Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Panganib na Ikinababahala ng Bawat Magulang

Isang Panganib na Ikinababahala ng Bawat Magulang

Isang Panganib na Ikinababahala ng Bawat Magulang

SINA Liza at Tony ay masigla at masayahing mag-asawa, mga magulang ng isang matalino at malusog na batang lalaki na tatlong taóng gulang. * Inaalagaan nilang mabuti ang kanilang anak. Hindi ito isang madaling trabaho sa ngayon. Sangkot dito ang maraming álalahanín at pananagutan. Napakaraming dapat ituro sa mga anak! Pero ang pinakamatinding ikinababahala nina Liza at Tony ay ito: Gusto nilang maprotektahan ang kanilang anak mula sa seksuwal na pang-aabuso. Bakit?

“Si Itay ay isang lasenggong walang pakialam sa mundo at mainitin ang ulo,” ang sabi ni Liza. “Binubugbog niya ako noon, at minomolestiya niya kaming magkakapatid.” * Marami ang sumasang-ayon na ang gayong pang-aabuso ay nag-iiwan ng malalim na pilat sa kalooban. Natural lamang kung gayon na maging determinado si Liza na protektahan ang kaniyang anak! Ganiyan din ang gustong gawin ni Tony.

Maraming magulang ang nababahala tungkol sa pang-aabuso sa bata. Marahil ay nababahala ka rin. Di-gaya ni Liza, maaaring hindi ka naman aktuwal na nakaranas ng pang-aabuso at ng mga epekto nito, pero tiyak na nababalitaan mo ang nakagigimbal na mga ulat tungkol sa paglaganap ng nakapandidiring gawaing ito. Sa buong daigdig, ang mapagmahal na mga magulang ay natatakot sa nababalitaan nilang nangyayari sa mga bata sa kanilang lugar.

Dahil sa napakalaking problemang ito, nasabi tuloy ng isang mananaliksik tungkol sa pang-aabuso sa bata na ito na ang “isa sa pinakamasamang natuklasan sa ating panahon.” Nakalulungkot nga ang balitang iyan, pero nakagugulat ba ito? Hindi sa mga nag-aaral ng Bibliya. Ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos na tayo ay nabubuhay sa magulong panahong tinatawag na “mga huling araw,” isang panahon na laganap ang “mabangis” na pag-uugali, anupat ang mga tao ay nagiging “maibigin sa kanilang sarili” at “walang likas na pagmamahal.”​—2 Timoteo 3:1-5.

Ang seksuwal na pang-aabuso ay isang nakatatakot na problema. Sa katunayan, nangingilabot ang ilang magulang kapag naiisip nila ang napakasasamang taong ito na nambibiktima sa mga bata. Pero wala na kayang magagawang paraan ang mga magulang para maharap ang problemang ito? O may ilang praktikal na hakbang ba na puwedeng gawin ng mga magulang upang maprotektahan ang kanilang mga anak? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.

[Mga talababa]

^ par. 2 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 3 Nangyayari ang seksuwal na pang-aabuso sa isang bata kapag ginagamit ng isang adulto ang bata para bigyang-kasiyahan ang kaniyang seksuwal na pagnanasa. Karaniwan nang sangkot dito ang tinatawag sa Bibliya na pakikiapid, o por·neiʹa, at kasama rito ang paghipo sa ari, pagsiping, at oral o anal sex. Ang ilang pang-aabuso​—gaya ng paghipo sa dibdib, tuwirang pag-aalok na gumawa ng imoralidad, pagpapakita ng masasagwang larawan sa bata, paninilip, at mahalay na paglalantad ng katawan​—ay katumbas ng sinasabi ng Bibliya na “mahalay na paggawi” o “karumihan nang may kasakiman.”​—Galacia 5:19-21; Efeso 4:19.