Tungkol Saan ang Bibliya?
Tungkol Saan ang Bibliya?
ITINUTURING ng ilan ang Bibliya bilang isang aklat ng kasaysayan, yamang inilalahad nito ang libu-libong taóng pakikitungo ng Diyos sa mga tao. Para sa iba, isa itong aklat ng etika. Tinutukoy nila ang mahigit 600 hudisyal, pampamilya, moral, at relihiyosong batas at tuntunin na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel. Itinuturing naman ng iba ang Bibliya bilang aklat para sa espirituwal na patnubay na naghahayag ng kaisipan ng Diyos.
Ang totoo, tama ang lahat ng iyon. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Oo, mahalaga ang lahat ng nilalaman ng Salita ng Diyos, kasama na ang mga ulat ng kasaysayan, mga batas, at espirituwal na mga payo na mababasa rito.
Pero hindi lamang isang koleksiyon ng kapaki-pakinabang na impormasyon ang Bibliya. Natatangi ang Bibliya dahil ito ay isang pagsisiwalat mula sa Diyos na Jehova. Nagbibigay ito ng praktikal na payo mula sa Diyos para sa pang-araw-araw na buhay. Isa pa, isinisiwalat nito ang layunin ni Jehova para sa lupa at sa sangkatauhan, at ipinakikita rin nito kung paano niya aalisin ang mga sanhi ng pagdurusa ng tao. Higit sa lahat, ipinaliliwanag sa Bibliya na sadyang siniraang-puri ang Diyos at sinasabi nito kung paano niya lulutasin ang pansansinukob na isyung iyon.
Pinaratangang Sinungaling at Masamang Tagapamahala ang Diyos
Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga unang tao, sina Adan at Eva, na sakdal ang isip at katawan at inilagay sila sa isang napakagandang kapaligiran. Ipinagkatiwala niya sa kanila ang pangangalaga sa lupa at sa mga hayop. (Genesis 1:28) Bilang mga anak ng Diyos, maaari sanang mabuhay magpakailanman sa lupa sina Adan at Eva kung sinunod nila ang kanilang makalangit na Ama. Iisa lamang ang ipinagbawal sa kanila. “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan,” ang sabi ni Jehova, “ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 2:16, 17.
Gayunman, kabaligtaran naman ang sinabi ng espiritung nilalang na tinukoy sa Bibliya na Satanas na Diyablo: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” (Genesis 3:1-5) May-kapangahasang sinalungat ni Satanas ang Diyos, hindi lamang niya pinaratangan na sinungaling ang Maylalang kundi ipinahiwatig din niyang mali ang paraan ng Kaniyang pamamahala—na mas mapapabuti ang tao kung walang tulong ng Diyos. Napaniwala ni Satanas si Eva na kapag sinuway nila ang Diyos, magiging malaya sila at maaari na silang magtakda ng sarili nilang moral na pamantayan. Sinabi niya na si Eva ay magiging “tulad ng Diyos”! Sa gayon, nilapastangan ni Satanas ang magandang pangalan ni Jehova at sinalansang ang Kaniyang layunin.
Matindi ang naging resulta ng pag-uusap na iyon. Sa katunayan, naging pangunahing tema ng Bibliya ang layunin ni Jehova na linisin ang kaniyang pangalan at reputasyon. Ibinuod ito sa modelong panalangin ni Jesus—kadalasang tinatawag na Panalangin ng Panginoon o Ama Namin. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban . . . sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Kung Paano Lilinisin ng Diyos ang Kaniyang Pangalan
Ibinangon ni Satanas ang ilang mahahalagang isyu: Sino ang nagsasabi ng totoo—si Jehova o si Satanas? Makatuwiran ba ang pamamahala ni Jehova sa kaniyang mga nilalang? May karapatan ba Siyang hilingin ang pagsunod ng mga tao? Talaga bang mas mapapabuti ang mga tao kung sila-sila lamang ang mamamahala sa kanilang sarili? Upang masagot ang mga tanong na iyan, pansamantalang hinayaan ni
Jehova ang mga tao na pamahalaan ang kanilang sarili.Ano ang naging resulta? Mula sa unang kasinungalingang iyon sa Eden, nalipos ng kahirapan at pagdurusa ang kasaysayan ng tao. Pinatunayan nito na napakasinungaling ni Satanas at tanging kapahamakan lamang ang idinudulot ng pagiging hiwalay sa Diyos. Pero dahil sa pag-ibig at walang-hanggang karunungan ni Jehova, nilayon niya na linisin ang kaniyang pangalan at alisin ang lahat ng kahirapang nagsimula sa Eden. Gagawin niya iyon sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian. Ano ang Kahariang iyon?
Solusyon ng Diyos—Ang Kaharian
Paulit-ulit na binibigkas ng milyun-milyong tao ang Panalangin ng Panginoon. Pag-isipan sandali kung ano ang kahulugan nito. Pansinin ang pananalitang ito: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:10) Ang Kahariang ito ay hindi lamang basta kalagayan ng puso, gaya ng sinasabi ng ilan. Sa halip, gaya ng ipinahihiwatig ng salitang “hari,” ito ay isang gobyerno—isang pamahalaan sa langit na pamumunuan ni Jesu-Kristo, ang “Hari ng mga hari.” (Apocalipsis 19:13, 16; Daniel 2:44; 7:13, 14) Itinuturo ng Bibliya na siya ang mamahala sa buong lupa, magtatatag ng namamalaging kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng lahat ng mga tao, at mag-aalis ng lahat ng kasamaan sa lupa. (Isaias 9:6, 7; 2 Tesalonica 1:6-10) Sa ganitong paraan, tutuparin ng Kaharian ng Diyos—hindi ng anumang pamahalaan ng tao—ang mga salita ni Jesus: “Mangyari nawa ang iyong kalooban . . . sa lupa.”
Upang tiyakin ang katuparan ng mga salitang iyon, ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay para tubusin ang mga inapo ni Adan mula sa kasalanan at kamatayan. (Juan 3:16; Roma 6:23) Samakatuwid, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, makikita ng lahat ng nananampalataya sa hain ni Kristo kung paano aalisin ang mga epekto ng kasalanan ni Adan at unti-unting ibabalik sa kasakdalan ang mga tao. (Awit 37:11, 29) Mawawala na sa wakas ang mga pagdurusa natin, lalo na sa panahon ng pagtanda. Maging ang kirot sa damdamin ng mga tao dulot ng sakit at kamatayan ay ‘lilipas na.’—Apocalipsis 21:4.
Bakit tayo makatitiyak na tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako? Ang isang dahilan ay na daan-daang hula sa Bibliya ang natupad na. (Tingnan ang pahina 9.) Kung gayon, maliwanag na ang pananampalataya sa Bibliya ay hindi pagiging mapaniwalain ni pangangarap lamang, kundi nakasalig ito sa katuwiran at maraming katibayan.—Hebreo 11:1.
Praktikal na Payo Para sa Ating Panahon
Bukod sa pagbibigay ng matibay na saligan para umasa sa hinaharap, tinutulungan din tayo ng Bibliya na magkaroon ng mas masayang buhay ngayon. Halimbawa, hindi mapapantayan ang praktikal na payo ng Salita ng Diyos tungkol sa pag-aasawa, buhay pampamilya, pakikipag-ugnayan sa iba, pagiging maligaya, at marami pang ibang paksa. Pansinin ang ilang halimbawa.
◼ Mag-isip bago magsalita. “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.”—Kawikaan 12:18.
◼ Iwasan ang paninibugho sa maliliit na bagay. “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan, ngunit ang paninibugho ay kabulukan ng mga buto.”—Kawikaan 14:30.
◼ Disiplinahin ang inyong mga anak. “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” “Ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.”—Kawikaan 22:6; 29:15.
◼ Maging mapagpatawad. Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga maawain, yamang sila ay pagpapakitaan ng awa.” (Mateo 5:7) Isinulat ng matalinong haring si Solomon: “Tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsalansang.” (Kawikaan 10:12) Kung magkasala nang malubha sa iyo ang isa anupat hindi mo iyon mapatawad at makalimutan, ipinapayo ng Bibliya: “Pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang.”—Mateo 18:15.
◼ Iwasan ang pag-ibig sa salapi. “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito . . . napagsasaksak [ng ilan] ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:10) Pansinin na hinahatulan ng Bibliya ang “pag-ibig sa salapi,” hindi ang salapi mismo.
Isang “Liham” Mula sa Ating Makalangit na Ama
Kung gayon, ang Bibliya ay tungkol sa maraming bagay. Gaya ng nakita natin, pangunahin nang tungkol ito sa Diyos at sa kaniyang layunin. Pero tungkol din ito sa atin—sa mga tao—at kung paano tayo masayang mabubuhay ngayon at magpakailanman sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Sa diwa, ang Bibliya ay gaya ng isang liham Mateo 6:9) Sa pamamagitan nito, ipinaaalam sa atin ni Jehova ang kaniyang napakahalagang mga kaisipan, at isinisiwalat niya ang kaniyang kalooban at kaakit-akit na personalidad.
mula sa ating “Ama . . . na nasa langit,” si Jehova. (Kapag binabasa natin at binubulay-bulay ang Bibliya, “makikita” natin kung ano talagang uri siya ng Diyos. Naaakit ang ating masunuring puso na lumapit at magkaroon ng maibiging kaugnayan sa kaniya. (Santiago 4:8) Sabihin pa, ang Bibliya ay hindi lamang tungkol sa kasaysayan, hula, at mga batas. Tungkol din ito sa isang personal na kaugnayan—ang ating kaugnayan sa Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang aklat na ito ay tunay na natatangi at napakahalaga.—1 Juan 4:8, 16.
[Blurb sa pahina 19]
Napakaganda ng pagkakabuod sa tema ng Bibliya sa unang mga pangungusap ng modelong panalangin ni Jesus
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
KUNG PAANO BABASAHIN ANG BIBLIYA
Kawili-wiling basahin ang Bibliya. Sa katunayan, ang mga ulat at magagandang aral nito ay kilalang-kilala, anupat mahalaga ang papel nito sa panitikan ng maraming wika. Tinutulungan tayo ng Bibliya na makilala ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Isa rin itong malalim na bukal ng praktikal na karunungan. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Karunungan ang pangunahing bagay. Magtamo ka ng karunungan; at sa lahat ng iyong matatamo, magtamo ka ng pagkaunawa.” (Kawikaan 4:7) Paano ka lubos na makikinabang sa iyong pagbabasa ng Bibliya?
Bakit hindi mo iiskedyul na magbasa kapag alistung-alisto ang iyong isip? Huwag itong basahin nang pahapyaw lamang. Gawin mong tunguhin na punuin ang iyong isip ng kaisipan ng Diyos at unawain mo iyong mabuti. Sa tuwing matatapos kang magbasa, bulay-bulayin ang iyong nabasa, at ihambing iyon sa dati mo nang alam. Ito ang magpapalalim ng iyong kaunawaan at magpapasidhi ng iyong pagpapahalaga.—Awit 143:5.
Maaaring itanong ng ilan, ‘Saan kaya ako magsisimulang magbasa sa Bibliya?’ Maaari kang magsimula sa Genesis. Pero mas madali para sa ilang nagbabasa sa unang pagkakataon na magsimula sa mga Ebanghelyo—Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—mga ulat ng buhay at ministeryo ni Jesus. Saka isinusunod ng ilan ang matulaing mga aklat na maganda ang pagkakasulat at punô ng karunungan—Mga Awit, Mga Kawikaan, at Eclesiastes. Pagkatapos, gaganahan ka nang magbasa ng iba pang bahagi ng Bibliya. (Tingnan sa ibaba.) At huwag maniwala sa maling ideya na ang kailangan lamang basahin ay ang karaniwang tinatawag na Bagong Tipan. Tandaan, “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.”—2 Timoteo 3:16.
Ang isang partikular na mabisang paraan ng pag-aaral ng Bibliya ay ang suriin ito ayon sa bawat paksa. Halimbawa, ang pantulong sa pag-aaral na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pangmadlang ministeryo ay naglalaman ng mga paksang gaya ng “Kung Paano Magiging Maligaya ang Iyong Buhay Pampamilya,” “Ang Pagsambang Sinasang-ayunan ng Diyos,” at “Nasaan ang mga Patay?”—Tingnan ang kahon sa pahina 18.
[Kahon sa pahina 21]
PAGBABASA NG BIBLIYA AYON SA PAKSA
Ang pinagmulan ng buhay at ang pagkakasala ng tao Genesis
Ang pagtatatag ng sinaunang Israel Exodo hanggang Deuteronomio
Maaksiyong mga ulat Josue hanggang Esther
Madamdaming tula at awit Job, Mga Awit, Awit ni Solomon
Matalinong gabay sa buhay Mga Kawikaan, Eclesiastes
Hula at moral na patnubay Isaias hanggang Malakias at Apocalipsis
Buhay at ministeryo ni Jesus Mateo hanggang Juan
Ang pagtatatag at paglaganap ng Kristiyanismo Mga Gawa
Mga liham sa kongregasyon Mga Taga-Roma hanggang Judas