Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Anyo at mga Katangian ng Diyos?

Ano ang Anyo at mga Katangian ng Diyos?

 Ang Pangmalas ng Bibliya

Ano ang Anyo at mga Katangian ng Diyos?

“ANG Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan,” ang paliwanag ng Bibliya. Ipinakikita ng tekstong ito ang isang saligang katotohanan hinggil sa anyo ng Diyos—isa siyang espiritu! (Juan 4:19-24) Magkagayunman, inilalarawan siya ng Bibliya bilang isang persona, isang indibiduwal. Jehova ang kaniyang pangalan.—Awit 83:18.

Nalilito ang ilang mambabasa ng Bibliya kung ano nga ba ang anyo ng Diyos. Yamang ang Diyos ay isang di-nakikitang espiritu at wala siyang pisikal na katawan, bakit maraming teksto sa Bibliya ang nagpapahiwatig na ang Diyos ay may mata, tainga, ilong, puso, bisig, kamay, daliri, at paa? * Iniisip ng ilan na may katawang-tao ang Diyos sapagkat sinasabi ng Bibliya na ang tao ay nilalang ayon sa kaniyang larawan. Maliliwanagan tayo kung susuriin nating mabuti ang sinasabi ng Bibliya.—Genesis 1:26.

Bakit Inilalarawan ang Diyos na Waring May Anyo at Katangian ng Tao?

Para matulungan ang mga tao na maunawaan ang anyo ng Diyos, ginabayan ng Diyos ang mga manunulat ng Bibliya upang ilarawan ang Makapangyarihan-sa-lahat na waring may anyo at mga katangian ng tao. Ang tawag ng mga iskolar sa mga terminong iyon ay anthropomorphic, na nangangahulugang “inilarawan o inakalang may anyo o katangian ng tao.” Ipinakikita ng mga terminong ito ang limitasyon ng wika ng tao sa paglalarawan sa tunay na Diyos, si Jehova. Ginamit ang mga terminong ito upang ilarawan ang pinakamahahalagang aspekto ng anyo at mga katangian ng Diyos sa paraang mauunawaan ng tao. Hindi natin ituturing na literal ang mga terminong ito, kung paanong hindi rin natin ituturing na literal ang pagtukoy ng Bibliya sa Diyos bilang “ang Bato,” “araw,” o “kalasag.”—Deuteronomio 32:4; Awit 84:11.

Sa katulad na paraan, upang ipakita na ang mga tao sa paanuman ay may mga katangiang gaya ng taglay ni Jehova sa sukdulang antas, sinasabi ng Bibliya na nilalang ang tao ayon sa larawan ng Diyos. Maliwanag na hindi ito nangangahulugang ang mga tao ay mga espiritu o na ang Diyos ay may katawang-tao.

Lalaki ba o Babae ang Diyos?

Kung paanong ang paglalarawan sa Diyos na waring may anyo at mga katangian ng tao ay hindi  dapat unawain nang literal, ang paggamit ng kasariang panlalaki para ilarawan ang Diyos ay hindi rin dapat unawain nang literal. Ang mga terminong ginagamit sa pag-uuri ng kasarian ay para lamang sa pisikal na mga nilalang at nagpapakita na limitado ang wika ng tao, anupat hindi nito lubusang mailalarawan ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova.

Ang pagtukoy ng Bibliya sa Diyos bilang “Ama” ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang ating Maylalang ay katulad ng isang maibigin, mapagsanggalang, at mapagmalasakit na taong ama. (Mateo 6:9) Hindi ito nangangahulugan na maaari nating sabihing lalaki o babae ang Diyos, pati na ang iba pang espiritung mga nilalang sa langit. Wala silang kasarian. Kapansin-pansin, ipinahihiwatig ng Bibliya na ang mga tinawag upang maging mga kasamang tagapagmana ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian ay wala nang kasarian kapag niluwalhati na sila bilang mga espiritung anak ng Diyos. Ipinaalaala sa kanila ni apostol Pablo na “walang lalaki ni babae man” sa kanila kapag niluwalhati na sila bilang espiritung mga anak ng Diyos. Makasagisag din silang inilalarawan bilang “kasintahang babae” ng Kordero, si Jesu-Kristo. Ipinakikita ng lahat ng ito na ang paglalarawan sa Diyos—pati na sa kaniyang bugtong na Anak, si Jesus, at sa iba pang mga espiritung nilalang—na waring mayroon silang anyo at mga katangian ng tao, ay hindi dapat unawain nang literal.—Galacia 3:26, 28; Apocalipsis 21:9; 1 Juan 3:1, 2.

Palibhasa’y nauunawaan ang papel ng lalaki, kasariang panlalaki ang ginamit ng mga manunulat ng Bibliya sa pagtukoy sa Diyos. Alam nila na ang isang lalaking sumusunod sa mga simulain ng Diyos ay angkop na paglalarawan sa maibigin at makaamang pagmamalasakit ni Jehova sa kaniyang mga anak sa lupa.—Malakias 3:17; Mateo 5:45; Lucas 11:11-13.

Ang Pangunahing Katangian ng Diyos

Bagaman isang espiritu, ang kataas-taasang Soberano ay hindi manhid, nababalot ng misteryo, o malihim. Kahit hindi siya nakikita, ang matuwid-pusong mga tao ay maaaring matuto hinggil sa kaniyang pag-ibig, kapangyarihan, karunungan, at katarungan, na bahagi ng kaniyang mga katangian at kitang-kita sa paglalang.—Roma 1:19-21.

Subalit ang personalidad ng Diyos ay maaaring ibuod sa kaniyang pangunahing katangian, ang pag-ibig. Namumukod-tangi ang kaniyang pag-ibig, kaya sinasabing siya ang personipikasyon ng katangiang ito. (1 Juan 4:8) Saklaw ng katangiang ito ang iba pa niyang mga katangian, gaya pagiging maawain, mapagpatawad, at pagkakaroon ng mahabang pagtitiis. (Exodo 34:6; Awit 103:8-14; Isaias 55:7; Roma 5:8) Tunay ngang si Jehova ay isang Diyos ng pag-ibig na nag-aanyaya sa atin na maging malapít sa kaniya.—Juan 4:23.

[Talababa]

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

▪ Ano ang pangalan ng Diyos?—Awit 83:18.

▪ Saan natin makikita ang mga katangian ng Diyos?—Roma 1:19-21.

▪ Ano ang pangunahing katangian ng Diyos?—1 Juan 4:8.