Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mali ba ang Kontrasepsiyon?

Mali ba ang Kontrasepsiyon?

ANO sa palagay mo? Mali ba para sa mga mag-asawa ang gumamit ng kontrasepsiyon? Ang sagot mo ay malamang na depende sa iyong mga relihiyosong paniniwala. Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang lahat ng pagsisikap upang hadlangan ang pagpaparami ay “likas na masama.” Itinataguyod ng doktrinang Katoliko na ang layunin ng pagtatalik ng mag-asawa ay upang magkaanak. Kaya para sa Simbahang Katoliko, ang kontrasepsiyon ay “imoral.”

Hindi matanggap ng maraming tao ang pangmalas na ito. Hinggil sa paksang ito, isang artikulo sa Pittsburgh Post-Gazette ang nagsabi na “mahigit 75 porsiyento ng mga Katoliko sa Estados Unidos ang nagsasabing dapat ipahintulot ng simbahan ang paggamit ng artipisyal na paraan ng pagpigil sa pagbubuntis. . . . At winawalang-bahala ng milyun-milyon araw-araw ang pagbabawal na ito.” Ang isa sa kanila, si Linda na may tatlong anak, ay umamin na gumagamit siya ng mga kontraseptibo. Pero sinabi niya: “Para sa akin, hindi kasalanan ang ginagawa ko.”

Ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos sa isyung ito?

Mahalaga ang Buhay

Mahalaga sa Diyos ang buhay ng isang bata, kahit nagsisimula pa lamang na ipagbuntis ito. Pinatnubayan ng banal na espiritu si Haring David ng Israel na isulat ang mga salitang ito: “Iningatan mo akong natatabingan sa tiyan ng aking ina. . . . Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito.” (Awit 139:13, 16) Isang bagong buhay ang nagsisimula sa paglilihi, at ipinakikita ng Kautusang Mosaiko na mananagot ang sinumang tao na makapinsala sa di-pa-naisisilang na sanggol. Sa katunayan, espesipikong sinasabi sa Exodo 21:22, 23 na kung mamatay ang isang babaing nagdadalang-tao o ang kaniyang di-pa-naisisilang na sanggol dahil sa pag-aaway ng dalawang tao, dadalhin sa hinirang na mga hukom ang kaso. Aalamin nila ang nangyari at pag-aaralan kung sinasadya o di-sinasadya ito, gayunman, ang kaparusahan ay maaaring maging “kaluluwa para sa kaluluwa,” o buhay para sa buhay.

Kumakapit ang mga simulaing ito sa kontrasepsiyon kung ito ay maaaring humantong sa aborsiyon. Hindi kasuwato ng simulain ng Diyos sa paggalang sa buhay ang ganitong mga paraan ng kontrasepsiyon. Gayunman, ang karamihan sa mga kontraseptibo ay hindi naman humahantong sa aborsiyon. Kumusta naman ang paggamit ng ganitong mga paraan ng pagpigil sa pagbubuntis?

Hindi kailanman iniutos ng Bibliya sa mga Kristiyano na magparami. Inutusan ng Diyos ang unang mag-asawa at ang pamilya ni Noe: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” Pero hindi ibinigay ang utos na ito sa mga Kristiyano. (Genesis 1:28; 9:1) Kaya nasa mga mag-asawa ang pagpapasiya kung sila ay magpapamilya, kung ilan ang magiging anak nila, at kung kailan sila mag-aanak. Gayundin, hindi hinahatulan ng Kasulatan ang pagpigil sa pagbubuntis. Kung gayon, mula sa pangmalas ng Bibliya, personal na pasiya ng mag-asawa kung gagamit sila ng mga paraan ng kontrasepsiyon na hindi humahantong sa aborsiyon. Pero bakit ba hinahatulan ng Simbahang Katoliko ang kontrasepsiyon?

Karunungan ng Tao Laban sa Karunungan ng Diyos

Ipinaliliwanag ng New Catholic Encyclopedia na sinunod ng nag-aangking mga Kristiyano noong ikalawang siglo C.E. ang isang tuntuning Estoico na nagsasabing ang tanging layunin ng pagtatalik ay upang magparami. Kaya ang pangmalas na ito ay mula sa pilosopiya ng tao at hindi sa Bibliya. Nakasalig ito sa karunungan ng tao, hindi sa karunungan ng Diyos. Nagpatuloy ang pilosopiyang ito sa paglipas ng mga siglo at itinaguyod ito ng iba’t ibang Katolikong teologo. * Gayunman, dahil sa turong ito, lumaganap ang paniniwala na ang pagtatalik ng mag-asawa para lamang paluguran ang kanilang sarili ay isang kasalanan at ang paghadlang sa posibilidad ng pagbubuntis ay imoral. Ngunit hindi ganito ang itinuturo ng Bibliya.

Sa matulaing pananalita, inilalarawan ng aklat ng Bibliya na Kawikaan ang kaligayahang nagmumula sa wastong pagtatalik ng mag-asawa: “Uminom ka ng tubig mula sa iyong sariling imbakang-tubig, at ng mga patak mula sa loob ng iyong sariling balon. . . . Pagpalain ang iyong bukal ng tubig, at magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan, isang kaibig-ibig na babaing usa at mapanghalinang kambing-bundok. Magpakalango ka sa kaniyang mga dibdib sa lahat ng panahon. Sa kaniyang pag-ibig ay lagi ka nawang magtamasa ng masidhing ligaya.”​—Kawikaan 5:15, 18, 19.

Ang pagtatalik ng mag-asawa ay isang bigay-Diyos na kaloob. Ngunit ito ay hindi lamang para magparami. Sa pamamagitan nito, naipadarama rin ng mag-asawa ang kanilang pag-ibig at pagmamahal sa isa’t isa. Kaya kung magpasiya ang mag-asawa na gumamit ng ilang paraan ng kontrasepsiyon upang hadlangan ang posibilidad ng pagbubuntis, may karapatan silang gawin iyon, at walang sinuman ang dapat humatol sa kanila.​—Roma 14:4, 10-13.

[Talababa]

^ par. 11 Noon lamang ika-13 siglo ipinatupad ni Gregory IX ang tinatawag ng New Catholic Encyclopedia na “unang pangkalahatang pagbabawal ng papa sa kontrasepsiyon.”

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ Mali ba na magtalik ang mag-asawa?​—Kawikaan 5:15, 18, 19.

◼ Ano ang dapat tandaan ng mga mag-asawang Kristiyano kung gumagamit sila ng mga kontraseptibo?​—Exodo 21:22, 23.

◼ Ano ang dapat na maging pananaw sa mga mag-asawang gumagamit ng mga kontraseptibo?​—Roma 14:4, 10-13.

[Blurb sa pahina 11]

Inutusan ng Diyos ang unang mag-asawa at ang pamilya ni Noe: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” Pero hindi ibinigay ang utos na ito sa mga Kristiyano