Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaakit-akit na mga Rosas Mula sa Aprika

Kaakit-akit na mga Rosas Mula sa Aprika

Kaakit-akit na mga Rosas Mula sa Aprika

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA

“Ang pinakamagagandang bulaklak na nakita ko!” “Ang pinakamagandang regalo na maibibigay mo sa isang minamahal na kaibigan.” “Kapag nagbigay ka nito, parang sinasabi mong, ‘Mahal kita.’”

MARAHIL sumasang-ayon ka sa sinabi ng mga naninirahan sa Nairobi, Kenya, na sinipi sa itaas. Sa lahat ng namumulaklak na halaman, kasama na ang mga ligaw at inaalagaan ng tao, malamang na rosas ang pinakatanyag sa daigdig. Matagal nang napukaw nito ang imahinasyon ng tao. Kumatha ng mga tula ang mga makata hinggil dito, at madalas itong iguhit at ililok ng mga dalubsining. Pinuri ito ni Shakespeare sa tanyag na mga salita mula sa Romeo and Juliet: “Ano pa ang halaga ng pangalan? Mabango pa rin ang rosas, ibahin man ang katawagan.” Dahil sa mga rosas, nabuo at tumibay ang mga pagkakaibigan, nagkasundo ang mga magkagalit, at sumigla ang maraming maysakit.

Bukod diyan, magandang pagkakitaan ang mga rosas. Sa maraming bansang may klima na kaayaaya sa pagpaparami ng bulaklak, pangunahin nang iniluluwas ang rosas sa ibang bansa. Halimbawa, kamakailan, sa loob ng isang taon, mahigit 70 porsiyento sa milyun-milyong bulaklak na iniluluwas ng Kenya ay mga rosas. Dahil dito, ang bansang ito ang isa sa mga nangungunang tagapagluwas ng rosas sa buong daigdig.

Noon, bago matuklasan ng tao ang kaakit-akit na mga katangian ng rosas, tumutubo ito sa halos lahat ng lugar sa ilang. Sa kasalukuyan, sa pamamagitan ng maingat na mga pamamaraan ng pagpaparami ng bagong uri, nakagawa ng libu-libong iba pang uri ng rosas mula sa mahigit 100 uri ng ligaw na rosas. Bilang resulta, ang bulaklak na ito ay nakilala sa buong daigdig at masusumpungan sa halos lahat ng bansa. Ang pinakapopular at pinakakaraniwang rosas na itinatanim ay ang hybrid tea rose.

Mula sa Taniman Tungo sa Iyong Plorera

Karamihan sa mga tao ay bumibili ng rosas sa mga nagtitinda ng bulaklak. Ang mga rosas na ipinagbibili ay pinararami sa malalaking taniman at mas maselan kaysa sa mga tumutubo lamang sa bakuran. Nang pumasyal kami sa isang taniman malapit sa Nairobi, nalaman namin ang maingat na pangangalagang ginagawa sa mga rosas bago ito ipagbili.

Dito, katulad sa iba pang lugar sa Kenya, agad mong makikilala ang taniman ng rosas dahil sa malalaki nitong polyethylene greenhouse. (Tingnan ang larawan sa pahina 26.) Maraming ginagawa sa loob ng mga gusaling ito. Maseselan ang bagong hugpong na mga halamang rosas at nangangailangan ng proteksiyon mula sa masamang lagay ng panahon. Maaaring masira ang mga ito sa malakas na ulan, hangin, o pagkabilad sa araw. Para mapanatili ang wastong temperatura, dapat na madaling makapasok ang malamig na hangin at makalabas naman ang mainit na hangin sa greenhouse.

Sa loob ng mga greenhouse, may mga hanay ng bulaklak na iba-iba ang gulang. Sa tanimang ito, may ilang uri ng rosas na pinatutubo, kabilang na rito ang popular na hybrid tea rose, na pinuputol nang hanggang mga 70 sentimetro, at ang sweetheart rose, isang uri ng hybrid tea rose, na pinuputol nang hanggang 35 sentimetro. Ang tanimang ito, na umaabot ng isang ektarya, ay may mga 70,000 halaman.

Paano nakakakuha ng sustansiya ang mga halaman? Hindi ginagamit ang ordinaryong lupa. Ang taniman ay may mga batong galing sa bulkan na inilatag sa mga saping polyethylene, isang uri ng plastik. Mas pinipili ang pamamaraang ito, dahil nakakatulong ang mga bato para hindi makakakuha ng sakit ang mga halaman mula sa lupa. Dinidilig ang mga halaman sa pamamagitan ng maliliit na tubo na nakatapat at nakasunod sa mga hanay ng bulaklak. Naglalabas ito ng sapat na dami ng tubig at sustansiya. Yamang hindi sumisipsip ng tubig ang mga batong galing sa bulkan, tumatagos ang tubig sa plastik na sapin. Iniipon ang sobrang tubig at ginagamit uli ito.

Sa kabila ng maingat na pangangalaga sa mga bulaklak, ang mga ito ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang sakit, pangunahin nang dahil sa mga fungus. Kasama rito ang botrytis at isang uri ng amag na parang pulbos, na sumisira sa dahon at katawan ng halaman. Kung hindi ito maaagapan, lubhang maaapektuhan ang kalidad ng bulaklak. Ang paggamit ng mga panlaban sa fungus ay nakatutulong para malunasan ito.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting makikita ang matitingkad na kulay, anupat malinaw na ipinahihiwatig na puwede nang pitasin ang mga rosas. Ang mga bulaklak ay maingat na pinipitas habang nakatikom pa ang mga ito. Kapag pinitas ang mga rosas sa panahong ito, mas nagtatagal ang buhay at kulay ng mga bulaklak. Pero maaaring iba-iba ang panahon ng pagpitas sa mga bulaklak depende sa uri. Napakahalaga na pitasin ang mga bulaklak sa umaga o sa dapit-hapon, kung kailan mahalumigmig ang kapaligiran at hindi madaling malanta ang mga rosas. Pagkatapos, dinadala ang mga bulaklak sa isang malamig na silid. Makatutulong ito para tumagal at manatiling sariwa ang mga rosas.

Sumunod, ang mga bulaklak ay inuuri. Ang mga ito ay pinagbubukud-bukod depende sa kulay at laki. Inilalagay ang mga rosas sa mga lalagyan ayon sa kagustuhan ng mga kostumer. Sa wakas, ang mga bulaklak ay puwede nang ipagbili. Mula sa tanimang ito, dinadala ang mga rosas sa pangunahing paliparan ng Nairobi, at mula roon ay iniluluwas ang mga ito sa Europa, libu-libong kilometro ang layo. Dahil madali itong malanta, dapat makarating ang mga bulaklak sa mga tindahan, sa loob man o labas ng bansa, sa loob ng 24 na oras.

Kaya sa susunod na may magregalo sa iyo ng isang pumpon ng rosas o kapag bumili ka nito sa nagtitinda ng bulaklak, huminto sandali at pag-isipan ang Maylalang ng kaakit-akit na bulaklak na ito, ang Diyos na Jehova. Malamang na sisidhi ang iyong pagpapahalaga sa Kaniya.​—Awit 115:15.

[Kahon/​Mga larawan sa pahina 26]

Magkakaroon Pa Kaya ng Asul na Rosas?

Napakarami na ng uri ng rosas, at waring hindi pa natatapos ang pagpaparami sa uri nito. Maraming bagong pamamaraan ang ginagawa ngayon sa pagpaparami ng uri ng rosas at pagtatanim nito. Iilang bulaklak lamang ang may mga kulay na gaya ng sa mga rosas. Anong kulay ang paborito mo? Puti, dilaw, mapusyaw o matingkad na pula? Karamihan sa mga ito ay resulta ng iba’t ibang pamamaraan ng pagpaparami ng uri.

Bilang halimbawa, alam mo bang bagaman binabanggit ng mga tao ang tungkol sa “pulang” rosas, wala naman talaga dating pulang rosas sa pamilya ng halamang rosas? Wala kasi itong gene na nagbibigay ng kulay na pula. Ang matingkad na pula ay resulta ng pagbabago sa gene ng bulaklak noong mga 1930, kung kaya nang dakong huli ay nagkaroon ng mga pulang rosas. Subalit may isang kulay na wala pa​—asul. Ang delphinidin, ang gene na nagbibigay ng asul na kulay, ay hindi likas sa pamilya ng halamang rosas. Subalit pagkalipas ng maraming taon ng pinagsamang pagsasaliksik ng isang kompanya ng Australia at ng isang kompanya ng Hapon, isang “asul” na rosas ang napatubo noong 2004 gamit ang henetikong inhinyeriya. Gayunman, higit pang pagsasaliksik ang kailangan para magkaroon ng mas asul na rosas.

[Larawan]

“Polyethylene greenhouse”

[Larawan sa pahina 25]

Mga rosas na puwede nang pitasin