Paano Naingatan ang Bibliya Hanggang sa Ating Panahon?
Paano Naingatan ang Bibliya Hanggang sa Ating Panahon?
Isa ngang himala na hindi nagbago ang nilalaman ng Bibliya hanggang sa ating panahon. Natapos ang pagsulat dito mahigit 1,900 taon na ang nakalilipas. Isinulat ito sa nasisirang materyales—papel na gawa sa tambo ng papiro at pergamino na gawa sa balat ng hayop—at orihinal na isinulat sa mga wikang sinasalita ng iilang tao na lamang sa ngayon. Isa pa, gayon na lamang ang pagtatangka ng makapangyarihang mga tao, mula sa mga emperador hanggang sa mga lider ng relihiyon, na lubusang sirain ang Bibliya.
PAANO naingatan sa loob ng napakahabang panahon ang kamangha-manghang akdang ito na naging pinakakilalang aklat pa nga sa daigdig? Isaalang-alang ang dalawa lamang salik.
Dahil Maraming Kopya, Naingatan ang Bibliya
Iningatang mabuti ng mga Israelita, na siyang tagapag-ingat ng unang mga teksto ng Bibliya, ang orihinal na mga balumbon at gumawa sila ng maraming kopya nito. Halimbawa, ang mga hari ng Israel ay sinabihang sumulat ng “isang kopya ng kautusang ito mula roon sa nasa pangangasiwa ng mga saserdote, na mga Levita.”—Deuteronomio 17:18.
Gustung-gustong basahin ng maraming Israelita ang Kasulatan yamang kinikilala nila ito bilang Salita ng Diyos. Kaya naman, naging napakaingat ng mga eskribang sinanay nang husto sa pagkopya sa teksto. Tinukoy ang isang may-takot sa Diyos na eskribang nagngangalang Ezra bilang “isang dalubhasang tagakopya ng kautusan ni Moises, na ibinigay ni Jehova na Diyos ng Israel.” (Ezra 7:6) Binilang pa nga ng mga Masorete, na kumopya ng Hebreong Kasulatan, o “Matandang Tipan,” sa pagitan ng ikaanim at ikasampung siglo C.E., ang mga letra sa teksto upang hindi magkamali. Ang gayon kaingat na pagkopya ay nakatulong upang matiyak na tumpak ang teksto at maingatan mismo ang Bibliya sa kabila ng puspusang pagsisikap ng mga kaaway na sirain ito.
Halimbawa, noong 168 B.C.E., tinangkang sirain ng tagapamahala ng Sirya na si Antiochus IV ang lahat ng kopya ng Hebreong Kasulatan na masumpungan niya sa buong Palestina. Ganito ang sinabi ng isang ulat sa kasaysayan ng mga Judio: “Sinira at sinunog nila ang anumang balumbon ng kautusan na kanilang masumpungan.” Sinabi ng The Jewish Encyclopedia: “Mahigpit na ipinatupad ng mga opisyal ang utos na sirain ang anumang balumbon ng kautusan . . . Pinarusahan ng kamatayan ang sinumang may sagradong aklat.” Ngunit naingatan ng mga Judio sa Palestina at yaong nakatira sa ibang lupain ang mga kopya ng Kasulatan.
Di-nagtagal, nang matapos ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, o “Bagong Tipan,” ang kanilang mga isinulat, lumaganap ang mga kopya ng kanilang kinasihang mga liham, hula, at mga ulat ng kasaysayan. Halimbawa, isinulat ni Juan ang kaniyang Ebanghelyo sa Efeso o malapit dito. Pero isang piraso ng pinagsulatan ng Ebanghelyong iyon, na bahagi ng kopyang sinasabi ng mga dalubhasa na ginawa wala pang 50 taon matapos niyang isulat ang kaniyang ulat, ang natagpuan daan-daang kilometro ang layo sa Ehipto. Ipinakikita ng tuklas na iyon na ang mga Kristiyano sa malalayong lupain ay may mga kopya ng kinasihang mga tekstong kasusulat pa lamang noong panahong iyon.
Nakatulong din ang malawak na pamamahagi ng Salita ng Diyos upang maingatan ito mga dantaon pagkatapos ng panahon ni Kristo. Halimbawa, habang nagbubukang-liwayway noong umaga ng Pebrero 23, taóng 303 C.E., iniulat na pinagmasdan ng Romanong emperador na si Diocletian ang kaniyang mga sundalo habang winawasak ng mga ito ang mga pinto ng isang simbahan at sinusunog ang mga kopya ng Kasulatan. Inakala ni Diocletian na mapapawi niya ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng pagsira sa sagradong mga aklat nito. Kinabukasan, ipinag-utos niya sa buong Imperyo ng Roma na sunugin sa publiko ang lahat ng kopya ng Bibliya. Gayunman, naingatan ang ilang kopya ng Bibliya at muling pinarami. Sa katunayan, naingatan
hanggang sa ngayon ang malaking bahagi ng dalawang kopya ng Bibliya sa wikang Griego na malamang na ginawa di-nagtagal pagkatapos ipag-utos ni Diocletian ang pagsunog sa Bibliya. Ang isa ay nasa Roma; ang isa pa ay nasa British Library sa London, Inglatera.Bagaman wala pang nasusumpungang orihinal na mga manuskrito ng Bibliya, libu-libong sulat-kamay na mga kopya ng buong Bibliya o mga bahagi nito ang naingatan hanggang sa ating panahon. Ang ilan sa mga ito ay napakatanda na. Nagbago ba ang mensaheng nasa orihinal na mga teksto habang kinokopya ang mga ito? Ganito ang sinabi ng iskolar na si W. H. Green tungkol sa Hebreong Kasulatan: “Tunay ngang masasabi na walang ibang sinaunang aklat ang tumpak na kinopya.” May kinalaman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, isang kilalang awtoridad sa mga manuskrito ng Bibliya, si Sir Frederic Kenyon, ang sumulat: “Ang pagitan ng mga petsa ng orihinal na manuskrito at ng pinakaunang umiiral na ebidensiya ay napakaliit, anupat sa katunayan ay maaari nang ipagwalang-bahala, at ang huling saligan para sa anumang pag-aalinlangan na ang Kasulatan ay talagang nakarating sa atin gaya ng pagkakasulat sa mga ito noon ay naalis na ngayon. Ang pagiging totoo at ang pangkalahatang integridad ng mga aklat ng Bagong Tipan ay ganap nang napatunayan.” Sinabi rin niya: “Talagang masasabing sa kabuuan ang integridad ng teksto ng Bibliya ay naingatan. . . . Hindi ito masasabi sa iba pang sinaunang aklat sa daigdig.”
Salin ng Bibliya
Ang ikalawang mahalagang salik kaya naging pinakakilalang aklat sa daigdig ang Bibliya ay dahil mababasa ito sa maraming wika. Kasuwato ito ng layunin ng Diyos na makilala siya ng mga tao sa lahat ng bansa at wika at sambahin siya “sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23, 24; Mikas 4:2.
Ang unang kilalang salin ng Hebreong Kasulatan ay ang bersiyong Septuagint sa Griego. Ginawa ito para sa mga Judiong nagsasalita ng Griego na nakatira sa labas ng Palestina, at natapos ito mga dalawang siglo bago ang ministeryo ni Jesus sa lupa. Ang buong Bibliya, pati na ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay isinalin sa maraming wika sa loob ng ilang siglo pagkatapos nitong maisulat. Ngunit nang maglaon, sa halip na gawin ang lahat ng kanilang magagawa upang mabasa ito ng mga tao, kabaligtaran ang ginawa ng mga hari at kahit na ng mga saserdote. Sinikap nilang manatili sa espirituwal na kadiliman ang kanilang kawan sa pamamagitan ng hindi pagpapahintulot na maisalin sa karaniwang wika ang Salita ng Diyos.
Bilang pagsuway sa Simbahan at sa Estado, isinapanganib ng mga lalaking malalakas ang loob ang kanilang buhay upang maisalin ang Bibliya sa wikang ginagamit ng mga karaniwang tao. Halimbawa, noong 1530, ginawa ng Ingles na si William Tyndale, na nag-aral sa Oxford, ang isang edisyon ng Pentateuch, ang unang limang aklat ng Hebreong Kasulatan. Sa kabila ng matinding pagsalansang, siya ang kauna-unahang nagsalin ng Bibliya mula sa Hebreo tungo sa Ingles. Si Tyndale din ang unang tagapagsaling Ingles na gumamit ng pangalang Jehova. Laging nanganganib ang buhay ng Kastilang iskolar sa Bibliya na si Casiodoro de Reina mula sa mga Katolikong mang-uusig habang ginagawa niya ang isa sa mga unang salin ng Bibliya sa wikang Kastila. Naglakbay siya sa Inglatera, Alemanya, Pransiya, Holland, at Switzerland habang tinatapos niya ang kaniyang salin. *
Ang Bibliya ngayon ay patuloy na isinasalin sa parami nang paraming wika, at milyun-milyong kopya nito ang inilalathala. Dahil naingatan ang Bibliya at naging pinakakilalang aklat sa daigdig, pinatutunayan nito na totoo ang kinasihang pananalita ni apostol Pedro: “Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay nalalagas, ngunit ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.”—1 Pedro 1:24, 25.
[Talababa]
^ par. 14 Ang bersiyon ni Reina ay inilathala noong 1569 at nirebisa ni Cipriano de Valera noong 1602.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 14]
ALING SALIN ANG DAPAT KONG BASAHIN?
Maraming wika ang may iba’t ibang salin ng Bibliya. Ang ilang salin ay gumagamit ng wikang mahirap unawain at lipas na. Ang iba naman ay di-literal at pakahulugang mga salin na ang layunin ay gawin itong madaling basahin sa halip na pangunahing magbigay-pansin sa pagiging tumpak. Ang iba pa ay literal at halos salita-por-salita na salin.
Ang edisyong Ingles ng New World Translation of the Holy Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay tuwirang isinalin mula sa orihinal na mga wika ng isang komite na ayaw magpakilala. Ang bersiyong ito naman ang ginamit para isalin ang Bibliya sa mga 60 iba pang wika. Pero masusi pa ring pinaghambing ng mga tagapagsaling iyon ang kanilang salin at ang mga teksto sa orihinal na wika. Layunin ng New World Translation ang literal na pagsasalin ng teksto sa orihinal na wika hangga’t maaari nang hindi binabago ang kahulugan nito. Sinikap ng mga tagapagsalin na gawing madaling maunawaan ng mga mambabasa ngayon ang Bibliya kung paanong madaling naunawaan ng mga mambabasa noong panahon ng Bibliya ang orihinal na teksto.
Sinuri ng ilang lingguwista ang makabagong mga salin ng Bibliya—pati na ang New World Translation—para makita kung may mga halimbawa ng salin na di-tumpak at may kinikilingan. Isa sa mga iskolar na iyon si Jason David BeDuhn, propesor ng mga pag-aaral tungkol sa relihiyon sa Northern Arizona University sa Estados Unidos. Noong 2003, inilathala niya ang 200-pahinang aklat na maingat na nagsuri sa siyam na “Bibliyang pinakamalawakang binabasa ng mga bansang nagsasalita ng Ingles.” * Sinuri niya sa kaniyang pag-aaral ang ilang kontrobersiyal na mga teksto sa Kasulatan, sapagkat diyan “malamang na makita kung may kinikilingan ang isang salin.” Sa bawat teksto, inihambing niya ang tekstong Griego sa bawat salin na Ingles, at hinanap niya ang salin na may kinikilingan sa pagtatangkang baguhin ang kahulugan. Ano ang nasumpungan niya?
Binanggit ni BeDuhn na ipinalalagay ng mga tao at ng maraming iskolar ng Bibliya na ang dahilan kung bakit naiiba ang salin ng ilang teksto sa New World Translation (NW) ay ang relihiyosong pagkiling ng mga tagapagsalin nito. Gayunman, sinabi niya: “Ang karamihan ng pagkakaiba ay dahil sa pagiging mas tumpak ng NW bilang isang literal at maingat na salin.” Bagaman tinututulan ni BeDuhn ang pagkakasalin ng ilang teksto sa New World Translation, sinasabi niyang ang bersiyong ito ay “napatunayang pinakatumpak sa lahat ng salin na pinaghambing.” Tinawag niya itong “pinakamahusay” na salin.
Gayundin ang komento ni Dr. Benjamin Kedar, isang Hebreong iskolar sa Israel, hinggil sa New World Translation. Sinabi niya noong 1989: “Makikita sa saling ito ang taimtim na pagsisikap na maunawaan ang pinakatumpak na posibleng kahulugan ng teksto. . . . Wala pa akong nakita sa New World Translation na anumang intensiyong isama sa salin ng teksto ang isang bagay na hindi nito isinasaad dahil lamang sa pagkiling.”
Tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ba ang layunin ko sa pagbabasa ng Bibliya? Gusto ko ba ang Bibliya na madaling basahin pero hindi gaanong tumpak? O gusto ko bang basahin ang Bibliyang pinakamalapit hangga’t maaari sa orihinal na tekstong ipinasulat ng Diyos?’ (2 Pedro 1:20, 21) Depende sa iyong layunin ang pipiliin mong salin.
[Talababa]
^ par. 22 Bukod sa New World Translation, ang iba pang salin ay ang The Amplified New Testament, The Living Bible, The New American Bible With Revised New Testament, New American Standard Bible, The Holy Bible—New International Version, The New Revised Standard Version, The Bible in Today’s English Version, at King James Version.
[Larawan]
Ang “New World Translation of the Holy Scriptures” ay mababasa sa maraming wika
[Larawan sa pahina 12, 13]
Mga manuskritong Masoretiko
[Larawan sa pahina 13]
Bahagi ng manuskritong naglalaman ng Lucas 12:7, “. . . huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya”
[Picture Credit Lines sa pahina 13]
Foreground page: National Library of Russia, St. Petersburg; second and third: Bibelmuseum, Münster; background: © The Trustees of the Chester Beatty Library, Dublin