Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Dahilan Upang Magtiwala sa Bibliya

2. Prangka at Tapat

2. Prangka at Tapat

Katapatan ang saligan sa pagtitiwala. Kapag kilalang tapat ang isang tao, maaari kang magtiwala sa kaniya. Pero minsang magsinungaling siya sa iyo, mawawala ang pagtitiwalang iyon.

ANG mga manunulat ng Bibliya ay tapat na mga lalaking sumulat nang may kataimtiman. Ang kanilang pagiging prangka ay nagpapakitang totoo ang kanilang mga isinulat.

Mga pagkakamali.

Hayagang inamin ng mga manunulat ng Bibliya ang kanila mismong mga pagkakamali at kahinaan. Sinabi ni Moises ang kaniyang pagkakamali na pinagbayaran niya nang malaki. (Bilang 20:7-13) Ipinaliwanag ni Asap na minsan ay nainggit siya sa masaganang buhay ng mga taong ubod ng sama. (Awit 73:1-14) Binanggit ni Jonas ang kaniyang pagsuway at ang masamang saloobin niya sa simula nang magpakita ng awa ang Diyos sa mga nagsisising makasalanan. (Jonas 1:1-3; 3:10; 4:1-3) Hayagang sinabi ni Mateo na iniwan niya si Jesus noong gabing dakpin si Jesus.​—Mateo 26:56.

Inihayag ng mga manunulat ng Hebreong Kasulatan ang paulit-ulit na pagrereklamo at pagrerebelde ng kanilang mga kababayan. (2 Cronica 36:15, 16) Hindi pinagtakpan ng mga manunulat ang kahit sino, maging ang mga tagapamahala ng kanilang bansa. (Ezekiel 34:1-10) Prangkahan ding iniulat sa mga liham ng mga apostol ang malulubhang problema ng indibiduwal na mga Kristiyano, pati na ng mga may katungkulan, gayundin ng ilang kongregasyon noong unang siglo C.E.​—1 Corinto 1:10-13; 2 Timoteo 2:16-18; 4:10.

Di-kaayaayang katotohanan.

Hindi tinangkang pagtakpan ng mga manunulat ng Bibliya ang ilang impormasyon na maaaring ituring ng ilan na nakahihiyang katotohanan. Tahasang inamin ng unang-siglong mga Kristiyano na hindi sila hinangaan ng mga taong nakapalibot sa kanila kundi itinuring silang mga mabababa at mangmang. (1 Corinto 1:26-29) Sinabi ng mga manunulat na ang mga apostol ni Jesus ay itinuring na mga “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.”​—Gawa 4:13.

Hindi pinaganda ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang mga impormasyon upang gawing mas kaakit-akit ang paglalarawan kay Jesus. Sa halip, tapat nilang iniulat na siya ay ipinanganak sa isang mahirap na pamilya, na hindi siya nag-aral sa kilalang mga paaralan noong panahon niya, at na tinanggihan ng karamihan sa mga tagapakinig niya ang kaniyang mensahe.​—Mateo 27:25; Lucas 2:4-7; Juan 7:15.

Maliwanag, maraming katibayan ang Bibliya na isinulat ito ng mga taong tapat. Hindi mo ba pagtitiwalaan ang kanilang katapatan?