Wasak na Puso, Gumuhong Pananampalataya
Wasak na Puso, Gumuhong Pananampalataya
“NAGKALAT ang mga bangkay sa paligid, at hindi na namin makita ang dating kinatitirikan ng bahay namin,” ang sabi ng isang lalaking taga-Sri Lanka matapos wasakin ng isang tsunami ang kanilang nayon noong Disyembre 2004. Sa isang artikulo hinggil sa sakunang iyon, sinabi ng isang editor ng mga artikulo tungkol sa relihiyon na may mga pagkakataong “nagngangalit ang kaniyang mga ngipin habang nagdarasal.”
Itinuturing ng marami ang mga likas na kasakunaan bilang parusa mula sa Diyos. Inilarawan ng isang kolumnista ang isang mapangwasak na bagyo bilang “ang kamao ng Diyos.” Sa Estados Unidos, inilarawan ng ilang lider ng relihiyon ang mga pangyayaring gaya ng Bagyong Katrina bilang “poot ng Diyos” sa “makasalanang mga lunsod.” Sa Sri Lanka, isinisisi ng mga militanteng Budista sa mga Kristiyano ang tsunami, na lalong nagpatindi sa alitan ng mga relihiyong ito. Naniniwala naman ang nangangasiwa sa isang templo ng mga Hindu na nagalit ang diyos na si Shiva dahil sa imoral na pamumuhay ng mga tao. Ganito naman ang sinabi ng isang lider ng mga Budista sa Estados Unidos hinggil sa mga likas na kasakunaan: “Hindi natin alam kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito. Ni hindi nga natin alam kung bakit tayo naririto sa lupa.”
Kapag nakakakita tayo ng mga larawan ng nawasak na mga bahay, mga nasawi, at mga namimighati, naiisip mo ba kung minsan, ‘Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang labis-labis na pagdurusa?’ O iniisip mo ba, ‘May mabubuting dahilan siguro ang Diyos kaya niya pinapayagang mangyari ang gayong mga bagay pero hindi niya sinasabi sa atin ang mga dahilang iyon’? Susuriin ng sumusunod na mga artikulo ang paksang ito. Tatalakayin din ang ilang praktikal na hakbang na maaaring gawin ng mga tao upang mabawasan ang panganib na mapinsala at masawi ang isa sakaling may magbanta o maganap na likas na kasakunaan.
[Larawan sa pahina 3]
Hindi alam ng maraming lider ng relihiyon kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang mga likas na kasakunaan