Ang Kawawang Pating
Ang Kawawang Pating
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
ISA ang pating sa lubhang kinatatakutang hayop. Sa buong daigdig bawat taon, may humigit-kumulang 75 insidente ng pag-atake ng pating sa mga tao nang walang dahilan, at mga 10 sa mga insidenteng ito ang may namatay. Dahil balitang-balita ang mga pag-atakeng ito—idagdag pa ang negatibong imahe ng pating na nakikita sa mga pelikula—nagkaroon ng kaisipan na ang mga pating ay nangangain ng tao. Siyempre pa, kailangang mag-ingat sa mga pating. Gayunman, kung tutuusin, mas marami pa ang namamatay sa kagat ng bubuyog at sa buwaya kaysa sa pag-atake ng mga pating.
Sa kabaligtaran, ang pating ang sinasalakay ng tao. “Bawat taon, 100 milyong pating ang nahuhuli—napakarami anupat kapag inihanay nang pahaba ang mga ito, kaya nitong ikutin ang lupa nang limang beses,” ang report ng isang mananaliksik para sa organisasyong Argus Mariner Consulting Scientists sa magasing Premier. Ang mabilis na pag-unti ng mga pating ay hindi lamang dahil sa paghuli sa mga ito kundi dahil mabagal din silang magparami, mabagal lumaki, at matagal magbuntis, bukod pa sa epekto sa kanila ng polusyon sa mga lugar kung saan nagsisilang ang mga ito. Kapag umunti ang populasyon nito, matatagalan pa bago sila dumami uli.
Hinuhuli ang karamihan sa mga pating dahil sa mga palikpik ng mga ito, na mabiling-mabili sa ilang taga-Asia dahil nakagagamot daw ito at nakapagpapagana sa sekso. * Napakamahal ng sopas na palikpik ng pating at maaaring magkahalaga ang isang mangkok nito ng hanggang $150 (halos ₱7,000)! Dahil sa laki ng kinikita sa pagsusuplay nito sa Asia, lumaganap ang malupit at maaksayang pagpungos sa palikpik ng buháy na mga pating at basta na lamang pagtatapon sa mga ito sa dagat upang doon mamatay dahil sa gutom o pagkalunod.
Sagipin ang mga Pating!
Dapat ba nating ikabahala ang masaklap na kalagayang ito ng pating? Baka mas maaawa pa tayo sa mga elepante o balyena kaysa
sa mga pating. Subalit dapat nating kilalanin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga ito upang mapanatiling balanse ang ekolohiya ng mga karagatan. Halimbawa, yamang isda ang kinakain ng mga ito, nakatutulong ang mga ito sa pagkontrol sa populasyon ng iba pang isda.Sa maraming bansa, walang anumang regulasyon hinggil sa paghuli ng pating. Pagkatapos ng sampung-taóng debate, inaprubahan kamakailan sa Mexico, isang bansa na paghuli ng pating ang isa sa malaking pinagkakakitaan anupat mahigit 30,000 tonelada bawat taon ang nahuhuli, ang isang batas na nagbabawal sa pagpungos sa palikpik ng pating. Isa pang sanhi ng pag-unti ng pating ay ang ilegal na paghuli ng pating maging sa protektadong mga lugar para sa mga lamang-dagat sa iba’t ibang bahagi ng daigdig dahil sa paglaki ng kinakailangang suplay para sa palikpik ng pating. Halimbawa, ganito ang daing ng direktor ng National Park Service ng Galápagos: “Lumala nang husto ang ilegal na pangingisda para sa palikpik ng pating sa Galapagos nitong nakalipas na mga taon. Napakalakas pagkakitaan nito kung kaya nagkaroon na ng sindikato rito.”
Isang positibong hakbang ang isinagawa upang mailigtas ang pating—ipinagbawal ng ilang bansa ang pagpungos sa palikpik ng pating. Gayunman, nagbabala si Charlotte Mogensen, na nagtatrabaho para sa World Wildlife Fund, na higit pa rito ang kailangang gawin. Sinabi niya: “Nanganganib pa rin ang mga pating sa buong mundo. Hinihimok namin ang lahat ng organisasyong nangangasiwa sa pangingisda na ipatupad hindi lamang ang pagbabawal sa pagpungos sa palikpik ng mga pating, kundi higpitan din ang mga kahilingan sa mga kumukuha ng datos hinggil sa pating, maging maingat sa mga pamamaraan sa pangingisda upang maiwasan ang di-sinasadyang pagkahuli ng pating at limitahan ang paghuli ng pating para hindi maubos ang mga ito.”
Nakatutuwa naman, hindi pahihintulutan ng Maylalang ng mga hayop na magpatuloy ang walang-patumanggang pag-abuso sa kaniyang kahanga-hangang mga nilalang. Kabilang na rito ang nakakatakot subalit may pakinabang na pating.—Apocalipsis 11:18.
[Talababa]
^ par. 5 Gayunman, natuklasan na ang mga palikpik ng pating ay may mataas na antas ng asoge (mercury), na maaaring maging sanhi ng pagkabaog sa mga lalaki.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]
IMPORMASYON TUNGKOL SA PATING
Laki: Ang pinakamalaking uri, ang butanding (itaas), ay umaabot nang hanggang 18 metro ang haba at tumitimbang nang tone-tonelada. Ngunit ang nilalang na ito na kumakain ng plankton at maliliit na isda ay hindi mapanganib sa tao.
Tagal ng pagbubuntis: Umaabot nang hanggang 22 buwan ang pagbubuntis.
Bilis ng pagpaparami: Sa katamtaman, nagsisilang ang pating ng mula dalawa hanggang sampung supling nang sabay-sabay. Karamihan sa mga uri nito ay nagsisilang ng buháy na mga supling samantalang nangingitlog naman ang iba.
Bilis ng paglaki: Karamihan ay umaabot ng mula 12 hanggang 15 taon bago gumulang at makapagparami.
Haba ng buhay: Mahirap alamin kung gaano kahaba ang buhay ng karamihan sa mga uri ng pating, pero ang mabagsik na great white (ibaba) ay tinatayang nabubuhay nang hanggang 60 taon.
[Credit Lines]
Seawatch.org
© Kelvin Aitken/age fotostock
[Larawan sa pahina 16, 17]
Sa mahigit na 300 uri ng pating, 62 ang nanganganib ngayong maubos
[Credit Line]
© Mark Strickland/SeaPics.com
[Larawan sa pahina 17]
Kalahating kilo lamang ng palikpik ng pating ay nagkakahalaga na ng $200 (₱9,000) o higit pa. Ang isang pares na panga ng pating na great white ay nagkakahalaga ng hanggang $10,000 (₱450,000)
[Credit Line]
© Ron & Valerie Taylor/SeaPics.com