Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Naiipit Ako sa Magkaibang Kultura—Ano ang Gagawin Ko?
“Italyano ang aming pamilya, at likas sa mga Italyano na hayagang ipakita ang kanilang pagmamahal. Nakatira kami ngayon sa Britanya. Tila napakadisiplinado at napakapormal ng mga tao rito. Sa pakiramdam ko’y hindi ako bagay sa dalawang kulturang ito—hindi ako bagay na Briton at hindi rin ako bagay na Italyano.”—Giosuè, Inglatera.
“Pinagsabihan ako ng aking guro sa paaralan na tumingin sa kaniya kapag nagsasalita siya. Pero kapag tinitingnan ko naman ang tatay ko kapag kausap niya ako, wala raw akong galang. Naiipit ako sa magkaibang kultura.”—Patrick, taga-Algeria na nandayuhan sa Pransiya.
Dayuhan ba ang iyong nanay o tatay?
◻ Oo ◻ Hindi
Ang wika o kultura ba sa paaralan ninyo ay iba sa inyong tahanan?
◻ Oo ◻ Hindi
BAWAT taon, milyun-milyon ang nandarayuhan, at marami sa kanila ang napapaharap sa malalaking hamon. Ngayon ay namumuhay silang kasama ang mga taong iba ang wika, kultura, at pananamit. Kaya naman madalas na nagiging tampulan ng panunuya ang mga nandayuhan—gaya ng naranasan ng kabataang babaing si Noor. Siya at ang kaniyang pamilya ay lumipat mula sa Jordan tungo sa Hilagang Amerika. “Iba ang pananamit namin, kaya pinagtatawanan kami ng mga tao,” ang sabi niya. “At siyempre, hindi namin naiintindihan ang biruan ng mga Amerikano.”
Iba naman ang naranasan ng kabataang si Nadia. “Ipinanganak ako sa Alemanya,” ang paliwanag niya. “Dahil Italyano ang aking mga magulang, may puntó ako kapag nagsasalita ng Aleman, kaya binansagan ako ng aking mga kaeskuwela na ‘estupidong banyaga.’ Pero nang pumasyal ako sa Italya, may puntóng Aleman naman ako kapag nagsasalita ng Italyano. Kaya hindi ko na talaga alam kung ano ang lahi ko. Dayuhan ako kahit saan ako magpunta.”
Ano ang iba pang hamon na kinakaharap ng mga anak ng nandayuhang mga magulang? At ano ang pinakamabuting magagawa nila sa kabila ng kanilang mga kalagayan?
Magkaibang Kultura, Magkaibang Wika
Kahit sa bahay, nagiging problema ng mga kabataang may nandayuhang mga magulang ang magkaibang kultura. Paano? Kadalasan nang mas madaling makibagay sa bagong kultura ang mga anak kaysa sa kanilang mga magulang. Halimbawa, walong taóng gulang pa lamang si Ana nang lumipat ang kanilang pamilya sa Inglatera. “Halos walang kahirap-hirap para sa aming magkapatid na makibagay sa buhay sa London,” ang sabi niya. “Pero nahirapan ang mga magulang ko dahil matagal silang nanirahan sa maliit na isla ng Madeira sa Portugal.” Si Voeun, na tatlong taóng gulang nang dumating sa Australia kasama ng kaniyang mga magulang na taga-Cambodia ay nagsabi: “Nahihirapan pa ring makibagay ang mga magulang ko [sa buhay namin dito sa Australia]. Sa katunayan, madalas na naiinis at nagagalit si Itay dahil hindi ko maintindihan ang kaniyang nadarama at iniisip.”
Dahil sa pagkakaiba ng kultura, parang nagkakaroon ng pader sa pagitan ng mga anak at mga magulang. Naririyan pa ang pagkakaiba ng wika. Nagsisimulang mabuo ang pader na ito kapag mas mabilis na natututuhan ng mga anak ang bagong wika kaysa sa kanilang mga magulang. Waring tumataas ang pader kapag nagsisimula nang makalimutan ng mga anak ang wika ng kanilang mga magulang at nahihirapan na silang mag-usap nang masinsinan.
Nakita ni Ian, 14 anyos na ngayon, na nagkaroon ng ganitong problema sa pagitan niya at ng kaniyang mga magulang nang lumipat sila sa New York mula sa Ecuador. “Mas marami na akong nasasabing Ingles kaysa Kastila,” ang sabi niya. “Ingles ang salita ng mga guro ko, Ingles ang salita ng mga kaibigan ko, at Ingles din kung mag-usap kami ng kapatid ko. Dahil puro na lamang salitang Ingles ang nasa utak ko, nakakalimutan ko na ang mga salitang Kastilang alam ko.”
Pareho ba kayo ng kalagayan ni Ian? Kung bata ka pa noong mandayuhan ang inyong pamilya, baka hindi mo naiisip na may maitutulong sa iyo ang pagsasalita ng iyong katutubong wika kapag nagkaedad ka na. Kaya baka hinahayaan mo na lamang na makalimutan ito. Ganito pa ang sinabi ni Noor: “Pinipilit kami ng tatay ko na magsalita ng wika niya sa bahay, pero ayaw naming magsalita ng wikang Arabe. Para sa amin, dagdag na trabaho lang kung mag-aaral pa kaming magsalita ng Arabe. Ingles ang salita ng mga kaibigan namin. Ingles ang lahat ng pinapanood namin sa TV. Bakit pa kami magsasalita ng Arabe?”
Gayunman, habang nagkakaedad ka, maaari mong makita ang kapakinabangan ng matatas na pagsasalita ng wika ng iyong mga magulang. Pero maaaring mahirapan kang alalahanin ang mga salitang dati mo nang matatas na nasasabi. “Napaghahalo ko ang dalawang wika,” ang sabi ng 13-anyos na si Michael, na ang mga magulang ay nandayuhan sa Inglatera mula sa Tsina. Ganito naman ang sinabi ng 15-anyos na si Ornelle, na mula sa Congo (Kinshasa) ay lumipat sa London kasama ng kaniyang mga magulang: “Gusto kong kausapin ang nanay ko sa wikang Lingala, pero nahihirapan ako kasi mas sanay na akong magsalita ng Ingles.” Nanghihinayang naman si Lee, ipinanganak sa Australia, dahil hindi siya makapagsalita nang matatas sa wika ng kaniyang mga magulang na dating taga-Cambodia. Sinabi niya: “Kahit na gusto kong sabihin sa aking mga magulang ang lahat ng nadarama ko, nahihirapan ako dahil hindi ko masabi iyon nang matatas sa wika nila.”
Kung Bakit Dapat Mong Matutuhan ang Wika ng Iyong mga Magulang
Kung medyo nakalimutan mo na ang iyong katutubong wika, huwag kang mawalan ng pag-asa. Puwede ka pa ring maging matatas sa pagsasalita nito. Pero kailangan na maging malinaw muna sa iyo kung bakit dapat mong gawin ito. Ano ba ang ilan sa mga pakinabang? “Pinag-aralan ko ang wika ng aking mga magulang dahil gusto kong maging malapít ang loob ko sa kanila, at higit sa lahat, gusto kong makasama sila sa paglilingkod sa Diyos,” ang sabi ni Giosuè, na binanggit kanina. “Nang matutuhan ko ang kanilang wika, naunawaan ko kung ano ang nadarama nila. At natulungan sila nito na maunawaan ako.”
Maraming kabataang Kristiyano ang nagsisikap na maging matatas sa wika ng kanilang mga magulang dahil nais nilang sabihin sa ibang mga nandayuhan ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14; 28:19, 20) “Malaking bagay talaga kapag naipaliliwanag mo sa iba ang Kasulatan sa dalawang wika!” ang sabi ni Salomão, na lumipat sa London noong limang taóng gulang siya. “Halos nakalimutan ko na ang aking katutubong wika, pero ngayong nakaugnay ako sa kongregasyong nagsasalita ng wikang Portuges, matatas akong nakapagsasalita ng Ingles at Portuges.” Sinabi ng 15-anyos na si Oleg, na naninirahan ngayon sa Pransiya: “Masaya ako dahil nakatutulong ako sa iba. Naipaliliwanag ko ang Bibliya sa mga taong nagsasalita ng Ruso, Pranses, o Moldovan.” Nakita ni Noor ang pangangailangan na mangaral sa mga taong nagsasalita ng Arabe. Sinabi niya: “Ngayon ay nag-aaral ako ng Arabe at sinisikap na alalahaning muli ang mga nakalimutan ko. Nagbago ang aking pananaw. Gusto kong itinutuwid ako kapag mali ang nasasabi ko. Gusto kong matuto.”
Ano ang puwede mong gawin kung nais mong maging matatas muli sa wika ng iyong mga magulang? Nasumpungan ng ilang pamilya na kapag sinisikap nilang magsalita lamang sa kanilang katutubong wika habang nasa bahay, natututuhan ng mga bata ang dalawang wika. * Maaari ka ring magpaturo sa iyong mga magulang na matutong sumulat sa wika nila. Ganito ang sinabi ni Stelios, na lumaki sa Alemanya pero Griego ang katutubong wika: “Tinatalakay sa akin ng mga magulang ko ang teksto sa Bibliya araw-araw. Babasahin nila ito nang malakas, at isusulat ko naman ito. Ngayon ay nakakabasa at nakapagsusulat ako ng Griego at Aleman.”
Tiyak na kung pamilyar ka sa dalawang kultura at nakapagsasalita ka ng dalawa o higit pang wika, malaki ang maitutulong nito sa iyo. Dahil may kaalaman ka sa dalawang kultura, mas mauunawaan mo ang nadarama ng iba at masasagot mo ang kanilang mga tanong tungkol sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tao ay may kasayahan sa sagot ng kaniyang bibig, at ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” (Kawikaan 15:23) Ganito ang paliwanag ni Preeti, na ipinanganak sa Inglatera na may mga magulang na dating taga-India: “Dahil pamilyar ako sa dalawang kultura, mas may kumpiyansa ako sa ministeryo. Nauunawaan ko ang mga tao mula sa dalawang kulturang ito—kung ano ang kanilang paniniwala at pag-uugali.”
“Ang Diyos ay Hindi Nagtatangi”
Kung nadarama mong naiipit ka sa magkaibang kultura, huwag kang masiraan ng loob. Ang kalagayan mo ay kagaya ng ilan sa mga tauhan sa Bibliya. Halimbawa, noong bata pa si Jose, nalayo siya sa kaniyang kinalakhang kulturang Hebreo at permanente nang namuhay sa Ehipto. Gayunman, malinaw na hindi niya nakalimutan ang kaniyang katutubong wika. (Genesis 45:1-4) Kaya naman nang dakong huli, natulungan niya ang kaniyang pamilya nang mangailangan sila.—Genesis 39:1; 45:5.
Si Timoteo, na kasama ni apostol Pablo sa paglalakbay sa maraming lupain, ay may Griegong ama at Judiong ina. (Gawa 16:1-3) Sa halip na maging balakid sa kaniya ang magkaibang kultura ng kaniyang mga magulang, walang alinlangan na nagamit niya sa kaniyang gawaing pagmimisyonero ang kaniyang kaalaman hinggil sa dalawang kulturang ito upang matulugan ang iba.—Filipos 2:19-22.
Nakikita mo bang maaari ka ring makinabang sa iyong kalagayan sa halip na ituring itong hadlang? Tandaan, “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Mahal ka ni Jehova kung sino ka, hindi kung saan ka nagmula. Gaya ng nabanggit na mga kabataan sa artikulong ito, maaari mo bang magamit ang iyong kaalaman at karanasan upang matulungan ang iba na kapareho mo ang pinagmulan na matuto tungkol sa ating di-nagtatangi at maibiging Diyos na si Jehova? Ang paggawa nito ay magdudulot sa iyo ng tunay na kaligayahan!—Gawa 20:35.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
^ par. 21 Para sa karagdagang mga mungkahi, tingnan ang artikulong “Pagpapalaki ng mga Anak sa Banyagang Lupain—Ang mga Hamon at mga Gantimpala,” inilathala sa Oktubre 15, 2002, isyu ng Ang Bantayan.
PAG-ISIPAN
◼ Anu-anong problema dahil sa pagkakaiba ng kultura o wika ang kinakaharap mo?
◼ Paano mo mapagtatagumpayan ang ilan sa mga hamon na ito?
[Larawan sa pahina 20]
Magiging mas malapít ka sa iyong mga magulang kung gagamitin mo ang kanilang wika