Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Malaking Tulong sa Larangan ng Medisina’

‘Malaking Tulong sa Larangan ng Medisina’

‘Malaking Tulong sa Larangan ng Medisina’

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

Ang mga Saksi ni Jehova ay kilalá sa buong daigdig sa pagpili ng paraan ng paggamot na walang dugo kapag may karamdaman sila. Pinipintasan ng ilang tao ang paninindigang ito na salig sa Bibliya. Pero gaya ng nakaulat sa kilaláng pahayagan na Reforma, sa Mexico City, ganito ang sinabi ni Dr. Ángel Herrera, punong siruhano sa National Institute of Oncology: “Hindi ignorante ang mga Saksi. Hindi rin sila mga panatiko. . . . Malaki ang naitulong [nila] sa larangan ng medisina dahil nahikayat nila ang mga doktor na gumawa ng mga paraan upang mabawasan ang pagdurugo.”

Labinlimang taon na ang nakalilipas, bumuo si Dr. Herrera ng isang pangkat ng mga anestisyologo at mga siruhano upang mag-opera nang hindi gumagamit ng dugo. Ganito ang komento ni Dr. Isidro Martínez, isang anestisyologong kabilang sa pangkat na iyon: “Kapag wasto ang pagbibigay ng anestisya, magagamit ang lahat ng paraan upang mabawasan ang pagdurugo. Kaya talagang matutulungan natin ang mga Saksi ni Jehova, anupat iginagalang ang kanilang relihiyosong paninindigan.”

May mahigit 30 alternatibo sa pagsasalin ng dugo, ayon sa ulat ng Reforma noong Oktubre 2006. Kasama rito ang pagkauterisa sa mga ugat ng dugo, paggamit ng pantanging gasa na may mga kemikal na nagpapaampat ng pagdurugo, at paggamit ng mga blood-volume expander. *

Si Dr. Moisés Calderón, punong siruhano sa puso sa La Raza General Hospital sa Mexico City, ay regular na nag-oopera nang hindi gumagamit ng dugo. Ganito ang sinabi niya sa Reforma: “Mapanganib ang pagsasalin ng dugo. Maaari kang mahawahan ng mga virus, baktirya, o parasito. Puwede ka ring magkaroon ng mga alerdyi na makaaapekto sa mga bato at baga.” Dahil sa mga panganib na ito, ganito ang sinabi ni Dr. Calderón: “Kapag inooperahan namin ang mga pasyente, itinuturing namin silang mga Saksi ni Jehova. Sinisikap naming pigilan ang pagdurugo hangga’t maaari, mabawi ang dugong nawala, at gumamit ng mga gamot na makatutulong sa pasyente na hindi gaanong magdugo.”

Sinipi ng pahayagan ang Gawa 15:28, 29, isa sa mga susing teksto kung saan nakasalig ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova. Sa tekstong ito, ibinigay ng mga apostol ang sumusunod na utos: “Minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.”

Iniulat ng Hospital Information Desk sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico na may 75 Hospital Liaison Committee sa bansang iyon, na binubuo ng 950 boluntaryong bumibisita sa mga doktor upang magbigay ng impormasyon hinggil sa mga alternatibo sa dugo. Mga 2,000 doktor sa Mexico ang handang gumamot sa mga Saksi ni Jehova nang hindi gumagamit ng dugo. Lubhang pinahahalagahan ng mga Saksi ang pakikipagtulungan ng mga doktor na ito, at bilang resulta, ang mga doktor namang ito ay naging mas dalubhasa sa pagtulong sa di-Saksing mga pasyente.

[Talababa]

^ par. 5 Hindi nag-iindorso ang Gumising! ng anumang partikular na paraan ng paggamot na walang dugo, yamang ito ay personal na desisyon ng indibiduwal.

[Larawan sa pahina 30]

Dr. Ángel Herrera

[Larawan sa pahina 30]

Dr. Isidro Martínez

[Larawan sa pahina 30]

Dr. Moisés Calderón