Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawing Kanlungan ang Inyong Pamilya

Gawing Kanlungan ang Inyong Pamilya

Gawing Kanlungan ang Inyong Pamilya

“WALANG likas na pagmamahal.” Sa pamamagitan ng nakalulungkot na mga salitang ito inilarawan ng Bibliya ang maraming tao sa ating panahon, isang yugtong tinatawag na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1, 3, 4) Ang laganap na pang-aabuso sa bata sa loob ng pamilya ay isang maliwanag na katibayang totoo nga ang hulang ito. Sa katunayan, ang orihinal na salitang Griegong aʹstor·gos, na isinalin sa Tagalog na “walang likas na pagmamahal,” ay nagpapahiwatig ng kawalan ng pag-ibig na dapat sana’y makita sa mga miyembro ng pamilya, lalo na sa pagitan ng mga magulang at mga anak. * At madalas na dito pa nga nagaganap ang pang-aabuso sa bata.

Sinasabi ng ilang mananaliksik na ang pinakamadalas na nang-aabuso ay ang ama o ang tumatayong ama. Madalas na nang-aabuso rin ang iba pang lalaking kamag-anak. Bagaman mga batang babae ang malimit na nagiging biktima, marami ring batang lalaki ang inaabuso. Ang mga babaing nambibiktima ay hindi bihira na gaya marahil ng iniisip mo. Maaaring ang di-gaanong napapaulat na uri ng pang-aabuso ay ang insesto sa pagitan ng magkapatid, kung saan ang mas matanda o mas malakas na bata ang tumatakot o nambibiktima sa mas bata o mas mahinang kapatid. Bilang magulang, tiyak na masusuklam ka sa ganitong mga gawain.

Paano maiiwasang magkaroon ng ganitong problema ang inyong pamilya? Maliwanag na bawat miyembro ng pamilya ay kailangang matuto at magpahalaga sa mga simulaing hahadlang sa pang-aabuso. Ang pinakamagandang aklat na mapagkukunan ng ganitong patnubay ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Salita ng Diyos at Pisikal na mga Relasyon

Upang maging kanlungan, ang bawat pamilya ay dapat sumunod sa pamantayan ng Bibliya tungkol sa moral. Hindi iniiwasan ng Bibliya na talakayin ang tungkol sa sekso. Ito ay prangka at deretso sa punto, pero may dignidad. Ipinakikita nito na dinisenyo ng Diyos ang pagtatalik bilang isang malaking pagpapala sa mag-asawa. (Kawikaan 5:15-20) Pero hinahatulan nito ang pagtatalik ng hindi mag-asawa. Halimbawa, tahasang sinasabi ng Bibliya na tutol ito sa insesto. Sa Levitico kabanata 18, ipinagbabawal ang napakaraming uri ng insesto. Pansinin ang mga salitang ito: “Huwag kayong lalapit, sinumang tao sa inyo, sa sinumang malapit na kamag-anak niya sa laman upang maghantad ng kahubaran [makipagtalik]. Ako ay si Jehova.”​—Levitico 18:6.

Ibinilang ni Jehova ang insesto sa mga “karima-rimarim na bagay” na ang parusa ay kamatayan. (Levitico 18:26, 29) Maliwanag na napakataas ng pamantayan ng Maylalang sa bagay na ito. Sa ngayon, ganiyan din ang pananaw ng maraming pamahalaan, na nagbabawal sa seksuwal na pang-aabuso sa mga bata. Karaniwan nang isinasaad ng batas na ang isang batang pumayag na makipagtalik sa isang adulto ay masasabing hinalay. Bakit kaya gagamitin ang matinding salitang ito gayong hindi naman siya pinuwersa?

Naunawaan na ng mga awtoridad ang malaon nang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga bata​—na wala silang kakayahang mangatuwirang gaya ng mga adulto. Halimbawa, sinasabi sa Kawikaan 22:15: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.” At kinasihan si apostol Pablo na isulat: ‘Noong ako ay sanggol pa, nag-iisip akong gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol; ngunit ngayong ganap na ang aking pagkatao, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.’​—1 Corinto 13:11.

Hindi pa nauunawaan ng isang bata ang ganap na kahulugan ng pagtatalik, at hindi naiisip ng isang bata ang ibubunga nito pagkalipas ng mga taon. Kaya naman marami ang sang-ayon na hindi makapagbibigay ang mga bata ng tamang pasiya tungkol sa pakikipagtalik. Sa ibang salita, kapag ang isang adulto (o mas nakatatandang kabataan) ay nakipagtalik sa isang bata, hindi puwedeng ikatuwiran ng mas nakatatanda na hindi naman tumutol ang bata o ito na mismo ang may gusto. Nagkasala pa rin ng panghahalay ang adulto. Ito ay isang krimen, na karaniwan nang pinarurusahan ng pagkabilanggo. Mananagot ang nanghalay, hindi ang biktima.

Pero ang nakalulungkot, karamihan sa ganitong krimen ay hindi naparurusahan ng mga awtoridad sa ngayon. Halimbawa, sa Australia, tinatayang 10 porsiyento lamang ng mga nang-aabuso ang naisakdal, at iilan lamang ang nahatulang nagkasala. Ganito rin sa ibang mga lupain. Bagaman may ilang nagagawa ang mga pamahalaan para maprotektahan ang pamilyang Kristiyano, mas malaki ang nagagawa ng pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya.

Batid ng mga tunay na Kristiyano na ang Diyos na nagpasulat ng mga simulaing iyon sa kaniyang Salita ay hindi nagbabago. Nakikita niya ang bawat kilos natin, kahit yaong mga hindi nakikita ng karamihan sa mga tao. Ang sabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.”​—Hebreo 4:13.

Pagsusulitin tayo ng Diyos kapag nilabag natin ang kaniyang utos at nanakit tayo sa iba. Pero pagpapalain naman niya tayo kapag sumunod tayo sa kaniyang kapaki-pakinabang na mga utos tungkol sa buhay pampamilya. Anu-ano ang ilan sa mga ito?

Pamilyang Pinagbubuklod ng Pag-ibig

Ang “pag-ibig,” ayon sa Bibliya, ay “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Gaya ng pagkakalarawan sa Bibliya, ang pag-ibig ay hindi basta nadarama lamang. Ito ay isang damdaming nag-uudyok kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng isang tao. (1 Corinto 13:4-8) Sa loob ng pamilya, ang pagpapakita ng pag-ibig ay nangangahulugan ng pakikitungo sa bawat isa nang may dignidad, paggalang, at kabaitan. Nangangahulugan ito ng pamumuhay na kasuwato ng pangmalas ng Diyos sa bawat miyembro ng pamilya. Bawat isa ay binibigyan ng Diyos ng marangal at mahalagang papel.

Bilang ulo ng pamilya, ang ama ang dapat manguna sa pagpapakita ng pag-ibig. Alam niya na ang isang amang Kristiyano ay hindi pinahihintulutang maging malupit, na inaabuso ang kaniyang kapangyarihan sa kaniyang asawa at mga anak. Sa halip, tinutularan niya ang halimbawa ni Kristo sa pagiging ulo. (Efeso 5:23, 25) Kaya naman siya ay malambing at mapagmahal sa kaniyang asawa at mapagpasensiya at mahinahon sa kaniyang mga anak. Palagi niya silang pinoprotektahan at ginagawa niya ang lahat para mahadlangan ang anumang bagay na makapag-aalis ng kanilang kapayapaan, pagkainosente, o ng kanilang pagtitiwala at kaligtasan.

Sa katulad na paraan, ang asawang babae at ina ay may marangal at mahalagang papel din naman. Ginamit ng Bibliya ang likas na paraan ng pagprotekta ng mga hayop sa kanilang mga anak upang ilarawan ang proteksiyong ipinakikita ni Jehova at ni Jesus. (Mateo 23:37) Dapat na ganito rin ang pagprotekta ng mga ina sa kanilang mga anak anuman ang mangyari. Dahil sa pagmamahal, hindi siya nag-aatubiling unahin ang kaligtasan ng kaniyang mga anak bago ang sarili. Hindi pahihintulutan ng mga magulang ang pang-aabuso ng kapangyarihan, paghahari-harian, o pananakot sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa o sa kanilang mga anak; ni pahihintulutan nilang gamitin ng kanilang mga anak ang mga taktikang ito sa isa’t isa.

Kapag nakikitungo ang bawat isa sa pamilya nang may paggalang at dignidad, nagiging maganda ang kanilang pag-uusap. Ganito ang sinabi ng awtor na si William Prendergast: “Lahat ng magulang ay dapat magkaroon ng araw-araw, palagian, at puso-sa-pusong pakikipag-usap sa kanilang maliliit o mga tin-edyer na anak.” Ang sabi pa niya: “Lumilitaw na ito ang pinakamagaling na solusyon sa problema ng seksuwal na pang-aabuso.” Sa katunayan, ang gayong palagian at maibiging pakikipag-usap ang talagang iminumungkahi ng Bibliya. (Deuteronomio 6:6, 7) Kapag ikinapit ang tagubiling ito, ang tahanan ay nagiging isang dako kung saan malaya at ligtas na masasabi ng bawat isa sa pamilya ang kanilang niloloob.

Oo nga’t nabubuhay tayo ngayon sa isang napakasamang daigdig at hindi natin laging maiiwasan ang pang-aabuso. Magkagayunman, malaki ang magagawa ng isang ligtas na tahanan. Kapag nasaktan ang isang miyembro ng pamilya sa labas ng tahanan, alam niya kung saan siya tatakbo para makadama ng kaaliwan at pagdamay. Ang gayong tahanan ay tunay na isang kanlungan at proteksiyon sa magulong daigdig na ito. Pagpalain sana ng Diyos ang inyong mga pagsisikap na gawing kanlungan ang inyong pamilya!

[Talababa]

^ par. 2 Ang sinaunang Griegong salitang ito ay binigyang-kahulugan: “Walang-habag sa kamag-anak.” Kaya naman ganito ang pagkakasabi sa talatang ito ng isang salin sa Bibliya: “Ang mga tao’y . . . walang katutubong pag-ibig.”

[Kahon/​Larawan sa pahina 10]

MGA MUNGKAHI PARA MAGING LIGTAS ANG TAHANAN

Internet: Kapag gumagamit ng Internet ang inyong mga anak, kailangan silang paalalahanan kung paano ito gagamitin nang ligtas. Napakarami nitong mahahalay na site, mga chat room at iba pang social network kung saan ang mga pedophile ay naghahanap ng mga batang mabibiktima. Isang katalinuhan na ilagay ang computer sa labas ng kuwarto upang masubaybayan ng mga magulang ang paggamit dito. Kung walang patnubay ng magulang, ang mga bata ay hindi dapat magbigay ng impormasyon tungkol sa kanila o makipagkita sa sinumang nakilala nila sa Internet.​—Awit 26:4.

Alak: Sa maraming kaso ng seksuwal na pang-aabuso sa bata, sangkot dito ang alak. Ipinakikita ng karanasan na kapag nalalasing ang mga adulto, nawawala ang kanilang pagpipigil sa sarili; ang ilan ay natatangay ng pagnanasa na mapipigil sana nila kung hindi sila lasing. Sa paanuman, isa pang dahilan ang panganib na ito upang sundin ang payo ng Bibliya na umiwas sa paglalasing at labis na pag-inom ng alak.​—Kawikaan 20:1; 23:20, 31-33; 1 Pedro 4:3.

Pagkakaroon ng Sariling Lugar: Nagugunita pa ng isang babae: “Nang mamatay si Inay, si Itay lamang ang may kurtina sa kaniyang bintana o pinto sa kaniyang kuwarto. Nakikita niya ang bawat kilos namin sa loob ng bahay​—kahit sa banyo.” Minolestiya ng lalaking ito ang lahat ng kaniyang anak na babae. Dapat maunawaan ng bawat isa sa pamilya na mahalaga ang pagkakaroon ng sariling lugar sa bahay. Kung paanong may mga pagkakataon na kailangan ng mga magulang na makapagsolo, kailangan din nilang bigyan ang kanilang mga anak ng angkop na kalayaang makapagsolo habang sila’y lumalaki. Ang matatalinong magulang ay nakikitungo sa iba ayon sa pakikitungong gusto nilang gawin ng iba sa kanila.​—Mateo 7:12.