Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ “Maliwanag” na umiinit ang klima ng lupa, at “malamang” na kagagawan ito ng tao.—INTERGOVERNMENTAL PANEL ON CLIMATE CHANGE (IPCC), SWITZERLAND.
◼ Sa Alemanya, 1.4 milyon hanggang 1.9 milyon katao ang “adik sa gamot.” Ang problemang ito ay kasinlala ng alkoholismo.—TAGESSCHAU, ALEMANYA.
◼ Sa Britanya, ang mga sanggol na wala pang isang taóng gulang ang mas malamang na maging biktima ng pagpaslang.—THE TIMES, BRITANYA.
◼ May mga bahagi ng hangganan ng Estados Unidos at Canada na napakasukal anupat “nahihirapan [ang mga opisyal] na makita ito.” “Kung hindi mo ito makita, hindi mo ito mababantayan,” ang sabi ni Dennis Schornack ng International Boundary Commission.—ASSOCIATED PRESS, ESTADOS UNIDOS.
Kayang Pagalingin ng Katawan ang Sarili Nito
“Kayang pagalingin ng katawan ng tao ang 60 hanggang 70 porsiyento ng lahat ng nagiging sakit nito,” ang sabi ni Propesor Gustav Dobos, senior consultant sa Miners’ Hospital sa Essen, Alemanya. Upang magawa ito, sinasabing lumilikha ang katawan ng mga 30 hanggang 40 gamot, gaya ng cortisone at mga substansiyang kailangan para maiwasan ang pagkakaroon ng bato sa bato. Nauunawaan na ng mga mananaliksik ang ilang prosesong nasasangkot sa kakayahang ito ng katawan, subalit marami pa rin ang kailangang tuklasin. Natuklasan ng mga siyentipiko na “ang katawan ng tao ay may komplikadong interaksiyon ng mga hormon, likas na mga substansiya para sa imyunidad, at mga selulang pumapatay sa may-sakit na mga selula,” ang sabi ng magasing Vital, at “may papel ding ginagampanan ang emosyon at disposisyon.” Gayunman, sinabi pa nito na ang nagtatagal na kaigtingan at personal na mga problema ay “nagpapahina at may matagalang epekto sa sistema ng imyunidad.”
Hatian ng Yaman sa Daigdig
“Ang 1% ng populasyon ng daigdig na binubuo ng pinakamayayamang tao ang siyang nagmamay-ari ng 40% ng yaman ng lupa,” ang ulat ng pahayagang The Guardian ng London. “Ang mga nasa industriya ng pananalapi at nagpapatakbo ng negosyo sa pamamagitan ng internet ang kabilang sa pinakamayayaman,” ang sabi ng pahayagan. Ipinakikita ng pananaliksik ng UN na 37 porsiyento ng pinakamayayaman ay nakatira sa Estados Unidos, 27 porsiyento sa Hapon, at 6 na porsiyento naman sa United Kingdom. Ang 50 porsiyento ng populasyon ng daigdig na binubuo ng pinakamahihirap na tao ay may halos 1 porsiyento lamang ng yaman ng lupa. Ayon kay Duncan Green na nanguna sa isinagawang pananaliksik ng Oxfam, isang organisasyong pangkawanggawa sa Britanya, “nakagigitla ang ganitong di-pagkakapantay-pantay. . . . Imposibleng makapagbigay ng makatuwirang dahilan kung bakit napakayaman ng iilang tao samantalang 800 milyon katao ang natutulog gabi-gabi na kumakalam ang sikmura.”
Mas Marami ang Lalaki Kaysa sa Babae sa Tsina
Noong 2005, ang proporsiyon ng bagong-silang na mga sanggol sa Tsina ay 118 lalaki sa bawat 100 babae. May ilang lugar sa bansa na “ang proporsiyon ay umabot na ng 130 lalaki sa bawat 100 babae,” ang ulat ng China Daily. May ganitong napakalaking pagkakaiba sapagkat ipinalalaglag ng mga magulang ang ipinagbubuntis nila kapag nalaman nila sa pagsusuri na babae ito. Inaamin ng mga opisyal na ang ganitong kalagayan ay nauugnay sa patakaran ng Tsina sa pagpaplano ng pamilya, na nagsasabing isa lamang ang dapat maging anak ng mga mag-asawang nakatira sa lunsod. “Pagsapit ng 2020, ang mga lalaking nasa edad na para mag-asawa ay mas marami na nang mga 30 milyon kaysa sa mga babae,” ang sabi ng pahayagan, at ang pagkakaibang ito ay “makaaapekto sa katatagan ng lipunan.”