Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos”

“Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos”

  “Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos”

na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova

▪ DAAN-DAAN sa tatlong-araw na kombensiyong ito, na nagsimula sa Estados Unidos noong dulong sanlinggo ng Mayo 23-25, ang ginanap sa daan-daang lunsod sa buong daigdig. Noong 2007, mahigit 12 milyon ang dumalo sa mahigit 3,200 kombensiyong ito!

Sa taóng ito sa Pilipinas, ang unang dalawang araw ng mga sesyon ay pasisimulan sa ganap na alas 8:20 n.u. sa pamamagitan ng musika. Ang tema sa Biyernes, salig sa Juan 16:13, ay “Ang Espiritu . . . Aakayin Niya Kayo sa Lahat ng Katotohanan.” Kabilang sa unang mga pahayag ang “Bakit Dapat Gabayan ng Espiritu ng Diyos?” at “Ang Papel ng Banal na Espiritu sa Paglalang!” Sa simposyum na “Mga Tapat Noong Una—Ginabayan ng Espiritu ng Diyos,” tatalakayin ang mga bahaging “Noong Panahon ni Moises,” “Noong Panahon ng mga Hukom,” at “Noong Unang Siglo.” Ang sesyon sa umaga ay magtatapos sa pinakatemang pahayag na “Ang Papel ng Banal na Espiritu sa Pagsasakatuparan ng Layunin ni Jehova.”

Ang unang bahagi sa Biyernes ng hapon ay “Mga Sagot sa mga Tanong Tungkol sa Banal na Espiritu,” na susundan ng mga pahayag na “Sinasaliksik ng Espiritu ang Malalalim na Bagay ng Diyos” at “Maging mga Tagapakinig at Tagatupad Kayo ng Salita ng Diyos.” Ang simposyum na “Mga Kabataan—Lumakad Ayon sa Banal na Espiritu!” ay binubuo ng mga bahaging “Sa Paaralan,” “Sa Trabaho,” “Sa Pamilya,” “Sa Kongregasyon,” “Sa Panahon ng Paglilibang at Sosyal na mga Pagtitipon,” at “Kapag Nag-iisa.” Magtatapos ang sesyon sa pamamagitan ng tampok na bahagi ng kombensiyon, ang pahayag na “Mga Kabataan—Ingatan ang Inyong Kaugnayan kay Jehova!” na siyang makatutulong sa mga kabataan para magawa iyon.

Ang tema ng programa sa Sabado ay “Naghahasik May Kinalaman sa Espiritu,” salig sa Galacia 6:8. Itatampok sa sesyon sa umaga ang tatlong-bahaging simposyum na “Pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos sa Ating Ministeryo.” Magtatapos ang sesyon sa pamamagitan ng pahayag sa bautismo, at pagkatapos nito, ang mga kuwalipikado ay babautismuhan.

Ang unang pahayag sa Sabado ng hapon, “Mga Manunulat ng Bibliya—‘Ginabayan ng Banal na Espiritu,’” ay susundan ng limang-bahaging simposyum na “Pinalalakas ng Banal na Espiritu” “Upang Malabanan ang Tukso,” “Upang Mapagtagumpayan ang Pagkapagod at Pagkasira ng Loob,” “Upang Matiis ang Pag-uusig,” “Upang Malabanan ang Nakapipinsalang Panggigipit ng Kasama,” at “Upang Mabata ang Mahihirap na Kalagayan.” Magtatapos ang araw na ito sa pamamagitan ng isa pang tampok na bahagi ng kombensiyon na “Panatilihin ang Inyong Sarili sa Pag-ibig ng Diyos.”

Ang programa sa Linggo ng umaga ay may temang “Patuloy na Lumakad Ayon sa Espiritu,” salig sa Galacia 5:16. Ang siyam-na-bahaging simposyum na “Linangin ang ‘mga Bunga ng Espiritu’” ay tumatalakay sa bawat bunga ng espiritu na binabanggit sa Galacia 5:22, 23. Magtatapos ang sesyon sa umaga sa pahayag pangmadla na “Tumanggap ng mga Pagpapala sa Pamamagitan ng Haring Ginagabayan ng Espiritu ni Jehova!” Ang tampok na bahagi ng programa sa hapon ay ang kumpleto-sa-kostiyum na dramang “Huwag Iwan ‘ang Pag-ibig na Taglay Mo Noong Una.’” Ilalarawan nito ang mga saloobin at situwasyon na malamang na naranasan ng mga Kristiyano sa pagtatapos ng unang siglo. Magtatapos ang kombensiyon sa pahayag na “Tapat na Naglilingkod Kasama ng Organisasyong Pinapatnubayan ng Espiritu ni Jehova.”

Magplano na ngayon para makadalo. Upang malaman ang lugar na pinakamalapit sa inyo, makipag-ugnayan sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.