Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magtitiwala Ka ba o Hindi?

Magtitiwala Ka ba o Hindi?

Magtitiwala Ka ba o Hindi?

“Huwag kang magtiwala sa bulok na tabla,” ang isinulat ng Ingles na manunulat ng dula na si William Shakespeare. Oo, bago ka tumuntong sa andamyo ng barko, titiyakin mong hindi bulok ang tabla.

ANG pananalita ni Shakespeare ay kaayon ng sinabi ng matalinong hari ng sinaunang Israel na si Solomon, na sumulat mga 3,000 taon na ang nakalilipas: “Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan; ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kaniyang pupuntahan.” (Kawikaan 14:15, Magandang Balita Biblia) Oo, mangmang lamang ang naniniwala sa lahat ng marinig niya, anupat ibinabatay ang kaniyang mga pasiya at pagkilos sa mabababaw na payo o walang-saligang mga turo. Maaari tayong mapahamak kung mali ang ating pinagkakatiwalaan​—gaya ng pagtuntong sa bulok na tabla. Baka itanong mo, ‘Mayroon bang mapagkukunan ng patnubay na talagang mapagkakatiwalaan natin?’

Milyun-milyong tao sa buong daigdig ang lubos na nagtitiwala sa isang sinaunang aklat na tinatawag na Banal na Bibliya. Nagtitiwala sila sa aklat na ito upang patnubayan ang kanilang hakbang. Ang kanilang mga pasiya ay batay sa payo nito at ang kanilang mga pagkilos ay ayon sa mga turo nito. Sa makasagisag na pananalita, tumutuntong ba sa bulok na tabla ang mga taong iyon? Ang sagot sa tanong na iyan ay lubhang nakadepende sa sagot sa isa pang tanong, May matitibay bang dahilan upang magtiwala sa Bibliya? Sinusuri ng espesyal na isyung ito ng Gumising! ang katibayan.

Hindi layunin ng isyung ito ng Gumising! na ipilit sa iyo ang relihiyosong mga paniniwala o opinyon. Sa halip, nilayon ito upang iharap ang matibay na ebidensiyang nakakumbinsi sa milyun-milyon na ang Bibliya ay karapat-dapat pagkatiwalaan. Matapos basahin ang sumusunod na artikulo, ikaw mismo ang makapagpapasiya kung karapat-dapat bang pagtiwalaan ang Bibliya.

Dapat mong bigyan ng pantanging pansin ang paksang ito. Tutal, kung ang Bibliya nga ay isang mapagkakatiwalaang pinagmumulan ng patnubay mula sa ating Maylalang, makikinabang ka at ang iyong mga mahal sa buhay kung isasaalang-alang mo ang sinasabi ng Bibliya.

Banggitin muna natin ang ilang kamangha-manghang impormasyon tungkol sa Bibliya. Walang alinlangan, tunay na isa itong natatanging aklat.