Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Indian ng Brazil—Nanganganib Maubos?

Mga Indian ng Brazil—Nanganganib Maubos?

Mga Indian ng Brazil​—Nanganganib Maubos?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL

NASA estado ng Mato Grosso, Brazil, ang Xingu National Park. Mga 27,000 kilometro kuwadrado ang lawak nito​—halos kasinlaki ng Belgium. Ang parkeng ito, isang luntiang isla sa gitna ng isang tila “napakalaking mesa ng bilyar” batay sa mga larawang kuha ng satelayt, ay tinitirahan ng mga 3,600 Indian mula sa 14 na grupong etniko. Sinunog ang mga gubat sa palibot nito para makuha ang mga troso na maibebenta o kaya nama’y para gawing pastulan ng napakaraming kawan ng baka.

Noong dekada ng 1960, sinimulan ng gobyerno ng Brazil na maglaan ng lupa para sa mga Indian. Nasa rehiyon ng Amazon ang karamihan sa mga ito at sa kasalukuyan ang mga lupaing ito ang bumubuo sa halos 12 porsiyento ng teritoryo ng Brazil. Ang paglalaan ng mga lupang ito ay umakay sa isang nakagugulat na pagbabago: Tumaas ang populasyon ng Indian sa Brazil​—sa kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na 500 taon! Tinatayang umabot ito nang mga tatlong daang libo. Pero napakaliit lamang nito kung ihahambing sa populasyon ng mga Indian noong 1500, na tinatayang nasa pagitan ng dalawang milyon at anim na milyon.

Sa nakalipas na 500 taon, gaya ng sinabi ng isang manunulat, “nagkaroon ng isang nakababahalang trahedya na laganap sa populasyon ng mga katutubo.” Ano kaya ang dahilan ng malaking pagbaba ng populasyon ng mga Indian? Ang pagdami ba ng mga Indian ng Brazil nitong nakalipas na mga taon ay nangangahulugang hindi na mauubos ang kanilang lahi?

Paano Nagsimula ang Pananakop?

Sa unang 30 taon matapos angkinin ng Portugal ang Brazil noong 1500, interesado lamang ang mga mananakop sa brazilwood​—isang matigas na kahoy na pinagkukunan ng pulang tina. Sa punong ito kinuha ang pangalan ng bansang Brazil. Napakamahal ng kahoy na ito sa Europa, at mga abubot lamang ang ipinapalit dito ng mga Europeo.

Subalit nang maglaon, natuklasan na madaling lumago ang pananim na tubó sa Brazil dahil sa klima rito. Pero may problema. Kailangan ng maraming trabahador sa pagtatanim ng tubó. Kaya unti-unting lumaki ang pangangailangan para sa trabahador na mga alipin. At hindi na kailangang maghanap sa malayo ng mga nandayuhan! Napakaraming katutubo na maaaring gawing trabahador.

Paano Nagsimula ang Pang-aalipin?

Nakagawian na ng mga Indian na magtanim ng kung ano lamang ang kailangan nila para mabuhay. Karaniwan nang mga mangangaso at mangingisda ang mga lalaki. Sila ang bumabalikat ng mabigat na trabahong paghahawan sa kagubatan. Ang mga kababaihan naman ang nagtatanim, umaani, at naghahanda ng pagkain. Pinapurihan ng edukadong mga Europeo ang mga Indian sa kanilang tila pagwawalang-bahala sa kayamanan at pagiging hindi sakim. Pero itinuring naman ng maraming nandayuhan na tamad lamang ang mga Indian.

Ang mga palakaibigang Indian ay hinimok na lumipat malapit sa mga pamayanan ng mga Portuges para magtrabaho at protektahan ang mga nandayuhan. Kadalasan nang malaki ang papel na ginagampanan dito ng mga Jesuita at iba pang relihiyosong orden. Hindi nila akalaing makasasamâ sa mga Indian ang ugnayang ito. Kahit na kinikilala ng batas ang lupain at kalayaan ng mga Indian, napuwersa pa rin ang mga Indian na magtrabaho bilang alipin ng mga nandayuhan. Bihira silang suwelduhan o payagang magtanim sa kanilang sariling lupa.

Tinangka ng monarkiyang Portuges na ipagbawal ang pang-aalipin subalit hindi sila gaanong nagtagumpay. Madalas na nalulusutan ng mga nandayuhan ang batas laban sa pang-aalipin. Karaniwan nang hinahayaan na lamang na alipinin o ibenta bilang alipin ang mga Indian na itinuturing na mga kaaway at nabihag sa tinatawag na “mga matuwid na digmaan.” Puwede ring bilhin, o “tubusin,” at gawing alipin ang mga Indian na nabihag ng ibang tribo.

Kung susuriin, magandang pagkakitaan ng kolonya ang industriya ng asukal. At umaasa sa pagtatrabaho ng mga alipin ang industriya ng asukal noon. Kaya madalas na kahit labag sa budhi ng monarkiyang Portuges ang pang-aalipin, hinahayaan na lamang nila ito kapalit ng malaking kita.

Labanan ng mga Dayuhang Mananakop​—Portugal Laban sa Pransiya at Holland

Ang mga Indian ang pangunahing biktima ng paglalabanan ng mga mananakop. Sinikap ng mga Pranses at Olandes na makuha ang Brazil mula sa Portugal. Nakipag-agawan sila sa mga Portuges para makuha ang suporta ng mga Indian. Hindi inisip ng mga Indian na ang tunay na pakay ng mga dayuhang kapangyarihan ay makuha ang kanilang lupain. Sa halip, itinuring ng mga Indian ang labanang ito na isang pagkakataon para makapaghiganti sila sa kanila mismong kaaway​—ibang tribo ng mga Indian​—kaya kusa silang nakisangkot sa labanan ng mga dayuhang kapangyarihan.

Halimbawa, noong Nobyembre 10, 1555, dumating sa Guanabara Bay (Rio de Janeiro na ngayon) ang maharlikang Pranses na si Nicholas de Villegaignon at nagtayo roon ng kuta. Nakipag-alyansa siya sa lokal na mga Tamoio Indian. Isinama ng mga Portuges ang mga Tupinamba Indian mula sa Bahia at, noong Marso 1560, nilusob nila ang waring di-malulupig na kuta. Tumakas ang mga Pranses pero patuloy silang nakipagkalakalan sa mga Tamoio at nanulsol na atakihin ang mga Portuges. Matapos ang ilang labanan, sa wakas ay natalo ang mga Tamoio. Iniulat na sa isa lamang labanan, 10,000 ang namatay at 20,000 ang ginawang alipin.

Mga Nakapandidiring Sakit Mula sa Europa

Mukhang napakalulusog naman ng mga katutubo nang dumating ang mga Portuges. Naniniwala ang mga manggagalugad noon na umaabot sa 100 taon ang edad ng maraming nakatatandang Indian. Pero walang panlaban ang mga Indian sa mga sakit mula sa Europa at Aprika. Marahil ito ang pangunahing dahilan kung bakit muntik nang maubos ang kanilang lahi.

Ang rekord ng mga Portuges ay puno ng nakapangingilabot na mga ulat ng mga epidemya na nagpababa nang husto sa populasyon ng mga Indian. Noong 1561, sinalot ng bulutong ang Portugal at kumalat ito sa Atlantiko. Napakalaking pinsala ang idinulot nito. Sumulat ang Jesuitang si Leonardo do Vale noong Mayo 12, 1563 at inilarawan niya ang nakagigimbal na epidemya sa Brazil: “Ito ay isang uri ng bulutong na labis na nakapandidiri at napakabaho kaya’t walang makatatagal sa napakasangsang na amoy [ng mga biktima nito]. Dahil dito, marami ang namamatay nang hindi inaalagaan, na unti-unti nang kinakain ng mga uod na naglabasan sa mga sugat ng bulutong at dumami nang husto at naglakihan anupat sinumang makakita nito’y magigitla.”

Nabigla ang mga Jesuita sa Pag-aasawa ng Magkaibang Lahi

Naging dahilan din ng pagkaubos ng maraming tribo ang pag-aasawa ng magkaibang lahi. “Hindi tumutol ang mga Portuges maging ang mga katutubong Braziliano sa pag-aasawa ng magkaibang lahi,” ayon sa aklat na Red Gold​—The Conquest of the Brazilian Indians. Itinuturing ng mga Indian na bahagi ng pagkamapagpatuloy nila ang pag-aalok ng kanilang mga kababaihan, kadalasan ang kanila mismong anak na mga babae, sa mga estranghero. Nang dumating sa Brazil ang unang grupo ng mga Jesuita noong 1549, nagulat sila sa kanilang nakita. “Hayagan nilang [mga klero] sinasabi sa mga kalalakihan na kaayon ng batas na magsama sila ng mga babaing Indian kahit di pa sila kasal,” ang reklamo ng Jesuitang si Manoel da Nóbrega, at dagdag pa niya: “Kinasama ng mga nandayuhan ang lahat ng kanilang [aliping] babaing Indian.” Ibinalita sa hari ng Portugal ang tungkol sa isang nandayuhang Portuges na ‘napakaraming anak, apo, apo-sa-tuhod, at mga inapo anupat [sinabi ng nagbabalita] hindi ko maatim na sabihin pa sa Inyong Kamahalan kung ilan ito.’

Sa kalagitnaan ng ika-17 siglo, ang dating napakaraming populasyon ng mga Indian sa mga baybaying kapatagan ng Brazil ay alinman sa naubos, ginawang alipin, o napangasawa ng ibang lahi. Sa kalaunan, ganito rin ang nangyari sa mga tribo sa rehiyon ng Amazon.

Ang pagdating ng mga Portuges sa Amazon ay sinundan ng halos di-mapigilang “malayang pangangaso” sa mga naninirahan sa gawing ibaba ng Amazon. Ayon sa kinatawan ng Maranhão na si Manoel Teixeira, sa loob lamang ng ilang dekada, pinatay ng mga Portuges ang halos dalawang milyong Indian sa Maranhão at Pará! Maaaring labis ang bilang na ito pero ang pagkawasak at pagdurusa ay totoong-totoo. Sa kalaunan, dumanas din ng gayong pagkawasak ang gawing itaas ng Amazon. Sa kalagitnaan ng ika-18 siglo, halos maubos ang buong populasyon ng katutubong mga Indian sa rehiyon ng Amazon, maliban sa mga nasa liblib na lugar.

Dahil sa pag-unlad ng maraming liblib na lugar sa Amazon nitong dulo ng ika-19 at ng ika-20 siglo, unti-unting nakipag-ugnayan ang mga Europeo sa natitirang mga tribo ng mga Indian na nasa liblib na mga lugar. Ang pagkakatuklas ni Charles Goodyear sa pagbubulkanisa ng goma noong 1839 at ang kasunod na pag-imbento sa mga gulong na goma ay umakay sa “pagkukumahog sa goma.” Dumagsa ang mga negosyante sa rehiyon ng Amazon, ang nag-iisang lugar na mapagkukunan noon ng dagta mula sa puno ng goma. Kilala ang panahong iyon sa marahas na pagsasamantala sa mga katutubo na naging dahilan ng higit pang pagbaba ng kanilang populasyon.

Epekto ng Ika-20 Siglo sa mga Indian

Noong 1970, nagplano ang gobyerno ng Brazil na pag-ugnayin ang liblib na mga bahagi ng Amazon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga haywey. Bumagtas ang marami sa mga ito sa lupain ng mga Indian at inilantad ang mga Indian hindi lamang sa mga pag-atake ng mga minero kundi pati na rin sa pagkalat ng nakamamatay na mga sakit.

Halimbawa, tingnan ang nangyari sa mga Panarás. Ang tribong ito ay halos maubos ng digmaan at pang-aalipin noong ika-18 at ika-19 na mga siglo. Ang ilang natira ay lumikas patungong hilagang kanluran, sa kaloob-looban ng gawing hilaga ng kagubatan ng Mato Grosso. Pagkatapos ay itinayo ang Cuiabá-Santarém haywey na bumagtas sa kanila mismong lupa.

Marami ang namatay dahil sa pakikipag-ugnayan sa mga Europeo. Noong 1975, 80 na lamang ang natira sa dating malaking tribo. Inilipat sa Xingu National Park ang mga Panarás. Pero hindi sila nakahanap ng lugar sa parke na katulad ng kanilang katutubong kagubatan. Kaya nagpasiya ang mga Panarás na bumalik sa kanilang sariling lupain. Noong Nobyembre 1, 1996, idineklara ng ministro ng katarungan ng Brazil ang 495,000 ektarya ng lupa bilang “permanenteng pag-aari ng mga katutubo.” Tila napigilan naman ang pagkaubos ng mga Panarás.

Bubuti Pa Kaya ang Kanilang Kalagayan?

Mapipigilan ba ng paglalaan ng mga lupain ang pagkaubos ng natitirang tribo ng mga Indian? Sa kasalukuyan, tila hindi na mauubos ang lahi ng mga Indian ng Brazil. Pero malimit na may mga likas na yaman sa kanilang lupain. Tinatayang ang mga mineral na nagkakahalaga ng mga isang trilyong dolyar​—kabilang na ang ginto, platino, diamante, bakal, at tingga​—ay nasa ilalim ng lupa ng tinatawag ngayon na Legal Amazonia, na binubuo ng siyam na estado sa hilaga at gitnang kanlurang mga rehiyon ng Brazil. Mga 98 porsiyento ng lupain ng mga Indian ang nasa rehiyong ito. Nag-uumpisa na ang ilegal na pagmimina sa ilang lupain ng mga Indian.

Ipinakikita ng kasaysayan na palagi na lamang agrabyado ang mga Indian sa pakikipag-ugnayan nila sa mga Europeo. Ipinagpalit nila ang mga ginto sa mga salamin at ang mga troso ng brazilwood sa mga abubot, at kailangan pa nilang lumikas sa liblib na mga bahagi ng kagubatan para lamang hindi maging alipin. Mauulit kaya ang kasaysayan?

Maraming Indian ang natuto nang gumamit ng modernong teknolohiya​—mga eroplano, bangkang de-motor, at mga cellphone. Pero panahon na lamang ang makapagsasabi kung mapagtatagumpayan nila ang mga hamon sa ika-21 siglo.

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

■ Xingu National Park

□ Mga lupaing inilaan sa mga Indian

BRAZIL

BRASÍLIA

Rio de Janeiro

FRENCH GUIANA

SURINAME

GUYANA

VENEZUELA

COLOMBIA

ECUADOR

PERU

BOLIVIA

PARAGUAY

URUGUAY

[Larawan sa pahina 15]

Pinagtrabaho ng mga negosyante ang mga Indian bilang alipin sa kanilang mga plantasyon ng goma

[Credit Line]

© Jacques Jangoux/Peter Arnold, Inc.

[Picture Credit Line sa pahina 12]

Line drawing and design: From the book Brazil and the Brazilians, 1857