan?

Makabubuti ba ang Optimismo sa Iyong Kalusugan?

Makabubuti ba ang Optimismo sa Iyong Kalusugan?

“Ang masayang puso ay mabuting gamot,” ang isinulat ng isang hari ng Israel mga 3,000 taon na ang nakalilipas. (Kawikaan 17:22, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Sa ngayon, kinikilala ng mga doktor ang karunungan ng kinasihang mga salitang iyan. Pero maaaring karamihan sa atin ay hindi likas na may “masayang puso.”

Halos lahat tayo ay apektado ng mga problema sa araw-araw, at maaari itong humantong sa kabiguan at pagiging negatibo sa buhay. Gayunpaman, ipinakikita ng mga pagsusuri kamakailan na sa kabila ng mga problema, sulit na maging optimistiko.

Ang optimismo ay inilarawan bilang “pagtingin o tendensiyang makita ang maganda o mabuti sa anumang pangyayari at asamin ang higit na kasiya-siyang resulta.” Kapag nabigo ang isang optimista, ano ang nadarama niya? Iniisip niyang pansamantala lamang ito. Hindi ito nangangahulugan na ayaw niyang tanggapin ang katotohanan. Sa halip, tinatanggap niya ang nangyari at pinag-aaralan ito. Pagkatapos, hangga’t ipinahihintulot ng kalagayan, gumagawa siya ng mga hakbang upang mabago o mapabuti ang situwasyon.

Sa kabilang dako naman, madalas na sinisisi ng isang pesimistiko, o taong may negatibong pananaw, ang kaniyang sarili sa kahirapang nararanasan niya. Ipinapalagay niya na hindi na mababago pa ang masamang nangyari sa kaniya at resulta ito ng kaniyang kamangmangan, kawalang-kakayahan, o di-magandang hitsura. Dahil dito, sumusuko na lamang siya.

May epekto ba sa ating kalusugan ang pagiging optimistiko? Oo. Sa isang 30-taóng pag-aaral sa mahigit 800 pasyente, na ginawa ng Mayo Clinic, sa Rochester, Minnesota, E.U.A., natuklasan ng mga siyentipiko na mas maganda ang kalusugan at mas mahaba ang buhay ng mga optimista kaysa sa iba. Napansin din ng mga mananaliksik na mas matagumpay na naharap ng mga optimista ang kaigtingan at mas mababa ang tsansa nilang magkaroon ng depresyon.

Subalit hindi madaling maging optimistiko sa isang daigdig na waring hindi maubus-ubos ang problema. Hindi kataka-taka na marami ang nahihirapang mag-isip nang positibo. Ano ang puwede mong gawin para mapagtagumpayan ito? Sa kalakip na kahon, mababasa mo ang ilang mungkahi na makatutulong sa iyo.

Bagaman hindi naman malulunasan ng pagiging masayahin ang lahat ng problema, makatutulong ito sa pagkakaroon ng mas malusog at kasiya-siyang buhay. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Para sa nalulumbay, masama ang bawat araw, para sa isang may pusong masayahin, palaging may kapistahan.”​—Kawikaan 15:15, The Jerusalem Bible.

[Kahon/​Larawan sa pahina 26]

Ilang Mungkahi Para Maging Mas Optimistiko *

◼ Kapag naiisip mong hindi ka masisiyahan sa gagawin mo o hindi ka magtatagumpay sa isang proyekto, alisin ito sa iyong isipan. Tingnan ang positibong mga bagay.

◼ Sikaping masiyahan sa iyong trabaho. Anuman ang trabaho mo, mag-isip ng mga dahilan kung bakit kasiya-siya ito.

◼ Makipagkaibigan sa mga may positibong pananaw sa buhay.

◼ Kapag may bumangong problema, gawin lamang ang mga bagay na magagawa mo; matutong tanggapin ang mga bagay na hindi mo kayang baguhin.

◼ Araw-araw, isulat ang tatlong mabubuting bagay na nangyari sa iyo.

[Talababa]

^ par. 10 Ang ilan sa mga mungkahing nakatala sa itaas ay salig sa publikasyong inihanda ng Mayo Clinic.