Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Inaasahang Tulong Mula sa Gumising!

Hindi Inaasahang Tulong Mula sa Gumising!

 Hindi Inaasahang Tulong Mula sa Gumising!

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BENIN

▪ Nang magpasiya ang 23-anyos na si Noël na tumigil na sa pag-aaral sa eskuwela at maglingkod bilang isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, inisip ng mga kamag-anak niya na mahihirapan siya sa pinansiyal. Sa simula, nahirapan nga siyang makahanap ng part-time na trabaho na akma sa iskedyul niya sa pangangaral. Kaya nang itampok sa magasing Gumising! ang napapanahong artikulong “Limang Paraan Upang Makahanap ng Trabaho,” paulit-ulit itong binasa ni Noël. * Nakatulong ba ito sa kaniya? Oo, pero hindi gaya ng inaasahan niya.

Nakita ng direktor ng isang pribadong eskuwelahan si Noël na nangangaral sa bahay-bahay at tinanong siya kung isa siyang Saksi ni Jehova. Nangangailangan ng isa pang guro ang direktor, at dahil alam niyang mahusay magturo ang mga Saksi ni Jehova, tinanong niya si Noël kung may kakilala siyang interesadong magturo. Nang sumagot si Noël na wala, sinabi ng direktor, “Eh, ikaw? Gusto mo ba?”

Hindi pa nasubukan ni Noël na magturo sa eskuwelahan at nauutal siya paminsan-minsan. Problema ito, dahil sa Benin, pinakukuha muna ng eksamen ang magiging mga guro para matiyak na hindi sila utal. “Makakuha ka lang ng sertipiko, tanggap ka na,” ang pangako ng direktor.

Mahusay ang naging pagsulong ni Noël sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo na dinisenyo para sanayin ang isa na magsalita sa harap ng publiko. Ginaganap ang pagsasanay na ito linggu-linggo sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nakapagbibigay pa nga si Noël ng mga pahayag pangmadla sa kanilang kongregasyon. Pero kinakabahan pa rin siya nang araw ng eksamen.

Inabután siya ng tagapagbigay ng eksamen ng isang magasin at ipinabasa sa kaniya nang malakas ang isang parapo. Nanlaki ang mga mata ni Noël nang makita niya ang artikulong “Limang Paraan Upang Makahanap ng Trabaho.” Nabasa niya nang maayos ang parapo kaya binigyan siya ng sertipiko.

Sinabi ng tagapagbigay ng eksamen na regular siyang nagbabasa ng mga magasin ng mga Saksi ni Jehova. “Marami kang matututuhan sa mga magasing ito at napakaganda ng pagkakasulat nito kaya madalas ko itong ginagamit sa eksamen,” ang sabi niya.

Nagsimulang magturo si Noël at gusto ng direktor na kunin ulit siya sa susunod na taon, pero may ibang plano si Noël. Inanyayahan kasi siyang magtrabaho sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, kung saan siya naglilingkod ngayon.

[Talababa]

^ par. 3 Tingnan ang isyu ng Gumising! Hulyo 8, 2005, pahina 4-9.