Isang Haring Pambihira ang mga Nagawa
Isang Haring Pambihira ang mga Nagawa
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CAMEROON
SI Ibrahim Njoya ang ika-17 hari ng Bamum, isang malaking grupong etniko na nakatira pa rin sa kaparangan ng kanlurang Cameroon. Naging hari siya mula noong 1889 hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1933, gaya ng ipinakikita sa kalakip na talaan ng naging mga tagapamahala mula pa noong ika-14 na siglo. Sa panahon ng paghahari ni Njoya, sinikap sakupin ng mga Pranses at Aleman ang lugar na iyon.
Mula pagkabata, matalino at maabilidad si Njoya, at palagi niyang kasama ang mga taong gaya niya na may kapareho niyang adhikain sa buhay. Ang kahanga-hangang palasyo na itinayo niya, na makikita sa larawan sa ibaba, ay nagpapatunay sa kaniyang husay sa arkitektura. Nag-imbento rin siya ng gilingan ng mais, na makikita rin dito. Pero lalo nang katangi-tangi ang paggawa niya ng isang bagong sistema ng pagsulat sa wikang Bamum.
Posible Na ang Isang Nasusulat na Rekord
Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang kasaysayan ng mga Bamum ay pangunahin nang naingatan dahil ikinukuwento ito sa sali’t saling lahi. Batid ni Njoya na sa paraang ito, may panganib na mabawasan at madagdagan ang mga detalye. Pamilyar siya sa wikang Arabe nang makakuha siya ng mga aklat sa wikang iyon mula sa mga negosyante at naglalakbay na mga mangangalakal na nagdaraan sa kaniyang kaharian. Marahil alam din niya ang sulat-Vai, na ginagamit noon sa Liberia. Kaya nagsimula siya ng isang sistema ng pagsulat sa kaniyang sariling wika.
Nagsimula si Njoya sa pamamagitan ng ilang daang iginuhit na larawan at sagisag ng mga bagay o mga ideya. Sa sistemang iyon, kailangang isaulo
ng kaniyang mga sakop ang ibig sabihin ng bawat sagisag. Sa nakalipas na mga taon at sa tulong ng kaniyang pinagkakatiwalaang mga tauhan, pinasimple niya ang sistema ng pagsulat. Gumamit sila ng sistema ng pagpapantig para mabawasan ang dami ng mga sagisag. Sa pamamagitan ng pagsasama ng ilang sagisag o letra ng kaniyang bagong paraan ng pagsulat, nabuo ang espesipikong mga salita. Kailangang isaulo ng mambabasa ang mas kaunting mga letra at ang katumbas nitong tunog. Nang matapos ito ni Njoya, ang kaniyang bagong sistema ng pagsulat na tinatawag na A-ka-u-ku ay may 70 letra.Pinasigla ni Njoya ang paggamit ng sulat-Bamum nang hilingin niyang ituro ito sa mga paaralan at gamitin ito sa lahat ng sangay ng pamahalaan. Iniutos niya ang pagsulat ng isang sunud-sunod na rekord ng kaniyang dinastiya at ng kaniyang bansa gamit ang kaniyang bagong sistema ng pagsulat. Kaya sa kauna-unahang pagkakataon, mababasa na ng mga Bamum ang kanilang mga tradisyon, batas, at mga kaugalian. Ipinasulat pa nga ni Njoya ang mga resipi sa paggawa ng gamot na gamit ang bagong sulat-Bamum. Mahigit 8,000 ng orihinal na mga dokumentong iyon ang nasa artsibo pa rin ng palasyo hanggang ngayon.
Nakita ang kapakinabangan ng bagong sistemang ito ng pagsulat nang dumating ang mga mananakop na Aleman noong 1902. Bagaman nakinabang si Njoya sa pag-unlad ng ekonomiya, hindi siya laging sumasang-ayon sa mga awtoridad na Aleman. Kaya ginamit niya ang kaniyang naimbentong sulat-Bamum na hindi mabasa ng mga Aleman. Hanggang kailan ginamit ang sulat-Bamum?
Noong Digmaang Pandaigdig I (1914-18), hindi na napasailalim sa pamamahala ng Alemanya ang kaharian ni Njoya. Nang bandang huli, inilipat sa Pransiya ng bagong tatag na Liga ng mga Bansa ang pamamahala sa teritoryo ng Bamum. Bagaman bukás si Njoya sa bagong mga ideya, ipinagmamalaki niya ang kaniyang pamana at gustung-gusto niyang maingatan at mapasulong ang kultura ng kaniyang bayan. Humantong ito sa paglaban niya sa kolonyal na pamamahala ng Pransiya sa kaniyang kaharian. Gaya ng ginagawa sa mga pinunong ayaw magpakita ng katapatan sa mga mananakop, inalis siya ng Pransiya sa tungkulin noong 1931. Pagkaraan ng dalawang taon, namatay si Njoya bilang isang tapon.
Dahil ipinagbawal ng mga Pranses ang paggamit ng sulat-Bamum sa mga paaralan at wala na si Njoya upang itaguyod ito, di-nagtagal ay hindi na ito ginamit at nakalimutan na ng karamihan sa mga Bamum. Nang dumating doon ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, pinag-aralan nila ang wikang sinasalita ng mga Bamum at gumawa sila ng isang aklat tungkol sa balarila nito para gamitin sa kanilang mga paaralan. Di-gaya ni Njoya, kinuha nila ang karamihan ng balarila mula sa alpabetong Romano at sa ponetika nito.
Kamakailan, nagkaroon ng mga pagsisikap na muling pag-aralan ang sulat-Bamum. Ang kasalukuyang sultan, si Ibrahim Mbombo Njoya, ay nagbukas ng isang paaralan sa palasyo na itinayo ng kaniyang lolo. Dito, minsan pang pinag-aaralan ng mga mag-aaral doon ang sistemang ito ng pagsulat upang hindi ito mabaon sa limot.
[Larawan sa pahina 27]
Isang plake na nagpapakita sa dinastiyang Bamum mula noong ika-14 na siglo hanggang sa ngayon, na isinulat sa alpabetong Romano sa kaliwa at sa sulat-Bamum sa kanan
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Lahat ng larawan: Courtesy and permission of Sultan Ibrahim Mbombo Njoya, Foumban, Cameroon