Kapag Mailap ang Tunay na Tagumpay
Kapag Mailap ang Tunay na Tagumpay
Mahigit 20 anyos pa lamang ay sikat na sikat na siyang mang-aawit at napakayaman. Bihira lang ang gayon kasikat at kayaman sa napakabatang edad. Pero nagbago ang takbo ng buhay niya. Pagkatapos ng dalawang beses na pagkasira ng pag-aasawa, kinailangan siyang ipasok sa rehabilitation center dahil sa paglalasing at pagdodroga. Unti-unting nasira ang kaniyang buhay.
NAKALULUNGKOT, pero pangkaraniwan na lang ang istorya ng babaing ito; madalas na laman ng balita ang tungkol sa trahedyang dinaranas ng mga sikat na tao. Maging sa mas konserbatibong daigdig ng negosyo, madalas na magulo ang buhay ng mga taong mukha namang matagumpay. Hinggil sa mga bigatin sa negosyo sa New York City, ganito ang ulat ng isang pahayagan: “Ang panggigipit na kumita ay sumisira sa mga propesyon, nagwawasak ng mga pamilya at nagpapasaya sa mga nagbebenta ng droga . . . Ang ilang mga bangkero sa Wall Street ay nakadaramang napakagaling nila dahil sa tinanggap na bonus, samantalang nasisiraan naman ng loob ang iba dahil walang nangyayari sa kabila ng pagpupumilit nilang magpakitang-gilas, at sagad na sagad naman ang ilan at walang magawa.”
Ang gayon bang mga problema ay bunga ng paghahanap ng kaligayahan at tagumpay sa maling paraan? Totoo, kailangan din natin ng pera upang mabuhay. Pero nakasalalay ba sa pagkakamal ng kayamanan ang tagumpay natin sa buhay? Iba ang ipinakikita ng mga pag-aaral. Halimbawa, ipinakikita ng isang pag-aaral sa Tsina na kahit tumaas kamakailan nang 250 porsiyento ang kita, lalo lamang nawalan ng kasiyahan sa buhay ang mga tao.
Kung gayon, ang tunay na tagumpay ay nauugnay sa mga bagay na mas importante kaysa sa propesyon, mamahaling relo, sasakyan, o bahay. Hindi ba’t mas makatuwirang sukatin ang tagumpay ayon sa buong pagkatao ng isa, kabilang na ang kaniyang mga prinsipyo at layunin sa buhay? Halimbawa, maaaring matalino at maimpluwensiya ang isang tao, pero wala naman siyang sinusunod na pamantayang moral at salat siya sa pag-ibig at tunay na mga kaibigan. Ang iba naman ay maaaring sikat at mayaman pero nagtatanong, ‘Para saan ang lahat ng ito? Ano ang kabuluhan ng buhay ko?’
Samakatuwid, ang buhay ng mga tunay na matagumpay ay nakasentro sa mas mahalagang bagay, at mayroon silang sinusunod na wastong mga prinsipyo. Kaya nakadarama sila ng kapanatagan at paggalang sa sarili, at iginagalang din sila ng iba. Mayroon din silang layunin sa buhay na higit pa sa pansariling kapakanan at siyang nagbibigay ng kahulugan at kasiyahan sa buhay. ‘Anong mga prinsipyo?’ baka itanong ng ilan. ‘At anong layunin?’ Tayo ba ang makasasagot sa mga tanong na iyan, o kailangan nating magsaliksik? Tatalakayin sa kasunod na mga artikulo ang mga bagay na iyan.
[Kahon sa pahina 3]
PILIPIT NA PANANAW SA TAGUMPAY
Ayon sa mga mananaliksik sa medisina, dumarami ang mga kabataang atleta na sa kagustuhang makilala sa isport ay umiinom ng mga droga na pampahusay sa kakayahan pero posibleng makasamâ sa kalusugan. Ganito ang ulat ng Education Update na mababasa sa Internet: “Nang tanungin ang mga estudyante sa kolehiyo sa isang surbey kamakailan: ‘Kung alam mong mananalo ka o mapapasok sa isang team kung gagamit ka ng steroid, pero magkakasakit ka naman pagkalipas ng limang taon, iinom ka pa ba nito?,’ oo ang sagot ng halos lahat. Nang baguhin ang tanong, ‘kung alam mong hindi ka na aabutin ng limang taon,’ 65 porsiyento pa rin ang sumagot ng oo.”