Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Ko Makakayanan ang Tensiyon sa Paaralan?
“Hindi nababawasan ang tensiyon sa iskul dahil lamang sa lumalaki ka na—nagbabago lang ang mga pinagmumulan nito.”—James, New Zealand. *
“Natetensiyon ako nang husto sa iskul, kaya madalas, parang gusto kong umiyak at sumigaw.”—Sharon, Estados Unidos.
PAKIRAMDAM mo ba kung minsan ay hindi naiintindihan ng mga magulang mo ang tindi ng tensiyong nararanasan mo sa paaralan? Totoo, baka sabihin nila sa iyo na wala ka namang bayarin sa bangko, pinakakaing pamilya, o pinaglilingkurang amo. Pero para sa iyo, ang tensiyong pinagdaraanan mo sa paaralan ay kasintindi ng tensiyong nararanasan ng mga magulang mo—o baka mas matindi pa nga.
Baka biyahe pa lang papunta sa paaralan at pauwi, nakakatensiyon na. “Madalas, may nag-aaway sa school bus,” ang sabi ni Tara, na nakatira sa Estados Unidos. “Ihihinto ng drayber ang bus, at pabababain kaming lahat. Nahuhuli tuloy kami nang kalahating oras o higit pa.”
Wala na bang tensiyon pagdating sa paaralan? Mayroon pa rin! Marahil sasang-ayon ka sa mga komento sa ibaba.
Tensiyong dulot ng mga titser.
“Gusto ng mga titser ko na manguna ako at makakuha ng pinakamataas na grade sa klase, kaya pinipilit ko namang gawin ang lahat para matuwa sila.”—Sandra, Fiji.
“Ginigipit ng mga titser ang mga estudyante na mag-aral nang todo para maging magaling sila sa klase, lalo na kung matalino ang estudyante. Pinipilit kami ng mga titser na magpursigi.”—April, Estados Unidos.
“Kahit na mayroon kang kapaki-pakinabang na mga tunguhin sa buhay, ipaparamdam sa iyo ng ilang titser na wala kang silbi kapag wala kang matataas na tunguhin sa pag-aaral na iniisip nilang dapat mong abutin.”—Naomi, Estados Unidos.
Ano ang epekto sa iyo ng tensiyong dulot ng mga titser?
․․․․․
Tensiyong dulot ng mga kaeskuwela.
“Sa haiskul, mas malaya at palabán ang mga kabataan. Kung hindi mo sila sasabayan, hindi ka nila magugustuhan.”—Kevin, Estados Unidos.
“Araw-araw, nariyan ang tukso na uminom at makipag-sex. Kung minsan, ang hirap magpigil ng sarili.”—Aaron, New Zealand.
“Ngayong 12 taóng gulang na ako, natetensiyon ako nang husto dahil sa panggigipit na makipag-date. Lahat sa iskul ay nagsasabi sa akin, ‘Hanggang ngayon ba wala ka pang boyfriend?’”—Alexandria, Estados Unidos.
“May pumipilit sa akin noon na makipag-date. Nang tumanggi ako, binansagan akong tomboy. Eh, sampung taóng gulang pa lang ako noon!”—Christa, Australia.
Ano ang epekto sa iyo ng tensiyong dulot ng mga kaeskuwela?
․․․․․
Tensiyon sa magiging reaksiyon ng mga kaeskuwela mo sa iyong relihiyosong mga paniniwala.
“Ang hirap sabihin sa iba ng iyong relihiyosong mga paniniwala dahil hindi mo alam kung ano ang magiging tingin nila sa iyo pagkatapos. Nag-aalala ka dahil baka isipin nilang kakaiba ka.”—Carol, Hawaii.
“Sa middle school [ikalima hanggang ikawalong grado] at haiskul, nagdodroga, nakikipag-sex, at umiinom na ang mga kabataan. Talagang nakakatensiyon, kasi ayaw mong pagtawanan ka ng ibang kabataan dahil sumusunod ka sa mga pamantayan ng Bibliya.”—Susan, Estados Unidos.
Ano ang epekto sa iyo ng sinasabi ng iba tungkol sa iyong relihiyosong mga paniniwala?
․․․․․
Iba pang bagay na nakakatensiyon.
Lagyan ng tsek kung alin ang masyadong nakakatensiyon sa iyo—o isulat sa patlang ang iyong sagot.
- Nalalapit na exam
- Takdang-aralin
- Mataas na inaasahan ng mga magulang
- Pagpupursiging abutin ang matataas mong tunguhin
- Mga siga o nambabastos
- Iba pa ․․․․․
Limang Hakbang Para Mabawasan ang Tensiyon
Natural lamang na makaranas ka ng tensiyon samantalang nag-aaral ka. Subalit nakababalisa ang mga ito kung sobra-sobra na. Isinulat ng matalinong haring si Solomon: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito.” (Kawikaan 12:25a) Pero may magagawa ka para hindi ka maapektuhan nang husto. Kailangang matutuhan mo kung paano haharapin ang tensiyon sa tamang paraan.
Ang pagharap sa tensiyon ay gaya ng pagbubuhat ng barbel. Para magtagumpay ang isang weight lifter, kailangan niya ng wastong paghahanda. May tamang pamamaraan siya at hindi siya nagbubuhat ng sobrang bigat na barbel. Kung ganito ang gagawin niya, mapalalakas niya ang kaniyang kalamnan nang hindi napipinsala ang kaniyang katawan. Pero kung hindi tama ang pamamaraan niya, baka mapunit ang kaniyang kalamnan o mabalian pa nga siya ng buto.
Kaya mo ring harapin ang tensiyon at tapusin ang mga bagay na kailangan mong gawin nang hindi nagdudulot ng pinsala sa iyong sarili. Paano? Subukan ang sumusunod na mga hakbang:
- Alamin ang espesipikong mga pinagmumulan ng tensiyon. “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli,” ang sabi ng isang praktikal na kawikaan. (Kawikaan 22:3) Pero maikukubli mo lamang ang iyong sarili mula sa nakababalisang tensiyon, kung aalamin mo muna ang pinagmumulan nito. Kaya balikan ang mga komentong isinulat mo kanina. Alin sa mga pinagmumulan ng tensiyon ang nakaaapekto sa iyo nang husto?
- Magsaliksik. Halimbawa, kung natetensiyon ka sa santambak na takdang-aralin, basahin ang mga mungkahi sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong—Paano Ako Makasusumpong ng Panahon Para Gawin ang Aking Araling-Bahay?” na inilathala sa Gumising!, isyu ng Enero 22, 2004. Kung pinipilit ka naman ng kaeskuwela mo na gumawa ng imoralidad, may praktikal na mga payo sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong—Paano Kung Niyayaya Akong ‘Makipag-Hook Up’?” na inilathala sa Gumising!, isyu ng Marso 2007.
- Planuhin ang iyong sagot. Kung natetensiyon ka sa magiging reaksiyon ng mga kaeskuwela mo kapag nalaman nila ang iyong relihiyosong mga paniniwala, pag-isipan mo na agad ang sasabihin o gagawin mo bago pa sila magtanong tungkol dito. (Kawikaan 29:25) “Nakatulong sa akin ang paghahanda bago pa ako tanungin. Napag-isipan ko na kung paano ko ipaliliwanag ang aking mga paniniwala,” ang sabi ng 18-taóng-gulang na si Kelsey. Ganiyan din ang ginawa ng 18-taóng-gulang na si Aaron na taga-Belgium. “Iniisip ko na kung ano ang posibleng itanong sa akin, at pinaghahandaan ko rin ang isasagot ko,” ang sabi niya. “Kung hindi ko ginawa iyon, hindi ako magkakalakas-loob na magsalita tungkol sa aking paniniwala.”
- Huwag ipagpabukas ang mga gagawin mo. Karaniwan na, hindi mawawala ang mga problema kung basta mo lang ipagwawalang-bahala ang mga ito. Lalala pa nga ito, at lalo ka lang matetensiyon. Kung isa kang Saksi ni Jehova, proteksiyon sa iyo kung sasabihin mo na agad sa iba kung ano ang relihiyon mo. Ganito ang sinabi ni Marchet, na 20 taóng gulang na ngayon: “Simula pa lang ng pasukán, ipinakikipag-usap ko na agad ang ilang paksa na alam kong magbibigay sa akin ng pagkakataon na ipaliwanag ang sinusunod kong mga pamantayan sa Bibliya. Lalo lang akong nahihirapan kapag hindi ko agad sinasabing Saksi ako. Malaking tulong talaga ang pagsasabi sa iba ng aking mga paniniwala at ang pamumuhay ayon dito.”
- Humingi ng tulong. Kahit ang pinakamalakas na weight lifter ay may limitasyon. Ganiyan ka rin. Pero hindi mo kailangang buhating mag-isa ang pasanin. (Galacia 6:2) Subukan mong makipag-usap sa iyong mga magulang at sa iba pang may-gulang na Kristiyano. Ipakita mo sa kanila ang mga sagot na isinulat mo sa naunang mga pahina. Ipakipag-usap mo sa kanila kung paano ka nila matutulungang harapin ang nararamdaman mong tensiyon. Si Liz, na taga-Ireland, ay nagsabi sa kaniyang tatay na natatakot siyang makantiyawan dahil sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala. “Araw-araw,” ang sabi ni Liz, “nananalangin muna kami ni Itay bago niya ako iwan sa iskul. Nakakatulong ito para mawala ang kaba ko.”
Tensiyon—Nakakatulong?
Baka hindi ka maniwala, pero maganda rin na nakadarama ka ng tensiyon. Bakit? Maaaring indikasyon ito na masikap ka at hindi manhid ang iyong budhi. Pansinin kung paano inilalarawan ng Bibliya ang isang tao na parang walang anumang nadaramang tensiyon: “Ikaw na tamad, hanggang kailan ka pa hihiga? Kailan ka babangon mula sa iyong pagkakatulog? Kaunti pang tulog, kaunti pang idlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay sa pagkakahiga, at ang iyong karalitaan ay tiyak na darating na tulad ng isang mandarambong.”—Kawikaan 6:9-11.
Maganda ang naging komento ni Heidi na 16 na taóng gulang. Sinabi niya, “Baka ayaw na ayaw mo sa iskul, pero ang mga panggigipit na nararanasan mo rito ang siya ring mararanasan mo sa trabaho.” Totoong mahirap matensiyon, pero kung haharapin mo ito sa tamang paraan, hindi ito makakasamâ sa iyo. Sa katunayan, mapatatatag ka nito.
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
PAG-ISIPAN
- Ano ang mga palatandaan na natetensiyon ka na?
- Bakit lalo ka lang matetensiyon kung perpeksiyonista ka?
- Kanino ka puwedeng makipag-usap kung masyado ka nang natetensiyon?