Walang-Hanggang Kapahayagan ng Pag-ibig ng Diyos
Walang-Hanggang Kapahayagan ng Pag-ibig ng Diyos
ANG “seven wonders of the ancient world,” o pitong kamangha-manghang gawa ng mga tao ng sinaunang daigdig, ay tinawag na gayon dahil natitigilan at nanggigilalas ang mga tao sa kagandahan ng mga ito. Pero maliban sa mga piramide, hindi na umiiral ang lahat ng istrakturang iyon. Sa kabilang panig, ang Bibliya ay umiiral pa rin at tumpak na naisasalin hanggang sa ating panahon kahit na isinulat ito ng karaniwang mga lalaki sa nasisirang mga materyales. Talagang makapagtitiwala tayo sa natatanging aklat na ito.—Isaias 40:8; 2 Timoteo 3:16, 17.
Ipinasulat ng Diyos na Jehova ang kaniyang kaisipan upang tiyaking hindi iyon mababago ng alaala ng mga taong madaling makalimot kapag isinalin nila iyon. Karagdagan pa, dahil simple ang wikang ginamit ng mga manunulat ng Diyos, madaling maunawaan ang Bibliya kahit ng maraming mambabasang kakaunti lamang ang pinag-aralan. (Gawa 4:13) Hindi ba’t iyan ang aasahan mo sa Maylalang at sa kaniyang kinasihang mga kalihim? Bukod pa riyan, ang malawak na pamamahagi ng Bibliya ay nagpapatunay na napakalaki ng pag-ibig ng Diyos sa kaniyang mga nilalang na tao, saanman sila nakatira o anuman ang kanilang wika. (1 Juan 4:19) Ang totoo, hindi nababawasan ang halaga ng Bibliya dahil malawak itong naipamamahagi, sa halip, tumataas pa nga ang kahalagahan nito!
Ang pag-ibig ng Diyos ay higit pang naisisiwalat sa nilalaman ng Bibliya. Gaya ng nabasa natin sa naunang mga artikulo, ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos kung saan tayo nagmula, kung bakit napakaikli at punô ng kahirapan ang buhay, at kung paano lulunasan ng Diyos ang kalagayang ito sa pamamagitan ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. Tinalakay rin natin ang ilang napakainam na payo ng Bibliya kung paano magiging maligaya at kasiya-siya ang buhay kahit na sa ngayon. (Awit 19:7-11; Isaias 48:17, 18) Higit sa lahat, natutuhan natin kung paano lilinisin ng ating Maylalang ang kaniyang pangalan mula sa lahat ng upasalang idinulot ng kasinungalingan ni Satanas.—Mateo 6:9.
May iba pa bang aklat na talagang kapaki-pakinabang, angkop na angkop sa ating panahon, napakapraktikal, at punung-puno ng pag-asa para sa nagdurusang sangkatauhan? Di-gaya ng pitong kamangha-manghang gawa ng mga tao ng sinaunang daigdig na itinayo upang parangalan ang mga huwad na diyos o makapangyarihang mga tao, ang Bibliya ay tunay na isang walang-hanggang kapahayagan ng wagas na pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga nilalang na tao.
Bakit hindi mo suriin mismo ang Kasulatan kung hindi mo pa ito nagagawa? Sa ngayon, nagdaraos ang mga Saksi ni Jehova ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mahigit anim na milyon katao sa buong daigdig. Isang pribilehiyo para sa kanila na tulungan ang taimtim na mga indibiduwal na mapatunayan mismo sa kanilang sarili na talagang mapagkakatiwalaan ang Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos.—1 Tesalonica 2:13.