Ang Pangmalas ng Bibliya
Bakit Dapat Pangalagaan ang Kapaligiran ng Lupa?
ANG mga gawain ng tao ay sumisira sa magandang kapaligiran ng ating planeta ngayon higit kailanman. Habang lalong nakababahala ang banta ng mga problemang gaya ng pag-init ng globo, pinag-iibayo naman ng mga siyentipiko, pamahalaan, at mga grupo sa iba’t ibang industriya ang kanilang pagsisikap na lutasin ang problema.
May pananagutan ba tayo bilang mga indibiduwal na tumulong sa pangangalaga sa kapaligiran? Kung gayon, gaano kalaki ang ating pananagutan? Nagbibigay ang Bibliya ng mabubuting dahilan kung bakit dapat tayong mag-ingat na ang ating mga ginagawa ay hindi makasira sa lupa. Tinutulungan din tayo nito na maging timbang sa ating mga pagsisikap.
Kumilos Ayon sa Layunin ng Ating Maylalang
Ginawa ng Diyos na Jehova ang lupa para maging tulad-harding tahanan ng tao. Sinabi niyang “napakabuti” ng lahat ng kaniyang ginawa at inatasan niya ang tao na “sakahin at ingatan” ang lupa. (Genesis 1:28, 31; 2:15) Ano kaya ang nadarama ng Diyos sa kalagayan ng lupa ngayon? Tiyak na hindi siya nalulugod sa maling paraan ng pangangalaga ng tao sa lupa, dahil inihula sa Apocalipsis 11:18 na ‘ipapahamak niya yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ Kaya hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang nangyayari sa lupa.
Tinitiyak sa atin ng Bibliya na aalisin ng Diyos ang lahat ng bakas ng pagkasirang idinulot ng tao kapag ‘ginawa Niyang bago ang lahat ng bagay.’ (Apocalipsis 21:5) Pero huwag nating isipin na hindi mahalaga anuman ang ating gawin ngayon dahil isasauli naman ng Diyos ang dating kalagayan ng lupa pagdating ng panahon. Mahalaga pa rin iyon! Paano natin maipakikitang kaayon ng pangmalas ng Diyos ang pangmalas natin sa ating planeta at kumikilos tayo ayon sa kaniyang layunin na gawin itong paraiso?
Tumulong Upang Panatilihing Malinis ang Lupa
Ang karaniwang mga gawain ng tao ay lumilikha ng dumi. May-karunungang dinisenyo ni Jehova ang likas na mga siklo ng lupa upang iproseso ang duming iyon at sa gayo’y nalilinis ang hangin, ang tubig, at ang lupa. (Kawikaan 3:19) Ang ating ginagawa ay dapat na kaayon ng gayong mga proseso. Kaya kailangan tayong maging maingat para hindi natin madagdagan ang problema ng kapaligiran ng lupa. Ang gayong pag-iingat ay nagpapakitang iniibig natin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili. (Marcos 12:31) Pansinin ang isang magandang halimbawa noong panahon ng Bibliya.
Inutusan ng Diyos ang bansang Israel na ibaon ang dumi ng tao “sa labas ng kampo.” (Deuteronomio 23:12, 13) Napananatili nitong malinis ang kampo at napabibilis ang proseso ng pagkabulok. Gayundin sa ngayon, sinisikap ng mga tunay na Kristiyano na itapon kaagad nang maayos ang kanilang basura at iba pang dumi. Kailangan din ng higit na pag-iingat kapag nagtatapon ng nakalalasong mga bagay.
Maraming basura ang maaari pang gamitin o iresiklo. Kung ipinag-uutos ng batas sa inyong lugar ang pagreresiklo, ang pagsunod dito ay bahagi ng pagbibigay ‘kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar.’ (Mateo 22:21) Maaaring kailangan ang dagdag na pagsisikap sa pagreresiklo pero ipinakikita nito na gusto nating maging malinis ang lupa.
Huwag Aksayahin ang Likas na Yaman ng Lupa
Kailangan natin ng likas na yaman upang matugunan ang ating pangangailangan sa pagkain, tirahan, at langis, para mabuhay. Makikita sa paraan ng paggamit natin sa mga yamang ito kung kinikilala nating ang mga iyon ay kaloob mula sa Diyos. Nang gustong kumain ng mga Israelita ng karne habang nasa ilang sila, naglaan si Jehova ng napakaraming pugo. Dahil sa kasakiman, inabuso nila ang kaloob na iyon kaya lubhang nagalit ang Diyos na Jehova. (Bilang 11:31-33) Hindi pa rin nagbabago ang pangmalas ng Diyos hinggil dito. Kaya iniiwasan ng responsableng mga Kristiyano ang pag-aaksaya na maaaring tanda ng kasakiman.
Maaaring sabihin ng ilan na karapatan nilang gumamit ng enerhiya o iba pang likas na yaman hangga’t gusto nila. Pero hindi dapat aksayahin ang likas na yaman dahil lamang sa napakarami o madaling makuha ang mga iyon. Pagkatapos na makahimalang pakainin ni Jesus ang isang malaking pulutong, iniutos niyang tipunin ang natirang isda at tinapay. (Juan 6:12) Ayaw niyang masayang ang inilaan ng kaniyang Ama.
Maging Balanse sa Ating Pagsisikap
Ang araw-araw nating pagpapasiya ay may epekto sa kapaligiran. Dapat ba tayong magpakalabis anupat hihiwalay tayo sa mga tao at mamumuhay na parang ermitanyo upang hindi tayo makasira sa lupa? Walang sinasabi sa Bibliya na gayon ang dapat nating gawin. Pansinin ang halimbawa ni Jesus. Noong nasa lupa, namuhay siya nang normal kaya nagawa niya ang kaniyang bigay-Diyos na atas na mangaral. (Lucas 4:43) Tumanggi rin si Jesus na makibahagi sa pulitika para lutasin ang mga problema sa lipunan noong panahon niya. Maliwanag na sinabi niya: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Juan 18:36.
Angkop, kung gayon, na isaalang-alang natin ang epekto sa kapaligiran ng ating mga pagpapasiya—sa pamimili, paglalakbay, at paglilibang. Halimbawa, pinipili ng ilan na bumili ng mga produkto na ginawa o ginagamit upang di-gaanong makapinsala sa kapaligiran. Sinisikap naman ng iba na bawasan ang kanilang mga gawain na lumilikha ng polusyon o ang kanilang labis na paggamit ng likas na yaman.
Hindi natin kailangang ipilit sa iba ang ating mga pasiya may kinalaman sa kapaligiran. Hindi pare-pareho ang kalagayan ng bawat isa sa iba’t ibang lugar. Pero bilang mga indibiduwal, mananagot pa rin tayo sa ating mga pagpapasiya. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”—Galacia 6:5.
Binigyan ng Maylalang ang mga tao ng pananagutang pangalagaan ang lupa. Dahil sa pagpapahalaga sa atas na iyan at mapagpakumbabang paggalang sa Diyos at sa kaniyang mga lalang, dapat tayong maging palaisip at responsable sa ating mga pagpapasiya kung paano pangangalagaan ang lupa.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Kikilos ba ang Diyos upang lutasin ang mga problema hinggil sa kapaligiran ng lupa?—Apocalipsis 11:18.
◼ Ano ang pananagutang ibinigay ng Diyos sa mga tao may kinalaman sa lupa?—Genesis 1:28; 2:15.
◼ Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesu-Kristo upang maiwasan ang pag-aaksaya?—Juan 6:12.