Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pitong Hakbang Para Maging Mas Mabuting Magulang (Agosto 2007) Sagot sa mga panalangin ko ang magasing ito. Mayroon akong apat-na-taóng-gulang na anak na babae na umiibig kay Jehova, pero natatakot pa rin ako dahil baka magkamali ako sa pagpapalaki sa kaniya. Kaya araw-araw kong ipinananalangin kay Jehova na sana’y tulungan niya ako sa pagsasanay sa aking anak. Maraming salamat sa pagmamalasakit ninyo sa amin na mga magulang.
Y.M.A., Mexico
Ang seryeng ito ay gaya ng giyang-aklat na sadyang isinulat para sa aming pamilya, at tinatalakay nito ang mismong mga isyu na bumabagabag sa isip ko! Lalo kong napatunayan na mahal na mahal ni Jehova ang kaniyang bayan. Dininig niya ang mga panalangin ko at nakita niya ang aking mga luha at alam niyang kailangang-kailangan ko ang impormasyong ito.
J. M., Estados Unidos
Sa ilang pahina lamang, nakapagbigay na kayo ng mahahalaga at napakabisang mga payo at tagubilin. Ang kailangan na lamang naming gawin ay sundin ang mga tagubiling ito!
E. L., Finland
Makabubuti ba ang Optimismo sa Iyong Kalusugan? (Setyembre 2007) Napakalaking tulong sa akin ng artikulong ito, dahil madalas kong isinisisi sa sarili ko ang lumilitaw na mga problema. Lagi akong natetensiyon at naisip ko pa nga na hindi ako mabuting ina. Bagaman hindi madali sa akin na maging optimistiko, gumaan ang loob ko dahil sa impormasyong ito. Kaylaki ng pasasalamat ko sa pagmamalasakit na ipinakikita ninyo sa amin sa pamamagitan ng ganitong mga artikulo.
A. S., Ecuador
Sakit ng Ngipin—Kasaysayan ng Matinding Pahirap (Setyembre 2007) Isa akong dentista at guro ng dentistri. Hangang-hanga ako sa inyong artikulo na napakaganda at napakahusay ng pagkakasulat. Napakagaling ng pagkakabuod nito sa kasaysayan ng dentistri. Ipinabasa ko ito sa halos lahat ng kaibigan ko at mga kapuwa ko dentista.
C. R., Estados Unidos
Diyos ba ang Dapat Sisihin? (Setyembre 2007) Nagsama-sama kaming magkakaibigan para pag-usapan ang mga puwede naming gawin sa panahon ng kagipitan. Nagmeryenda kami, nirepaso ang magagandang mungkahi sa kahong “Nakahanda Ka ba sa Paglikas?” sa nasabing artikulo, at saka tiningnan ang mga emergency kit na inihanda ng ilan sa amin. Pinag-usapan din namin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang pangmalas sa paghahanda para sa panahon ng kagipitan. Nauunawaan namin na hindi paghahanda ng mga pangangailangan para sa panahon ng kagipitan ang pangunahin naming gawain bilang mga lingkod ng Diyos, kundi ang pangangaral tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at sa napakagandang pangako ng Diyos para sa lupa kung saan wala nang banta ng anumang sakuna—likas man ito o kagagawan ng tao.
R. G., Estados Unidos
Protektahan ang Inyong mga Anak! (Oktubre 2007) Napakabata ko pa nang maging biktima ako ng pangmomolestiya. Hindi ko pa rin masabi sa mga magulang ko ang nangyari. Kaya gumaan nang husto ang loob ko nang mabasa ko ang mga artikulong ito. Sana nama’y basahin ng mga magulang ang magasing ito at protektahan ang kanilang mga anak. Kaylaki ng pasasalamat ko kay Jehova sa napakahalagang impormasyong ito. Nakaaaliw talaga ito sa mga tulad namin na dumanas ng seksuwal na pang-aabuso.
R. I., Hapon