Pagbuhay-Muli sa mga Nasa Libingan—Talagang Posible!
Pagbuhay-Muli sa mga Nasa Libingan—Talagang Posible!
SA ISANG eksena ng pelikula ilang taon na ang nakalilipas, isang lalaki ang ipinakitang nakatayo sa harap ng puntod ng isa niyang mahal sa buhay. “Laging sinasabi ni Mama na bahagi na ng buhay ang kamatayan,” ang sabi ng lalaking ito. Pagkatapos, sandaling nagpokus ang kamera sa lapida ng puntod, habang sinasabi niya: “Sana, hindi na lang ganoon.”
Ganiyan ang nadarama ng bilyun-bilyon katao na namatayan ng mga mahal sa buhay. Kasuklam-suklam ngang kaaway ang kamatayan! Pero ipinangangako ng Diyos: “Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.” (1 Corinto 15:26) Pero bakit tayo namamatay, gayong malinaw namang may kakayahan tayong mabuhay nang walang hanggan? Paano papawiin ang kamatayan?
Kung Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay
Hinggil sa Diyos na Jehova na ating Maylalang, sinasabi ng Bibliya: “Sakdal ang kaniyang gawa.” (Deuteronomio 32:4; Awit 83:18) Nilalang na sakdal ang unang taong si Adan, at maaari siyang mabuhay magpakailanman sa hardin ng Eden, ang Paraiso sa lupa na ibinigay ng Diyos sa kaniya bilang tirahan. (Genesis 2:7-9) Bakit naiwala ni Adan ang Paraisong tahanan na iyon, at bakit siya tumanda at namatay?
Sa simpleng paliwanag: Sumuway si Adan sa utos na huwag kumain ng bunga ng isang partikular na punungkahoy. Maliwanag ang babalang ibinigay ng Diyos kay Adan kung susuway siya: “Tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Gaya ng kaniyang asawang si Eva, sumuway si Adan, kaya pinalayas sila ng Diyos sa Eden. May mahalagang dahilan kung bakit agad inilapat ng Diyos ang kaniyang parusa. Sinasabi ng Bibliya: “Upang hindi . . . iunat [ni Adan] ang kaniyang kamay at talagang kumuha rin ng bunga mula sa punungkahoy ng buhay [sa hardin] at kumain at mabuhay [nang walang hanggan].”—Genesis 3:1-6, 22.
Namatay sina Adan at Eva dahil sa kanilang pagsuway, pero bakit ang lahat ng kanilang mga inapo ay tumatanda rin at namamatay? Nagmana kasi sila ng kasalanan mula kay Adan, at ang kasalanan ay nagdulot ng di-kasakdalan at kamatayan sa lahat ng kaniyang mga supling. Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Posibleng Mabuhay-Muli
Gaya ng nabasa natin kanina, “ang kamatayan ay papawiin”—oo, aalisin magpakailanman! (1 Corinto 15:26) Paano? Ipinaliliwanag ito ng Bibliya, sa pagsasabi: “Sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay.” (Roma 5:18) Ano ang naging susi upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan at ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos?
Ito ay ang paglalaan ng Diyos upang mapawi ang kasalanang minana ng lahat ng mga tao mula sa unang taong si Adan. Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Hinggil sa paglalaang ito upang maipahayag na matuwid ang mga tao para sa buhay, sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
Isip-isipin na lamang ang lalim ng pag-ibig ng Diyos sa atin, pati na ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na nagdusa nang matindi alang-alang sa atin. Isinulat ni apostol Pablo: ‘Ang Anak ng Diyos ay umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.’ (Galacia 2:20) Pero bakit si Jesus lamang ang tanging taong ‘makapagbibigay ng kaniyang kaluluwa bilang pantubos’ para sa atin upang mailigtas tayo mula sa nakamamatay na mga resulta ng kasalanan?—Mateo 20:28.
Si Jesus lamang ang tanging makapagbibigay ng kaniyang kaluluwa bilang pantubos sapagkat siya lamang ang tanging tao na hindi nagmana ng kasalanan mula sa unang taong si Adan. Paano nangyari iyon? Ang buhay ni Jesus ay makahimalang inilipat mula sa langit tungo sa sinapupunan ni Maria na isang birhen. Kaya naman gaya ng sinabi ng anghel kay Maria, ang kaniyang anak ay “banal, Anak ng Diyos.” (Lucas 1:34, 35) Iyan ang dahilan kung bakit tinawag si Jesus na “huling Adan” at kung bakit hindi siya nagmana ng kasalanan mula sa “unang taong si Adan.” (1 Corinto 15:45) Bilang isang taong walang kasalanan, maibibigay ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “katumbas na pantubos”—ang kaniyang buhay ay katumbas niyaong sa dating sakdal at walang kasalanang unang tao.—1 Timoteo 2:6.
Dahil sa pantubos na inilaan ng Diyos, maibabalik sa atin ang naiwala ng unang Adan, samakatuwid nga, walang-hanggang buhay sa paraisong lupa. Pero upang matanggap ang pagpapalang ito, kailangang buhaying-muli ang karamihan sa sangkatauhan. Isa ngang kamangha-manghang pag-asa! Pero posible nga kaya ito?
Saligan Para Maniwala
Mahirap bang paniwalaan na ang Diyos na Jehova, na lumalang ng buhay, ay may kapangyarihan na muling lalangin ang isang taong dating nabubuhay? Isaalang-alang natin ang kakayahang maglihi—o magdalang-tao—na ipinagkaloob ng Diyos sa unang babae. “Nakipagtalik si Adan kay Eva,” at makalipas ang mga siyam na buwan, isang munting nilalang na kahawig nila ang iniluwal. (Genesis 4:1) Kung paano lumaki at nabuo ang mga bahagi ng katawan ng sanggol sa sinapupunan ni Eva ay itinuturing pa ring himala—isang bagay na hindi pa rin lubusang maintindihan ng tao!—Awit 139:13-16.
Karaniwan nang itinuturing na ordinaryong bagay na lang ang pagsisilang, yamang daan-daan libong ulit itong nangyayari sa araw-araw. Pero ang pagbuhay-muli sa isang tao ay hindi pa rin kapani-paniwala para sa marami. Nang sabihin ni Jesus sa mga taong nagdadalamhati sa pagkamatay ng isang batang babae na hindi namatay ang bata kundi natutulog lamang, “pinasimulan nila siyang pagtawanan nang may panlilibak” sapagkat alam nilang patay na ang bata. Pero sinabi ni Jesus sa namatay na bata: “‘Bumangon ka!’ At kaagad na bumangon ang dalagita at nagsimulang maglakad.” Sinasabi sa atin ng ulat na ang mga naroroon ay “karaka-rakang halos mawala . . . sa kanilang sarili sa napakasidhing kagalakan.”—Marcos 5:39-43; Lucas 8:51-56.
Nang sabihin ni Jesus na buksan ang libingan ng mahal niyang kaibigan na si Lazaro, tumutol si Marta na kapatid ni Lazaro: “Sa ngayon ay nangangamoy na siya, sapagkat apat na araw na.” Pero nang buhaying-muli ni Jesus si Lazaro, walang mapagsidlan ng kagalakan ang mga tao! (Juan 11:38-44) Marami ang nakasaksi sa mga himalang ginawa ni Jesus. Noong nakabilanggo si Juan Bautista, ibinalita sa kaniya ng kaniyang mga alagad ang gawain ni Jesus, na sinasabi: “Ang mga patay ay ibinabangon.”—Lucas 7:22.
Panibagong Buhay sa Pamamagitan ng Pagkabuhay-Muli
Bakit nagsagawa si Jesus ng gayong mga himala, samantalang nagkasakit at namatay rin naman nang maglaon ang mga binuhay niyang muli? Ginawa niya iyon para patunayan na ang naiwala ng unang Adan—walang-hanggang buhay sa paraisong lupa—ay maisasauli at talagang isasauli. Ipinakikita ng mga himalang isinagawa ni Jesus kung paanong sa hinaharap, ang milyun-milyong tao ay “magmamay-ari ng lupa” upang ‘tumahan doon magpakailanman.’—Awit 37:29.
Nakatutuwang malaman na maaari tayong mapabilang sa mga may gayong napakagandang pag-asa na mabuhay magpakailanman kung magpapakita tayo ng “makadiyos na debosyon.” Ayon sa Bibliya, ‘hawak ng gayong debosyon ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.’ Ang ‘buhay na iyon na darating’ ay tinatawag ding “tunay na buhay.”—1 Timoteo 4:8; 6:19.
Talakayin natin ngayon kung ano talaga ang tunay na buhay na ito—ang magiging buhay sa matuwid na bagong sanlibutan.
[Larawan sa pahina 6]
“Halos mawala sila sa kanilang sarili sa napakasidhing kagalakan”