Tayo Na sa Vanuatu!
Tayo Na sa Vanuatu!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NEW CALEDONIA
Tensiyonado ka ba? Kailangan mo bang magbakasyon? Kung gayon, gunigunihin mo ang iyong sarili na nagrerelaks sa ilalim ng araw sa isang isla sa tropiko. Isiping ikaw ay nagtatampisaw sa mangasul-ngasul na tubig, naglalakad-lakad sa mayayabong na kagubatan, o nakikihalubilo sa iba’t ibang katutubong tribo. May ganiyan pa bang paraiso sa ngayon? Aba, oo! Sa malayong mga isla ng Vanuatu.
SA PAGITAN ng Australia at Fiji matatagpuan ang Vanuatu, na binubuo ng mga 80 maliliit na islang nakahanay na parang letrang Y, sa timog-kanlurang Pasipiko. Ayon sa mga heologo, nagbanggaan ang makakapal na suson ng lupa sa lugar na ito kung kaya’t nabuo ang matataas na bundok na ang kalakhang bahagi ay nasa ilalim ng tubig. Ang mga taluktok ng pinakamatataas sa mga bundok na ito ang bumubuo sa matatarik na isla ng Vanuatu. Sa ngayon, ang paggalaw ng mga suson na ito ang sanhi ng maraming pagyanig at dahilan ng pagiging aktibo ng siyam na bulkan sa lugar na ito. Nilalapitan ng mga turistang malalakas ang loob ang mga bulkang ito para makita ang kumukulong lava.
Maraming mayayabong na maulang kagubatan sa mga islang ito. Matatagpuan dito ang malalaking puno ng banyan, na may malalagong sanga at dahon. Tumutubo sa ilalim nito ang mahigit 150 uri ng orkid at 250 uri ng pakô. Naggagandahang dalampasigan at matatarik na dalisdis ang nakapalibot sa tulad-kristal na tubig na namumutiktik sa makukulay na isda at korales. Ang mga turistang mapagmahal sa kalikasan mula sa malalayong bansa ay pumupunta sa Isla ng Epi upang lumangoy kasama ng maaamo at mahilig makipaglarong mga dugong. *
Kanibalismo at Kultong Kargamento
Noong 1606, dumating sa Vanuatu ang mga Europeong manggagalugad. * Naninirahan noon sa isla ang mababangis na tribo, at laganap ang kanibalismo. Nang panahong iyon, sagana ang mga kagubatan sa sandalwood, isang uri ng mabangong kahoy na napakamahal sa Asia. Palibhasa ay malaki ang kikitain, sunud-sunod na pinutol ng mga Europeo ang mga punong ito. Pagkaraan nito ay nangalakal naman sila ng mga alipin.
Kasama sa pangangalakal ng mga alipin ang pangangalap ng mga katutubong tagaisla upang magtrabaho sa taniman ng tubó at bulak sa Samoa, Fiji, at Australia. Diumano’y kusang-loob na magtatrabaho ang mga katutubo sa loob ng tatlong taon. Pero ang totoo, kinidnap ang karamihan sa kanila. Sa kasagsagan ng pangangalakal ng mga alipin noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, mahigit kalahati ng populasyon ng mga adultong lalaki sa ilang isla ng Vanuatu ang nagtrabaho sa ibang bansa. Karamihan sa kanila ay hindi na nakauwi. Halos 10,000 tagaisla sa Pasipiko ang namatay sa Australia pa lamang, karamihan ay dahil sa sakit.
Ang mga sakit na dala ng mga Europeo ay puminsala sa mga taga-Vanuatu. Mahina o wala silang panlaban sa tigdas, kolera, bulutong, at iba pang sakit. “Halos maubos ang populasyon ng mga tribo dahil sa sipon,” ang sabi ng isang aklat.
Nang dumating ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa Vanuatu noong 1839, agad-agad silang inanyayahan para maghapunan—pero sila pala ang ulam! Marami sa sumunod na mga
misyonero ang dumanas din ng gayong napakasaklap na kinahinatnan. Ngunit nang maglaon, naitatag ang mga simbahang Protestante at Katoliko sa mga isla. Sa kasalukuyan, mahigit 80 porsiyento ng mga taga-Vanuatu ang nagsasabing miyembro sila ng isang simbahan. Magkagayunman, sinabi ng awtor na si Paul Raffaele, “marami pa rin sa mga tagaroon ang deboto sa mga manggagaway, na gumagamit ng mga batong pinamamahayan ng mga espiritu sa kanilang mga ritwal para manggayuma, magpataba ng baboy o pumatay ng kaaway.”Matatagpuan din sa Vanuatu ang isa sa pinakanagtagal na “kultong kargamento” sa daigdig. Noong Digmaang Pandaigdig II, kalahating milyong sundalo ng Estados Unidos na papunta sa mga labanan sa Pasipiko ang dumaan sa Vanuatu. Labis na namangha ang mga tagaisla sa malaking kayamanan, o “kargamento,” na dala ng mga sundalo. Nang matapos ang digmaan, basta na lamang umalis ang mga Amerikano. Itinapon sa dagat ang milyun-milyong dolyar na halaga ng mga sobrang kagamitan at panustos ng mga sundalo. Ang mga relihiyosong grupo, na tinatawag na kultong kargamento, ay nagtayo ng mga pantalan at paliparan. Umaakto sila na parang mga sundalo na may kunwa-kunwariang mga kagamitang pangmilitar upang hikayating bumalik ang mga banyaga. Kahit sa ngayon, daan-daang mamamayan ng Isla ng Tanna ang nanalangin pa rin kay John Frum—ang “diumano’y Amerikanong mesiyas,” na ayon sa kanila ay babalik upang bigyan sila ng saganang kargamento o kayamanan.
Sari-saring Kultura
Talagang magkakaiba ang mga wika at kaugalian sa mga isla ng bansang ito. Ayon sa isang babasahin: “Ang Vanuatu ang may pinakamaraming wika sa buong mundo, kung ihahambing sa liit ng populasyon nito.” Di-kukulangin sa 105 wika at mga diyalekto ang sinasalita sa buong arkipelago. Ang kanilang opisyal na mga wika ay Ingles, Pranses, at Bislama—ang pambansang wika.
Gayunman, may isang bagay na karaniwan pa rin sa mga isla: Ang bawat pitak ng kanilang buhay ay nakadepende sa mga ritwal. Sa katunayan, isang sinaunang ritwal para patabain ang lupa sa Isla ng Pentecost ang pinagmulan ng bungee jumping na kinababaliwan ng marami sa buong daigdig. Sa kanilang taunang pag-aani ng tugî, ang mga kalalakihan, bata’t matanda, ay tumatalon na una ang ulo mula sa isang toreng gawa sa kahoy na may taas na 20 hanggang 30 metro. Tanging mahahabang baging lamang na nakatali sa kanilang mga bukung-bukong ang naglalayo sa kanila mula sa tiyak na kamatayan. Inaakala nila na kapag bahagyang sumayad ang kanilang ulo sa lupa, “mapatataba” nila ang lupa para sa pagsasaka sa susunod na taon.
Sa Isla ng Malekula, kamakailan lamang natutuhan ng ilang tagarito na makihalubilo sa mga turista. Dito naninirahan ang mga tribong nakilala bilang Malalaking Namba at Maliliit na Namba. Dati silang mababangis na kanibal, pero sinasabi na noong 1974 ang huling pagkakataon na kumain sila ng tao. Gayundin, matagal na rin nilang itinigil ang kaugalian ng mahigpit na pagbabalot sa ulo ng mga lalaking sanggol upang maging “maganda” at pahaba ang mga ito. Sa ngayon, napakapalakaibigan ng mga Namba at masaya nilang ibinabahagi sa mga turista ang kanilang kultura.
Paninirahan sa Paraiso
Karamihan sa mga turista ay pumupunta sa Vanuatu para lamang sa maikling bakasyon. Ngunit dumating dito ang mga Saksi ni Jehova mga 70 taon na ang nakalilipas upang tulungan ang mga tao na matuto tungkol sa Diyos. Nagkaroon ng maiinam na bunga ang pagsisikap ng mga Saksi sa ‘pinakamalayong bahagi na ito ng lupa.’ (Gawa 1:8) (Tingnan ang kahon na “Dating Lulong sa Kava, Ngayo’y Kristiyano Na.”) Noong 2006, gumugol ng mahigit 80,000 oras ang limang kongregasyon ng mga Saksi sa bansang ito upang ibahagi ang mensahe ng Bibliya tungkol sa darating na paraisong lupa. (Isaias 65:17-25) Nakatutuwang malaman na ang Paraisong ito sa hinaharap ay magdudulot ng permanenteng ginhawa mula sa mga panggigipit at alalahanin ng buhay sa ngayon!—Apocalipsis 21:4.
[Mga talababa]
^ par. 5 Ang mga dugong ay mga hayop sa dagat na kumakain ng halaman at lumalaki nang hanggang 3.4 metro ang haba at may timbang na mahigit 400 kilo.
^ par. 7 Ang Vanuatu ay tinatawag na New Hebrides bago ito nagkaroon ng pambansang kasarinlan noong 1980.
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
MALILIGAYANG ISLA
Noong 2006, nanguna sa talaan ng Happy Planet Index ang Vanuatu. Ang talaang ito na ginawa ng New Economics Foundation, isang institusyong panlipunan sa Britanya, ay nagpapakita ng pagkakasunud-sunod ng 178 bansa batay sa antas ng kaligayahan, haba ng buhay, at epekto sa kalikasan ng mga bansa sa kabuuan. “Nanguna [ang Vanuatu] dahil ang mga mamamayan dito ay maliligaya, nabubuhay nang halos 70 taon at hindi gaanong nakapipinsala sa planeta,” ang sabi ng pahayagang Vanuatu Daily Post.
[Larawan]
Katutubong kasuutan
[Credit Line]
© Kirklandphotos.com
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
DATING LULONG SA KAVA, NGAYO’Y KRISTIYANO NA
Si Willie, na naninirahan sa Isla ng Pentecost, ay malakas nang uminom ng kava mula pa noong kabataan niya. Ang matapang na inuming sedatibo na ito ay mula sa pinakuluang dinikdik na ugat ng halamang paminta. Gabi-gabi, pasuray-suray siyang umuuwi dahil langung-lango siya sa kava. Nagkapatung-patong ang kaniyang utang. Madalas siyang maging marahas at binubugbog ang kaniyang asawang si Ida. Minsan, hinimok si Willie ng kaniyang katrabahong Saksi ni Jehova, na mag-aral ng Bibliya. Pumayag naman si Willie. Sa pasimula ay tumutol si Ida sa pag-aaral. Pero dahil bumubuti ang pag-uugali ng kaniyang asawa, nagbago ang kaniyang isip at nakipag-aral na rin siya ng Bibliya sa mga Saksi. Pareho silang sumulong sa espirituwal. Nang maglaon, napagtagumpayan ni Willie ang kaniyang mga bisyo. Nabautismuhan sila ni Ida bilang mga Saksi ni Jehova noong 1999.
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
NEW ZEALAND
AUSTRALIA
KARAGATANG PASIPIKO
FIJI
[Larawan sa pahina 16]
Nakikibahagi ang mga lalaki sa napakadelikadong ritwal na ito para patabain ang lupa
[Credit Line]
© Kirklandphotos.com
[Picture Credit Line sa pahina 15]
© Kirklandphotos.com
[Picture Credit Line sa pahina 15]
© Kirklandphotos.com
[Picture Credit Line sa pahina 16]
© Kirklandphotos.com