Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinulungan Ako ng Diyos na Mapagtagumpayan ang mga Pagsubok

Tinulungan Ako ng Diyos na Mapagtagumpayan ang mga Pagsubok

 Tinulungan Ako ng Diyos na Mapagtagumpayan ang mga Pagsubok

Ayon sa salaysay ni Vazir Asanov

Dali-dali akong bumangon, itinali ang Bibliya sa baywang ko, at nagbihis. Bago ako tumalon sa bintana, naglagay ako ng mga damit sa kama at tinakpan ito ng kumot para hindi mahalatang umalis ako. Saka ako tumakbo papuntang Kingdom Hall na nananalanging sana’y tulungan ako ng Diyos. Nangyari ito noong 1991 nang 14 anyos ako.

ISINILANG ako sa isang pamilya ng mga Kurd sa isang lunsod sa timugang bahagi ng tinatawag ngayong Kazakhstan, na noon ay kabilang sa 15 republika ng Unyong Sobyet. Bata pa lang ako ay sinasabihan na ako ng mga magulang at kamag-anak ko na puwede akong maging lider at tagapagpalaya ng aking mga kababayan. Napoot ako sa mga kaaway ng mga Kurd. Handa pa nga akong pumatay para matapos na ang pang-aapi sa aking mga kababayan.

Sa dulo ng dekada ng 1980, kami ni Inay at ang aking nakababatang kapatid ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Pero pinagbawalan kami ni Itay na makisama sa mga Kristiyano. Sa kabila nito, nagpatuloy ako sa pakikipag-aral. Kilala ang mga Kurd sa pagiging masunurin sa ulo ng pamilya. Mahal ko si Itay pero mahal ko rin ang mga natutuhan ko sa Bibliya.

Sinalansang Ako ng Aking Pamilya at mga Guro at Kaeskuwela

Minsan, nakita ng isang guro ang magasing Bantayan sa aking bag at isinumbong niya ako sa mga magulang ko. Sa galit ni Itay, sinuntok niya ako nang napakalakas kaya pumulandit ang dugo sa ilong ko. “Hanggang ngayon ba’y sumasama ka pa rin sa relihiyong iyan?” ang sigaw niya.

Pagkatapos noon, sinabi ni Itay na itinatakwil na niya ako bilang anak. Halos madurog ang puso ko nang marinig ko iyon! Pati mga kaklase ko, iniiwasan ako, at nilalait pa ako ng ilan sa harap ng iba. Mababang marka ang ibinigay sa akin ng mga guro ko at madalas nilang tuyain ang relihiyon ko sa harap ng klase para mapilitan akong gumaya sa kanila na walang kinikilalang Diyos.

Sa kabila ng gayong pagsalansang, sinisikap ko pa ring dumalo sa mga pagpupulong Kristiyano at ibahagi sa iba ang aking mga bagong natutuhan. Nang maglaon, nalaman ni Itay na patuloy pa rin akong nakikisama sa mga Saksi at nagbabasa ng Bibliya. Minsan isang araw ng Linggo, naghanap ako ng maidadahilan kay Itay para makaalis ng bahay at makadalo sa pulong. Pero bigla akong sinabihan ni Itay na matulog. Kabilin-bilinan niya, “Mula ngayon, tuwing Linggo, dapat natutulog ka na nang ganitong oras.” Makakatikim daw ako ng mabigat na parusa kapag hindi ako sumunod, at alam kong hindi siya nagbibiro.

Umiiyak ako habang nananalangin sa tunay na Diyos na si Jehova na sana’y palambutin niya ang puso ni Itay. Pero hindi siya nagbago. Naalaala  ko ang pang-aapi sa mga Israelita sa Ehipto. Sa ikinikilos ni Itay, para siyang si Paraon na ayaw pumayag na umalis ang mga Israelita para sumamba kay Jehova.—Exodo 5:1, 2.

Pagdedesisyon

Isang araw ng Linggo, nagpasiya akong dumalo sa pulong. Kumakabog ang dibdib ko sa labis na pag-aalala habang nakahiga sa kama at tahimik na nananalangin kay Jehova. Nang pumasok ang mga magulang ko sa kuwarto, nagkunwari akong natutulog. Tuwang-tuwa si Itay at sinabing, “Iyan ang anak ko, masunurin.” Hinalikan niya ako, at tahimik silang umalis. Ipinagpatuloy ko ang pananalangin nang taimtim.

Mga ilang sandali paglabas ng mga magulang ko sa kuwarto, dali-dali akong bumangon, kinuha ko ang sapatos sa ilalim ng kama, at tumalon sa bintana, gaya ng ikinuwento ko sa pasimula. Napakabilis lumipas ng dalawang oras na pulong, at hindi ko alam kung ano ang mangyayari pag-uwi ko sa bahay. Mabuti na lang at kahit nabisto ni Inay na mga damit ko ang nasa kama, hindi siya nagsumbong kay Itay. Pero binalaan niya ako na sa susunod ay hindi na niya ako kukunsintihin.

Noong 1992, sinabi ko sa mga magulang ko na niyayaya ako ng kaibigan ko na sumama sa pupuntahan niyang espesyal na okasyon. Ang totoo, dadalo kami sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Taraz, na mga 100 kilometro mula sa aming bahay sa Karatau. Magpapabautismo ako roon bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova. Nagpaalam ako kay Inay kung puwede akong kumuha sa kamalig ng isang timbang buto ng sunflower. Sinangag ko ang mga iyon at ibinenta sa palengke kaya nagkaroon ako ng panggastos sa pagdalo sa asamblea.

Pag-uwi ko, tinanong ako ni Itay kung nag-enjoy kami ng kaibigan ko. Sinabi kong oo. Nadama kong tinulungan ako ni Jehova dahil wala nang iba pang itinanong si Itay. Gustung-gusto ko talaga ang sinasabi sa Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”

Napalayo Ako kay Jehova

Patuloy pa rin sa pagsalansang si Itay kahit nabautismuhan na ako. Palibhasa’y nakikisama pa rin ako sa mga Saksi, ginugulpi ako ni Itay, may nakakakita man o wala. Halos araw-araw akong hinihiya at ginigipit, kaya madalas akong umiyak. Nang hiwalay na ang Kazakhstan sa Unyong Sobyet, inengganyo ako ng mga magulang ko at mga kamag-anak na pumasok sa pulitika para makatulong ako sa mga kababayan namin. Ayaw nilang palampasin ko ang oportunidad.

Naging sikat na manlalaro ang kuya ko at palaging sinasabi ni Itay na gayahin ko siya. Sa pagtatapos ng 1994, pinasok ko na rin ang isport. Nananalo ako at hinahangaan dahil sa husay ko sa soccer at gymnastics. Nag-aral din ako ng abogasya para maipagtanggol ko ang karapatan ng mga Kurd. Naging interesado rin ako sa pulitika at naisip ko pang bumuo ng isang partido ng mga kabataang Kurd. Pinupuri na ako ngayon ni Itay.

“Panalo Po Kayo, Itay”

Lalo pa akong napalayo kay Jehova at tinigilan ko na ang pagbabasa ng Bibliya at pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Inisip ko na lang na muli akong maglilingkod kay Jehova kapag nasa hustong gulang na ako. Minsan, tinanong ako ni Itay kung nakikisama pa ako sa mga Saksi ni Jehova. “Hindi na po. Panalo po kayo, Itay,” ang sabi ko. “Masaya na po ba kayo?” Nang marinig ito ni Itay, napakasaya niya. Tuwang-tuwa niyang sinabi, “Itinuturing na uli kitang anak!”

 Sa loob ng dalawang taon, hindi ako nakadalo sa mga pulong, kahit gusto ko kung minsan. Nauunahan kasi ako ng hiya. Inisip kong hindi ako maiintindihan ng mga kapatid sa kongregasyon.

Pero alam ko na wala nang iba pang mahalagang bagay kaysa sa maglingkod kay Jehova. ‘Tutal, mahal ko naman si Jehova!’ Ito na lang ang lagi kong sinasabi sa sarili ko. Pagkatapos, pinilit ako ni Itay na mag-aral sa isang unibersidad. Pumayag na rin ako at nangako pang magtatapos ako na may honor. Pero sa loob-loob ko, pagdating ko sa unibersidad sa Almaty, isang malaki at modernong lunsod sa timugang Kazakhstan, hahanapin ko ang mga Saksi.

Nakatutuwang mga Pagbabago

Di-nagtagal, nang nag-aaral na ako sa Almaty, may nakasalubong akong mga Saksi na nangangaral sa kalye. Nilapitan nila ako at tinanong, “Sa tingin mo, sino ang namamahala sa daigdig?”

“Si Satanas na Diyablo,” ang sagot ko, “ang kaaway ni Jehova at ng lahat ng tao.” (2 Corinto 4:3, 4) Sinabi ko na bautisado akong Saksi ni Jehova pero naging di-aktibo.

Sa dulo ng 1996, muli akong nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Pagkatapos ng ilang pag-aaral, bumalik ang sigla ko sa paglilingkod kay Jehova, at nakibahagi na ako sa lahat ng gawain ng mga Saksi sa Almaty. Noong Setyembre 1997, naglingkod ako bilang isang payunir, o buong-panahong ministro.

Pagkalipas ng isang taon, dinalaw ako ni Itay. Sinalubong ko siya at niyakap. Humingi siya ng tawad sa lahat ng ginawa niya sa akin. Sinabi niya na hindi niya lang ako naunawaan pati ang relihiyon ko. “Mahal na mahal kita, Itay,” ang sabi ko.

Tuwang-tuwa ako nang tumanggap si Itay ng literatura sa Bibliya at humiling pa ng isang kopya ng Bibliya. Gusto raw niyang basahin ang buong Bibliya! Makalipas ang isang taon, dinalaw niya ulit ako. Sa pagkakataong ito, kasama niya si Inay. Nang dumalo sila sa Kingdom Hall, nilapitan sila ng mga kapatid na iba’t iba ang lahi para makipagkilala sa kanila. Naantig nang husto si Itay kaya mula noon ay interesadung-interesado na siyang magbasa ng mga literatura ng mga Saksi.

Saganang Pagpapala

Noong Setyembre 2001, pinakasalan ko ang isang napakabait na babaing Ruso na si Yelena. Isa siyang bautisadong Saksi mula pa noong 1997 at nagsimulang magpayunir noong Mayo 2003. Tuwang-tuwa kami nang malaman naming nakikipag-aral na ng Bibliya sa mga Saksi ang aking mga magulang at napapalapít na sila kay Jehova. Ang totoo, hindi ako makapaniwala hangga’t hindi ko ito naririnig mismo kay Itay. Nag-usap kami ni Itay sa telepono at sinabi niya sa akin na si Jehova ang tanging tunay na Diyos!

Napakasaya ko dahil nagkaroon ako ng pagkakataon sa Almaty na magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga tao mula sa iba’t ibang bansa, tulad ng Iran, Pakistan, Sirya, Tsina, at Turkey. Kamakailan, may isang paring taga-Iran na humiling sa akin na tulungan ko siyang mag-aral ng Bibliya sa kaniyang katutubong wikang Persiano. Isang dating heneral sa Afghanistan ang tuwang-tuwa sa kaniyang mga natututuhan tungkol kay Jehova. Natuwa rin akong magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang taga-Sirya gamit ang aking katutubong wikang Kurdish, at sa iba pang tao sa wikang Kazakh at Ruso, mga wikang alam ko mula pa sa pagkabata.

Patuloy kami ngayong naglilingkod ni Yelena sa isang kongregasyon na gumagamit ng wikang Kazakh—isa sa mahigit 35 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Almaty. Noong nakaraang taon, nagkapribilehiyo kami ni Yelena na pansamantalang maglingkod sa katatayo lamang na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova malapit sa Almaty.

Dati tinuruan akong mapoot, pero tinuruan ako ni Jehova na umibig. Kumbinsido ako na hindi tayo dapat tumigil sa paglilingkod sa Diyos na Jehova, kahit gipitin pa tayo ng ating mga kamag-anak at mga kaibigan na mabuti naman ang intensiyon. (Galacia 6:9) Ngayon, napakasaya ko dahil kaming mag-asawa ay “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”—1 Corinto 15:58.

[Blurb sa pahina 13]

Binalaan ako ni Inay na sa susunod ay hindi na niya ako kukunsintihin

 [Larawan sa pahina 15]

Ang Kingdom Hall sa Karatau, na dinadaluhan ko noong tin-edyer ako

[Larawan sa pahina 15]

Ang aking mga magulang, na hindi na ngayon salansang sa ating gawain

[Larawan sa pahina 15]

Araw ng kasal namin ni Yelena

[Larawan sa pahina 15]

Kasama si Yelena, sa bagong tanggapang pansangay malapit sa Almaty