Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Noong 2006, “167 peryodista at mga kasama nila,” gaya ng mga drayber at interprete, “ang namatay sa pagsisikap na iulat ang balita.” Karamihan sa kanila ay nag-uulat tungkol sa krimen, katiwalian, o labanan sa kanilang lugar. Mga 133 na ang napaslang.​—INTERNATIONAL NEWS SAFETY INSTITUTE, BELGIUM.

Mula 10 hanggang 14 na bilyong bala ng baril ang ginagawa taun-taon, “sapat na bala upang patayin ang bawat tao sa mundo nang dalawang beses.”​—ROYAL MELBOURNE INSTITUTE OF TECHNOLOGY, AUSTRALIA.

Mga Lindol na Dulot ng Tao?

Mula noong ika-19 na siglo, ang mga gawain ng tao ay naging sanhi ng mahigit 200 malalakas na lindol, ang sabi ng isang ulat sa pahayagang Aleman na Die Zeit. Ang pagmimina ang sanhi ng kalahati sa mga lindol na ito. Lumilitaw na ang ilan pang sanhi ay ang pagkuha ng gas, langis, o tubig sa ilalim ng lupa; pagbobomba ng likido sa mga malalalim na balon; at ang paggawa ng mga imbakan ng tubig. Dahil sa lindol noong 1989 sa Newcastle, Australia, na ipinalalagay ng mga siyentipiko na bunga ng pagmimina ng karbon sa ilalim ng lupa, 13 katao ang namatay at 165 ang nasugatan. Nagdulot din ito ng pinsalang nagkakahalaga ng $3.5 bilyon (U.S.). Tinatayang ang pagkalugi mula sa lindol na iyon ay higit pa sa kabuuan ng perang kinita sa pagmimina roon mula nang mag-umpisa ito mga dalawang dantaon na ang nakalipas.

Kalagayan ng mga Katoliko sa Pransiya

Noong 1994, 67 porsiyento ng mga tao sa Pransiya ang nag-aangking Katoliko. Sa ngayon ang bilang ay 51 porsiyento, ang sabi ng magasing Le Monde des Religions. Isinisiwalat ng isang surbey na 50 porsiyento ng mga Katolikong Pranses ang nagsisimba lamang para sa pantanging mga okasyon, gaya ng mga kasal. Bagaman 88 porsiyento ang nagsasabing saulado nila ang panalangin na Ama Namin, 30 porsiyento ang hindi kailanman nagdarasal. Halos 50 porsiyento ng mga tahanang Katoliko ang may Bibliya, subalit hindi naman ito nangangahulugang binabasa nila ito.

Problema sa Pagsasalita ng mga Bata

“Parami nang paraming bata ang hindi agad nakapagsasalita at gumagamit ng napakalimitadong bokabularyo dahil hindi sila kinakausap ng mga adulto,” ang sabi ng magasing Polako na Wprost. Sa katamtaman, 30 minuto isang araw ang ginugugol ng mga ina kasama ang kanilang mga anak, at “pitong minuto lamang” ang ginugugol ng mga ama. Bunga nito, halos 1 sa bawat 5 bata ang “may problema sa pagsasalita dahil lamang sa kapabayaan ng kanilang mga magulang.” Nagbabala si Michał Bitniok, isang speech therapist at lingguwista sa Silesian University: “Kung pababayaan na lamang ang mga batang iyon at hindi agad gagamutin, maaari silang mahirapan sa paaralan at paglaki nila dahil sa kanilang problema sa pagsasalita.”

Paggamit ng Pamahiin sa Hapon

Isang problema sa Hapon ang ilegal na pagtatapon ng basura sa lupaing pag-aari ng munisipyo. Hindi ito mahadlangan ng mga bantay na nagpapatrulya sa araw. Sa gabi itinatapon ng mga tao ang kanilang basura. Upang hadlangan ito, ginagamit ngayon ng lokal na mga pamahalaan ang pamahiin. Nagtatayo sila ng torii, mga pulang pintuang-daan na mukhang pasukan sa mga dambanang Shinto. “Napakasimple ng ideya,” ang sabi ng pahayagang IHT Asahi Shimbun. “Sagrado ang karaniwang turing ng mga tao sa torii, kaya mamalasin ka kung magtatapon ka ng basura malapit dito.” Gaya ng inaasahan, ang mga tao ay hindi na nagtatapon ng basura malapit sa torii. “Sa di-kalayuan,” ang sabi ng pahayagan, “nagtatapon pa rin ng basura ang mga tao.”