Kuru-kuro o Katotohanan?
Kuru-kuro o Katotohanan?
Tinagubilinan ng Kristiyanong elder na si Timoteo ang mga nagnanais sumamba sa tunay na Diyos na huwag magbigay-pansin sa “maling mga ideya” at “mga kuru-kuro.” (1 Timoteo 1:3, 4, Byington) Kailangan bang mag-ingat sa gayong mga bagay ngayon? Oo, dahil ang maling mga ideya tungkol sa Bibliya at mga turo nito ang nagtutulak sa mga tao na talikuran ang tunay na pagsamba. Narito ang ilan sa karaniwang palagay ng mga tao tungkol sa Bibliya. Pansinin ang sinasabi mismo ng Bibliya. Matutulungan ka nitong makita kung alin ang kuru-kuro at kung alin ang katotohanan.
◼ Kuru-kuro: Imposibleng mangyari ang mga himala sa Bibliya.
Katotohanan: Maraming dapat matutuhan ang tao tungkol sa paglalang ng Diyos. Hindi lubos na maipaliwanag ng kahit sinong siyentipiko kung ano ang grabidad, kung anu-ano ang mga bahagi ng atomo, o kung ano talaga ang panahon. “Matutuklasan mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos, o matutuklasan mo ba hanggang sa mismong kasukdulan ng Makapangyarihan-sa-lahat?” (Job 11:7) Yamang hindi natin talaga ganap na mauunawaan ang paglalang, nagiging mas maingat ang magagaling na siyentipiko tungkol sa pagsasabing imposibleng mangyari ang isang bagay.
◼ Kuru-kuro: Lahat ng relihiyon ay patungo sa Diyos.
Katotohanan: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita,” ang sabi ni Jesus, “kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Kung lahat ng relihiyon ay patungo sa Diyos, kakailanganin pa bang palayain ang kanilang mga miyembro? Sa katunayan, itinuro ni Jesus na kakaunting tao lamang ang nasa “daan na umaakay patungo sa buhay.”—Mateo 7:13, 14.
◼ Kuru-kuro: Aakyat sa langit ang lahat ng mabubuting tao pagkamatay nila.
Katotohanan: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman. Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa.” (Awit 37:11, 29, 34) Tanging ang 144,000 tapat na tao lamang ang aakyat sa langit. Inatasan sila ng Diyos na ‘mamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.’—Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 4.
◼ Kuru-kuro: Hindi na kapaki-pakinabang para sa mga Kristiyano ang “Matandang Tipan.”
Katotohanan: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Timoteo 3:16, 17) “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Mahalaga ang “Matandang Tipan,” ang Hebreong Kasulatan, dahil tinuturuan tayo nito tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin. Nagbibigay rin ito sa atin ng saligan upang manampalataya sa “Bagong Tipan,” ang Kristiyanong Griegong Kasulatan.
◼ Kuru-kuro: Karamihan ng ulat sa aklat ng Genesis, pati na ang tungkol kina Adan at Eva, ay matalinghaga.
Katotohanan: Iniulat ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ang talaangkanan ni Jesus pasimula kay Adan. (Lucas 3:23-38) Kung alamat lamang ang ulat ng Genesis, sinu-sino sa talaangkanan ang totoong nabuhay at sinu-sino naman ang alamat lamang? Pinaniwalaan ni Jesus, na nabuhay sa langit bago bumaba sa lupa, ang mga nakasulat sa Genesis, pati na ang salaysay tungkol kina Adan at Eva. (Mateo 19:4-6) Kaya kung pag-aalinlanganan ang Genesis, para na ring pinag-aalinlanganan ang kredibilidad ni Jesus, pati na ng marami pang ibang manunulat ng Bibliya.—1 Cronica 1:1; 1 Corinto 15:22; Judas 14.