Mga Dahilan Upang Magtiwala sa Bibliya
4. Tumpak Ayon sa Siyensiya
Marami na ang naging pagsulong sa siyensiya sa makabagong panahon. Dahil dito, napalitan ng bago ang mga lumang teoriya. Ang dating tinatanggap bilang katotohanan ay itinuturing na ngayong kuru-kuro. Madalas na kailangang rebisahin ang mga aklat-aralin sa siyensiya.
ANG Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa siyensiya. Subalit pagdating sa mga bagay na may kaugnayan sa siyensiya, mapagkakatiwalaan ang sinasabi nito.
Walang pangmalas na salungat sa siyensiya.
Maraming maling paniniwala ang mga tao noong sinaunang panahon. Iba-iba ang palagay nila tungkol sa lupa. Naniniwala ang ilan na ito ay lapad, sinasabi naman ng iba na sinusuportahan ito ng literal na mga bagay. Noong hindi pa natutuklasan ng siyensiya ang hinggil sa pagkalat ng sakit at kung paano maiiwasan ito, ang mga manggagamot ay gumagamit ng ilang paraang hindi mabisa, at sa ilang kaso, ay nakamamatay pa nga. Ngunit hindi kailanman bumanggit ang Bibliya sa mahigit na 1,100 kabanata nito ng anumang bagay na salungat sa siyensiya o nagrekomenda ng anumang kaugaliang nakapipinsala.
Mga ulat na tumpak ayon sa siyensiya.
Mga 3,500 taon na ang nakalilipas, sinabi ng Bibliya na ang lupa ay nakabitin “sa wala.” (Job 26:7) Noong ikawalong siglo B.C.E., maliwanag na binanggit ni Isaias ang “bilog ng lupa.” (Isaias 40:22) Isang bilog na lupa na nakabitin sa kalawakan nang walang anumang bagay na sumusuporta rito—hindi ba kasuwato iyan ng makabagong siyensiya?
Binanggit ng Kautusang Mosaiko (masusumpungan sa unang limang aklat ng Bibliya), na isinulat noong mga 1500 B.C.E., ang tungkol sa pagkukuwarentenas sa maysakit at kung ano ang gagawin sa mga bangkay at sa dumi.—Levitico 13:1-5; Bilang 19:1-13; Deuteronomio 23:13, 14.
Dahil sa paggamit ng mga teleskopyong malayo ang natatanaw, nahinuha ng mga siyentipiko na ang uniberso ay nagkaroon ng biglaang pasimula. Hindi nagustuhan ng lahat ng siyentipiko ang implikasyon ng paliwanag na ito. Ganito ang sinabi ng isang propesor: “Kung ang uniberso ay may pasimula, waring nangangailangan ito ng sanhi; sapagkat paano magkakaroon ng gayong epekto kung walang sanhi?” Gayunman, bago pa naimbento ang mga teleskopyo, maliwanag na sinasabi ng unang talata sa Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”—Genesis 1:1.
Malaon nang tumpak na sinabi ng Bibliya na ang lupa ay bilog at nakabitin “sa wala”
Bagaman isa itong sinaunang aklat tungkol sa maraming paksa, walang binabanggit ang Bibliya na salungat sa siyensiya. Hindi ba nararapat lamang na isaalang-alang natin ang gayong aklat? *
^ par. 9 Para sa iba pang halimbawang nagpapatunay na tumpak ang Bibliya ayon sa siyensiya, tingnan ang pahina 18-21 ng brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.