Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malapit Nang Mawala ang mga Kasakunaan

Malapit Nang Mawala ang mga Kasakunaan

Malapit Nang Mawala ang mga Kasakunaan

LINDOL, digmaan, taggutom, at sakit​—ilan lamang ang mga ito sa mga bagay na inihula ni Jesus na magiging tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na kinabubuhayan natin sa ngayon. (Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:7, 10, 11) Sabihin pa, ang mga pangyayaring ito ay hindi gawa ng Diyos. Hindi dapat isisi ang mga bagay na ito kay Jesus ni sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova.

Pero kikilos ang Diyos para dumating ang kaniyang Kaharian​—isang gobyerno sa langit sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo​—at para malipol ang lahat ng tumatanggi sa soberanya ni Jehova. Ang katuparan ng inihulang mga pangyayari sa ating panahon ay nagpapahiwatig na malapit nang maganap ito. (Daniel 2:44; 7:13, 14) Pagkatapos nito, ang lupa ay magiging mapayapa at hindi na katatakutan ang mga likas na kasakunaan. Lubusang matutupad ang pangako ng Diyos: “Ang aking bayan ay mananahanan sa mapayapang tinatahanang dako at sa mga tahanang may lubos na kapanatagan at sa tahimik na mga pahingahang-dako.”​—Isaias 32:18.

Makinig sa Diyos at Mabuhay!

Gaya ng ipinaliwanag sa naunang artikulo, makapagliligtas ng buhay ang pagbibigay-pansin sa mga babala. Lalo nang kumakapit ang simulaing iyan sa mga babala ng Diyos na nakaulat sa Bibliya. “Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin,” ang pangako ng Diyos, “tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.”​—Kawikaan 1:33.

Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na makinig sa Diyos sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng kaniyang kinasihang Salita at pagkakapit sa mga turo nito. Inaanyayahan ka nilang gawin din ito. Oo, hindi dapat katakutan ng lahat ng masunuring nakikinig kay Jehova ang kinabukasan at ang kalamidad na sasapit sa masasama. Sa halip, may pag-asa silang mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso sa lupa, kung saan “makasusumpong . . . sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:10, 11.

[Kahon sa pahina 8]

KAALIWAN PARA SA NAGDADALAMHATI

Namatayan ka na ba ng mahal sa buhay, marahil dahil sa isang likas na kasakunaan o sa ibang trahedya? Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, ang matalik na kaibigan ni Jesus na si Lazaro ay di-inaasahang namatay. Nang mabalitaan ito ni Jesus, pumunta siya sa nayon ng Betania kung saan naroroon si Lazaro, at ibinangon ito mula sa “pagkakatulog” sa kamatayan.​—Juan 11:1-44.

Ginawa ni Jesus ang himalang ito hindi lamang para ipakitang iniibig niya si Lazaro at ang pamilya nito kundi upang patunayan din ang pangako ni Jesus na bubuhayin niya “ang lahat ng nasa mga alaalang libingan” sa panahon ng kaniyang pamamahala sa Kaharian. (Juan 5:28, 29) Oo, sa darating na Paraiso, papawiin ni Jesus ang lahat ng pinsala na nagsimula sa paghihimagsik sa Eden. *​—1 Juan 3:8.

[Talababa]

^ par. 10 Para sa payo ng Kasulatan kung paano mahaharap ang pagkamatay ng isang minamahal at para sa higit pang paliwanag hinggil sa pangakong pagkabuhay-muli, pakisuyong tingnan ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

BINAGO NG LINDOL ANG AKING BUHAY

Noong 1971, pangarap kong maging soprano sa opera. Bata pa ako noon at may anak na. Umalis ako sa aming lugar sa Winnipeg, sa Manitoba, Canada, noong 1957 para manirahan malapit sa Hollywood, California, E.U.A., sa pag-asang maitataguyod ko ang aking unang pag-ibig, ang musika.

Sa loob ng siyam na taon, tuwing tag-araw, bumibiyahe si Inay, na isang Saksi ni Jehova, mula Canada para bisitahin ako. Sinamantala niya ang mga pagkakataong iyon para kausapin ako tungkol sa Bibliya, palibhasa’y kumbinsido siya na nagbibigay ito ng pinakamainam na payo tungkol sa kaligayahan at sa buhay pampamilya. Mahal ko si Inay at nakikinig ako sa kaniya dahil iginagalang ko siya. Gayunman, kapag umaalis na siya, itinatapon ko ang literaturang ibinibigay niya, dahil tiwala akong nasa tamang direksiyon ang aking buhay.

Pagkaraan, isang Martes ng madaling-araw noong Pebrero 1971, nagising ako dahil sa lindol na may lakas na 6.6 sa Richter scale. Nakakabingi ang ingay at napakalakas ng pagyanig. Takot na takot ako. Dali-dali kong pinuntahan ang aking anak na lalaki at nakahinga ako nang maluwag nang makita ko siyang ligtas sa kaniyang kuna. Nang huminto ang pagyanig, nagkalat sa sahig ang mga bubog at laman ng aming paminggalan, at lumigwak sa bakuran ang tubig ng swimming pool. Kahit ligtas ang pamilya ko, hindi na ako nakatulog muli nang oras na iyon.

Nabanggit na ni Inay ang “mga huling araw,” at ang isa sa mga palatandaan nito ay ang “malalakas na lindol.” (2 Timoteo 3:1; Lucas 21:7-11) Nang tag-araw na iyon, bumalik siya para sa kaniyang taunang pagdalaw ngunit wala na siyang dalang literatura sa Bibliya. Dahil siyam na taon na siyang nagpapatotoo sa akin nang walang resulta, inisip niyang hindi na talaga ako interesado. Maling-mali siya! Pagdating na pagdating pa lamang niya ay pinaulanan ko na siya ng mga tanong. Biglang-bigla na lamang akong nawalan ng interes sa pag-awit at sa pagnanais na maging tanyag.

Nang mismong linggong iyon, dumalo ako kasama ni Inay sa Kristiyanong mga pagpupulong sa isang Kingdom Hall doon, at mula noon ay bihira na akong pumalya sa pulong. Isinaayos ni Inay na may magdaos sa akin ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nabautismuhan ako noong 1973, at gumugugol ako ngayon ng katamtamang 70 oras bawat buwan sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa iba. (Mateo 24:14) Oo, sa halip na gumuho ang aking pananampalataya sa Diyos dahil sa lindol, nakatulong ito upang tumibay ang aking pananampalataya.​—Ayon sa salaysay ni Colleen Esparza.