“Mga Sasakyang Pamuksa”—Nakini-kinita
“Mga Sasakyang Pamuksa”—Nakini-kinita
“Ang buktot na pag-iisip ng tao ay laging humahanap ng paraan kung paano magagamit ang kaniyang talino para alipinin, puksain o linlangin ang kaniyang kapuwa.”—Horace Walpole, manunulat na taga-Inglatera noong ika-18 siglo.
MALAKI ang naitulong sa tao ng mga sasakyang panghimpapawid. Pero nagkatotoo ang mga salita ni Horace Walpole sa itaas! Bago pa man makapagpalipad ng sasakyang panghimpapawid ang mga tao, pinag-iisipan na nila ang maraming paraan kung paano magagamit sa digmaan ang lumilipad na mga sasakyan.
Noong 1670, mahigit 100 taon bago pa makapagpalipad ng kauna-unahang lobo na may sakay na tao, binanggit ng Italyanong Jesuita na si Francesco Lana na malamang na “hindi kailanman pahihintulutan ng Diyos na mabuo ang gayong sasakyan [sasakyang panghimpapawid], upang maiwasan ang napakaraming pangyayaring makasisira sa gobyernong sibil at pulitikal ng mga tao.” Gayunman, para bang nakini-kinita niya ang mangyayari at sinabi pa: “Sino ang [hindi nakababatid] na walang lunsod ang ligtas sa biglaang mga pagsalakay, sapagkat maaaring lumitaw anumang oras ang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw mismo ng mga pamilihan ng lunsod at ibaba rito ang mga sundalong sakay nito? Ganiyan din ang mangyayari sa mga bakuran ng pribadong mga bahay at mga barkong naglalayag sa karagatan . . . Kahit hindi ito lumapag, maaari itong maghulog ng mga piraso ng bakal na makapagpapataob ng mga barko at makapapatay ng mga tao, at ang mga barko ay maaaring sunugin sa pamamagitan ng artipisyal na apoy, bola ng kanyon, at mga bomba.”
Nang maimbento noong katapusan ng ika-18 siglo ang mga lobo na pinalilipad ng mainit na hangin at hidroheno, nangamba si Walpole na ang mga sasakyang ito ay maaaring agad na gawing “mga sasakyang pamuksa sa lahi ng tao.” Sa katunayan, sa pagtatapos ng 1794, ginamit na ng mga heneral ng hukbong Pranses ang mga lobong pinalilipad ng hidroheno upang manmanan ang teritoryo ng kaaway at iposisyon ang kanilang mga sundalo. Ginamit din ang mga lobo sa Gera Sibil ng Amerika pati na sa labanan sa pagitan ng Pransiya at Prussia noong dekada ng 1870. At sa dalawang digmaang pandaigdig noong nakaraang siglo, ginamit nang husto ng mga sundalo ng Alemanya, Amerika, Britanya, at Pransiya ang mga lobo sa mga misyon upang tiktikan ang teritoryo ng kalaban.
Naging instrumento nga ng kamatayan ang lobo noong Digmaang Pandaigdig II nang magpalipad ang hukbong Hapones ng 9,000 lobo na walang piloto pero kargado ng bomba patungong Estados Unidos. Mahigit 280 lobong may bomba ang umabot sa Hilagang Amerika.
Nakini-kinita ang Paggamit ng mga Sasakyang Panghimpapawid sa Digmaan
Kaiimbento pa lamang ng eroplano, pinag-iisipan na kung paano ito magagamit sa digmaan. Ganito ang sinabi ni Alexander Graham Bell noong 1907: “Iilan lamang ang nakababatid na napakalapit nang malutas ngayon ng Amerika ang isang palaisipan na lubusang babago sa kalakaran ng digmaan sa daigdig—ang tinutukoy ko ay ang pagbuo ng isang sasakyang panghimpapawid na magagamit sa digmaan.” Nang taon ding iyon, sinipi ng The New York Times ang mga sinabi ni Kapitan Thomas T. Lovelace, isang piloto ng lobo:
“Sa loob ng mga dalawa hanggang limang taon, lahat ng malalaking bansa ay magkakaroon ng mga sasakyang panghimpapawid na pandigma at mga panlaban sa mga sasakyang panghimpapawid, kung paanong mayroon na sila ngayong mga barkong may torpedo at mga panlaban sa mga barkong may torpedo.”Makalipas lamang ang tatlong buwan, kinontrata ng Signal Corps ng Estados Unidos ang magkapatid na Wright upang buuin ang kauna-unahang eroplanong pangmilitar. Ipinaliwanag sa isang artikulo ng New York Times noong Setyembre 13, 1908, kung bakit interesado sa eroplano ang militar: “Maaaring ihulog ang bomba sa tsiminea ng barkong pandigma na magdudulot ng malaking pinsala sa makinarya at lubusan itong mawawasak kapag sumabog ang mga boiler.”
Nagkatotoo nga ang sinabi ni Bell, ang eroplano ang ‘lubusang bumago sa kalakaran ng digmaan sa daigdig.’ Pagsapit ng 1915, nakabuo ang mga tagagawa ng sasakyang panghimpapawid ng machine gun na nasa gawing harapan ng eroplano na gumagana nang gayon kabilis at may tamang tiyempo anupat nakalulusot ang bala sa pagitan ng umaandar na mga elisi. Bukod sa mabibilis na eroplanong pandigma, di-nagtagal ay naimbento na rin ang mga eroplanong pambomba na mas pinalaki at pinalakas pagsapit ng Digmaang Pandaigdig II. Noong Agosto 6, 1945, inihulog ng B-29 Superfortress ang kauna-unahang bomba atomika na ginamit sa pakikidigma, na lubusang nagwasak sa lunsod ng Hiroshima sa Hapon at kumitil ng 100,000 buhay.
Dalawang taon lamang bago nito, noong 1943, nasabi ni Orville Wright na nagsisisi siya at naimbento pa ang eroplano. Nakita niya na sa naganap na dalawang digmaang pandaigdig, talaga namang naging kahila-hilakbot na sandata ito. Mula noon, naimbento pa ang mas sopistikadong mga sandata kaya lalong naging nakamamatay ang eroplano, habang ‘ang bansa ay tumitindig laban sa bansa.’—Mateo 24:7.
[Mga larawan sa pahina 22, 23]
1. Lobong walang piloto pero kargado ng bomba
2. Lobong pangharang sa mga eroplanong pambomba
[Credit Line]
Library of Congress, Prints & Photographs Division, FSA/OWI Collection, LC-USE6-D-004722
3. B-29 Superfortress
[Credit Line]
USAF photo
4. Strike Fighter F/A-18C Hornet
5. F-117A Nighthawk Stealth Fighter
[Credit Line]
U.S. Department of Defense