Robot—Ano Na ang Kaya Nilang Gawin Ngayon?
Robot—Ano Na ang Kaya Nilang Gawin Ngayon?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON
ROBOT. Ano ang naiisip mo kapag narinig mo ang salitang ito? Para sa ilan, kaibigan ang mga robot—mababait na katulong. Banta naman ito para sa iba—mga makinang napakatalino na marahil ay papalit sa mga tao sa hinaharap. Pero para sa marami, ang mga robot ay likhang-isip lamang ng siyensiya at malayo sa katotohanan.
Ano na ba ang kayang gawin ng mga robot ngayon? Noong 2006, inilabas ng International Federation of Robotics ang resulta ng isang pag-aaral—tinatayang halos isang milyong robot ang ginagamit sa mga pabrika sa buong daigdig, at halos kalahati sa mga ito ay ginagamit sa Asia. Bakit gayon na lamang kalaki ang pangangailangan sa mga robot?
Serbisyo ng mga Robot
Gunigunihin ang isang napakasipag na manggagawa, walang reklamo, at kayang magtrabaho nang walang kapagud-pagod sa loob ng 24 na oras bawat araw, pitong araw sa isang linggo. Iyan ang kayang gawin ng mga robot na ginagamit sa pabrika. Walang-patid itong nakagagawa ng pagkarami-raming piyesa ng sasakyan, piyesang elektrikal, at mga kagamitan sa bahay. Kaya naman angkop ang pangalang robot mula sa salitang Czech na robota, na nangangahulugang “puwersahang pagtatrabaho.” Tinataya na sa industriya ng paggawa ng sasakyan noong 2005, may 1 robot sa bawat 10 manggagawa!
Pero hindi lamang sa pabrika ginagamit ang mga robot. Ang ilang robot ay nilagyan ng program para makakilala ng boses, wireless data communication, Global Positioning System, at mga sensor para sa init, puwersa, ultrasound, kemikal, at radyasyon. Dahil napakarami na ng kaya nitong gawin, nagagawa na ngayon ng mga robot ang mga gawaing waring imposible ilang taon ang nakalilipas. Tingnan ang ilang halimbawa.
▪ Serbisyo. Sa isang ospital sa Gran Britanya, isang robot sa botika ang kumukuha at nagbibigay ng gamot sa loob lamang ng ilang segundo. Ginagamit naman sa Postal Service sa Estados Unidos ang mga robot para sa pagbubukud-bukod, pagbubuhat, at pagsasalansan ng mga kahon ng padala. Ang mga robot na may galamay na parang ahas ay nakapapasok sa makikitid na espasyo—gaya ng loob ng pakpak ng eroplano—para mag-inspeksiyon at magkumpuni.
▪ Kasama. Sa isang nursing home sa Hapon, ang mga pasyenteng matatanda ay nagsasalitan sa paghawak sa maganda at mabalahibong robot na seal. Sensitibo ang robot na ito sa liwanag, tunog, temperatura, at maging sa haplos, pati na sa paraan ng pagbubuhat dito. Kapag hinawakan, para itong tunay na seal na marahang umuungol, kumukurap, at kumakawag ang pinakapalikpik. Sinasabing nasasapatan ng robot na seal ang mahalagang pangangailangan ng tao na magkaroon ng kasama. Isa rin itong uri ng terapi.
▪ Larangan ng Medisina. Isang robot na may tatlong braso ang nakaposisyon malapit sa pasyente. Sa di-kalayuan, isang siruhano naman ang sumisilip sa isang malaking yunit na pangmonitor para makita ang 3-D image ng puso ng kaniyang pasyente. Kinokontrol ng siruhano ang mga braso ng robot habang inoopera nito ang may diperensiyang balbula ng puso. Sa sistemang ito, naiiwasan ang malalaking hiwa sa katawan ng pasyente dahil napakaeksakto ng galaw ng robot. Bunga nito, hindi nahihirapan ang katawan, mas kaunti ang nasasayang na dugo, at mas mabilis ang paggaling ng pasyente.
▪ Bahay. Isang pindot lang ng buton, magsisimula na sa paglilinis ng sahig ang hugis-platong robot. Paikut-ikot itong naglilinis hanggang sa kasuluk-sulukan ng bahay, at sa bandang huli ay “natututuhan” na ng robot ang pagkakaayos ng bahay. Umiiwas ito kapag malapit na sa hagdan. Kapag tapos na itong maglinis, kusa itong tumitigil at bumabalik sa base para mag-recharge. Mahigit dalawang milyon ng ganitong uri ng robot ang ginagamit sa ngayon.
▪ Kalawakan. Isang sasakyang robot na may anim na gulong na pinangalanang Spirit ang gumagalugad sa planetang Mars. Sa pamamagitan ng mga instrumentong nakakabit sa braso ng robot, sinusuri nito ang kayarian ng lupa at mga bato. Gamit ang mga kamerang nakakabit dito, mahigit 88,500 larawan ng Mars ang nakunan ng robot, kasama na rito ang hitsura ng ibabaw ng planeta, mga hukay, ulap, bagyo ng alikabok, at paglubog ng araw. Isa ito sa mga sasakyang robot na nasa Mars sa kasalukuyan.
▪ Paghahanap at Pagliligtas. Sa ilalim ng nagbabagang bunton ng napilipit na mga bakal na biga at nadurog na kongkreto ng gumuhong World Trade Towers, 17 robot na sinlaki ng bola ng basketbol ang ginamit para maghanap ng mga nakaligtas. Mula noon, nakagawa pa ng mas modernong mga robot, gaya ng makikita sa ibaba.
▪ Ilalim ng Tubig. Ang mga awtomatikong sasakyang pantubig ay ginagamit ng mga siyentipiko para pag-aralan ang ilalim ng karagatan—ang tanging lugar sa lupa na hindi pa lubos na nagagalugad. Ang mga sasakyang robot na ito ay may sariling suplay ng enerhiya at walang sakay na tao. Ginagamit din ito sa paghahanap at pagsasalba ng iba’t ibang bagay, pag-iinspeksiyon sa mga kableng pangkomunikasyon, pagsubaybay sa mga balyena, at pag-aalis ng mga bomba sa karagatan.
Robot na Parang Tao?
Sa loob ng daan-daang taon, pinangarap ng mga tao na makagawa ng tulad-taong robot. Pero hindi biru-biro ito! “Kung tutuusin, napakasimple pang gumawa ng mga supercomputer, magtayo ng nagtataasang mga gusali, o magdisenyo ng mga siyudad kung ihahambing sa paggawa ng isang robot na parang tao kung gumalaw, may artipisyal na paningin, pang-amoy, pandinig, at pandama, at halos kasintalino ng tao,” ang sabi ng babasahing Business Week.
Kuning halimbawa ang waring simpleng paggawa ng robot na nakalalakad gaya ng tao. Makalipas ang 11 taóng puspusang pagsasaliksik at pagdidisenyo nito—at pagkatapos gumugol ng milyun-milyong dolyar—naabot ng mga inhinyerong Hapones ang isang malaking pagsulong sa teknolohiya noong Setyembre 1997. Mula noon, nakagagawa na ng mga robot na nakaaakyat sa hagdan, nakatatakbo, nakasasayaw, nakapagdadala ng mga bagay gamit ang isang tray, nakapagtutulak ng cart, at nakatatayo pa ngang mag-isa kapag natumba ito sa sahig!
Paano Gagamitin ang mga Robot sa Hinaharap?
Ano ang mangyayari sa mga robot sa hinaharap? Kasalukuyang nagdidisenyo ang National Aeronautics and Space Administration ng Estados Unidos ng “robonaut,” isang robot na parang tao na gagawa ng mga delikadong trabaho sa kalawakan. Si Bill Gates, na nangunguna sa teknolohiya ng computer, ay nagsabi na posibleng “mga robot na ang makakasama ng matatanda at gaganap ng mahalagang gawain gaya ng pag-aalaga sa kanila.”
Pinapangarap din ng pamahalaan ng Hapon na sa taóng 2025, mga robot na ang magtatrabaho sa bahay, magiging tagapag-alaga sa matatanda, at katulong sa pag-aalaga ng bata. Sa taóng 2050, inaasahan naman ng mga mananaliksik na magkakaroon ng mga manlalarong robot sa isang koponan ng soccer na makatatalo sa mga kalaban nitong tao. Umaasa rin ang mga mananaliksik na sa susunod na mga dekada, makagagawa sila ng mga robot na mas matalino pa kaysa sa tao.
Gaanuman katayog ang mga prediksiyong ito, hindi lahat ay optimistiko. Hinggil sa hamong haharapin nila sa pagbuo ng gayong uri ng robot, sinabi ng isang mananaliksik sa teknolohiyang ito na si Jordan B. Pollack: “Inang Kalikasan pa rin talaga ang pinakamahusay na programmer.”
Hindi natin alam kung hanggang sa anong antas susulong ang mga robot. Gayunman, isang bagay ang tiyak: Hindi kailanman mapapantayan ng mga robot ang karunungan ng tao, ni makapagpapakita man ang mga ito ng mga katangiang gaya ng pag-ibig at katarungan. Bakit? Dahil maliwanag na sinasabi sa Bibliya na hindi gaya ng ibang nabubuhay na nilalang, tao lamang ang tanging nilikha ayon sa larawan ng Diyos. (Genesis 1:27) Ang mga tao ay hindi mga makinang walang isip at damdamin. Taglay nila ang kalayaang magpasiya—may sariling pag-iisip at kakayahang sumamba sa Diyos. Ang pagkaalam sana nito ay lalong magpalapít sa iyo sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova!—Santiago 4:8.
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
Courtesy Aaron Edsinger
Courtesy OC Robotics
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Courtesy AIST
© 2008 Intuitive Surgical, Inc.
Courtesy iRobot Corp.
[Picture Credit Lines sa pahina 18]
Itaas: NASA/JPL-Solar System Visualization Team; kaliwa: NASA/JPL/Cornell University
© The RoboCup Federation
Greg McFall/NOAA/Gray’s Reef National Marine Sanctuary
[Picture Credit Line sa pahina 19]
© 2007 American Honda Motor Co., Inc.