Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ Mababasa ang kumpletong New World Translation of the Holy Scriptures sa 43 wika at sa 3 uri ng Braille; ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures ay mababasa naman sa 18 pang ibang wika at 1 Braille. Hanggang noong Hulyo 2007, ang kabuuang bilang ng inilimbag na kopya ng Bibliya ay 143,458,577.
◼ Ang umiiral na pinakamatandang teksto ng Bibliya ay ang tinatawag na Basbas ng Saserdote na mababasa sa Bilang 6:24-26. Natagpuan itong nakaukit sa dalawang anting-anting na yari sa pilak at nakarolyong gaya ng mga balumbon. Ito ay mula pa noong katapusan ng ikapito o pasimula ng ikaanim na siglo B.C.E.—BIBLICAL ARCHAEOLOGY REVIEW, E.U.A.
◼ Hanggang noong Disyembre 31, 2006, ang nakarehistrong bilang ng mga wika at diyalektong ginamit para ilathala ang kahit isang aklat lamang ng Bibliya ay 2,426—mas marami nang 23 kaysa noong nakaraang taon.—UNITED BIBLE SOCIETIES, BRITANYA.
◼ Ang Bibliya ay itinuturing ng humigit-kumulang 28 porsiyento ng mga Amerikano bilang “mismong salita ng Diyos . . . na kailangang unawain nang literal,” ng 49 na porsiyento bilang “kinasihang salita ng Diyos pero hindi dapat unawain nang literal,” at ng 19 na porsiyento bilang “aklat ng mga pabula.”—GALLUP NEWS SERVICE, E.U.A.
Pinakamatandang Bibliyang Tsino?
“Ang kauna-unahang ulat tungkol sa isang salin ng Hebreong Bibliya sa wikang Tsino ay natagpuang nakaukit sa isang tapyas na bato [kaliwa] na mula pa noong 781 CE,” ang sabi ng iskolar na si Yiyi Chen ng Peking University. Ang bato, na itinayo ng mga Kristiyanong tagasunod ni Nestorius, ay nasumpungan sa lunsod ng Xi’an noong 1625. “Ang pangalan ng tapyas na bato sa wikang Tsino ay pormal na isinalin na ‘ang Alaala sa Pagpapalaganap sa Tsina ng Nagbibigay-Liwanag na Relihiyon mula sa Daqin’ (. . . ang Daqin ay terminong Tsino para sa Imperyo ng Roma),” ang paliwanag ni Chen. “Kabilang sa mga nakaukit sa tapyas na bato ang mga pananalitang Tsino na gaya ng ‘totoong kanon’ at ‘pagsasalin ng Bibliya.’”
[Picture Credit Line sa pahina 30]
© Réunion des Musées Nationaux/Art Resource
Kayamanan sa Putikan
Noong 2006, natagpuan ng mga manggagawang naghuhukay sa isang malumot na putikan sa Ireland ang isang aklat ng Mga Awit, na sinasabing mula pa noong ikawalong siglo C.E. Itinuturing na kayamanan ang manuskritong ito sa wikang Latin na isa sa ilang natitirang manuskrito mula sa panahong iyon. Mataas ang kalidad ng 100 o higit pang mga pahinang ito na yari sa balat ng hayop at nasa orihinal pa nitong pagkakatahi. “Ang mga labí ng banig na nakatakip dito at ng bag na yari sa katad ay nagpapahiwatig na sadyang itinago ang awit, marahil para hindi ito matuklasan nang lumusob ang mga Viking 1,200 taon na ang nakalilipas,” ang sabi ng The Times ng London. Bagaman nagdikit-dikit at medyo nabubulok na ang mga pahina, umaasa ang mga eksperto na kaya nilang paghiwa-hiwalayin at ingatan ang mga ito upang hindi na masira pa.
Kasaysayang Nasa mga Trak
Libu-libong sinaunang bagay mula pa noong bago nabuhay ang mga Israelita hanggang sa modernong panahon ang iniulat na nakuha ng mga arkeologo habang sinasala nila ang trak-trak na lupang hinakot mula sa kinaroroonan ng templo sa Jerusalem. Kabilang dito ang ulo ng palaso na gaya ng ginamit ng hukbo ni Nabucodonosor, ang nagwasak sa unang templo ng mga Judio sa lugar na iyon. Ang pinakakapansin-pansing tuklas ay ang panselyong luwad na mula pa noong ikapito o ikaanim na siglo B.C.E. na sinasabing may nakaukit na Hebreong pangalan na Gedalyahu Ben Immer Ha-Cohen. Ayon sa arkeologong si Gabriel Barkai, ang may-ari nito ay “maaaring ang kapatid ni Pashur Ben Immer, na binabanggit sa Bibliya [Jeremias 20:1] na isang saserdote at opisyal ng templo.”