Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Sumusuot sa Butas ng Karayom’

‘Sumusuot sa Butas ng Karayom’

 ‘Sumusuot sa Butas ng Karayom’

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

NANG matuklasan ng mga manggagalugad na Britano ang Kipot ng Bass noong 1798, tuwang-tuwa ang mga opisyal ng mga sasakyang pandagat. Dahil sa lagusang ito na nasa pagitan ng islang estado ng Tasmania at ng pinakakontinente ng Australia, nabawasan nang 1,100 kilometro ang haba ng paglalayag mula Inglatera hanggang sa Sydney.

Pero ang Kipot ng Bass ay isa sa pinakamapanganib na ruta sa dagat sa buong daigdig. Ang mga buhawi mula sa kanluran, malalakas na agos, at mababaw na katubigan na mga 50 hanggang 70 metro ang lalim ay lumilikha ng malalaking alon kaya napakahirap maglayag dito. Mapanganib din ang matutulis na bahura sa Isla ng King na nasa gitna ng kipot sa gawing kanlurang pasukan nito.

Sa ngayon, hindi na mahirap ang pagdaan sa Kipot ng Bass. Pero noong de-layag pa ang mga barko at sinauna ang mga instrumentong ginagamit sa paglalayag, ibang-iba ang kalagayan. Talagang nakakanerbiyos ang paglalayag sa pasukan ng kipot sa gawing kanluran, anupat bagay na bagay sa paglalarawang ‘sumusuot sa butas ng karayom.’

Paglalayag sa Great Circle Route

Noong unang mga taon ng ika-19 na siglo, inaabot nang limang buwan ang 19,000-kilometrong paglalakbay mula Inglatera hanggang sa silangang Australia, at napakahirap ng paglalayag! Karaniwan na, ang daan-daang pasahero—karamihan ay mga mandarayuhan at bilanggo—ay nagsisiksikan sa ibaba ng kubyerta at kaawa-awa ang kanilang kalagayan. Marami ang naliliyo, kulang sa pagkain, at nagkakasakit, at nagkalat ang pesteng mga hayop. Madalas na may namamatay sa panahon ng paglalakbay. * Sa kabila nito, masigla at malakas pa rin ang loob ng maraming pasahero dahil sa pag-asang magkakaroon sila ng mas maalwang buhay.

Noong 1852, bumuti-buti ang kalagayan nang matuklasan ni Kapitan James (Bully) Forbes ang isang mas maikling ruta. Sa halip na dumaan sa 39th parallel, na inakala noong pinakamaikling ruta na bumabagtas sa gawing timog ng Karagatang Indian patungong Australia, tinahak ni Forbes ang great circle route mula Inglatera hanggang sa timog-silangang Australia, na dadaan sa dulong timog, sa direksiyon ng Antartiko. * Kahit na may mga iceberg at malalaking alon, ang barko ni Forbes na Marco Polo, na may sakay na 701 mandarayuhan, ay nakadaong sa Melbourne, Victoria, makalipas ang 68 araw lamang, na halos kalahati ng dating tagal ng paglalakbay. Tiyempung-tiyempo ang pagkakatuklas sa rutang ito sapagkat marami ang humuhugos sa Victoria para maghanap ng ginto. Nang mapabalita na mas maigsi na ang ruta, maraming tao na interesadong magmina ng ginto ang gusto nang pumunta sa Australia.

 Pagkaalis ng mga barko sa Inglatera, ang susunod nilang daungan ay ang Cape Otway, na mga 16,000 kilometro ang layo. Gumagamit ang mga manlalayag ng sextant at ng mga tsart para makalkula ang latitud. Chronometer naman, o orasan sa barko, na nakaayon sa Greenwich Mean Time, ang ginagamit nila para matukoy ang longhitud. Nalalaman nila ang oras sa isang partikular na lugar batay sa posisyon ng araw. Ang bawat isang oras na diperensiya sa oras ng isang partikular na lugar at ng Greenwich time ay katumbas ng 15 digri ng longhitud. Sa tulong ng dalawang sukat na ito—latitud at longhitud—halos eksaktong natutukoy ng isang mahusay na manlalayag ang kaniyang lokasyon.

Pero maaaring magkaroon ng aberya. Kumukulimlim kung minsan nang ilang araw. At pumapalya rin ang mga chronometer noon. Mahuli o mauna lang ito nang isang segundo bawat araw sa loob ng tatlong buwan, maaaring malihis ang barko nang hanggang 50 kilometro. Kapag nalihis ang barko dahil sa ulan, ulap, at dilim, maaaring hindi nito matumbok ang pasukan ng Kipot ng Bass at sumalpok sa mabatong baybayin ng Victoria o ng Isla ng King. Malamang na nasasabi rin ng maraming manlalakbay ang naibulalas ng isang kapitan nang matanaw na niya ang Cape Otway: “Salamat sa Diyos! Hindi tayo sumablay.” Patunay ito sa galíng ng mga marino noong ika-19 na siglo na karamihan ay matagumpay na ‘nakasuot sa butas ng karayom.’ Pero may ilang barko na dumanas ng trahedya.

Ang Sinapit ng Isang Barko

Hunyo 1, 1878, bago magbukang-liwayway, ang mabilis na barkong Loch Ard na patungo sa baybayin ng Victoria ay napasuong sa makapal na ulap. Isang araw nang maulap, kaya hindi natukoy ng kapitan ang kaniyang eksaktong lokasyon. Akala niya, malayo pa sila sa baybayin ng pinakakontinente ng Australia. Pero nang biglang umaliwalas, tumambad sa kanilang paningin ang matatarik na dalisdis, na 90 metro ang taas at dalawang kilometro na lamang ang layo. Nataranta ang mga tauhan ng barko sa pagmamaneobra, pero wala rin silang nagawa dahil sa lakas ng hangin at agos ng tubig. Wala pang isang oras, sumalpok ang Loch Ard sa bahura, at lumubog makalipas ang 15 minuto.

Sa 54 na sakay ng barko, dalawa lamang ang nakaligtas—ang baguhang marino na si Tom Pearce at ang pasaherong si Eva Carmichael, na parehong wala pang 20 taóng gulang. Kung ilang oras na kumapit si Tom sa tumaob na lifeboat sa napakalamig na tubig. Sa wakas, naanod siya sa makitid na libis sa pagitan ng mga dalisdis. Mula roon, nilangoy niya ang natanaw niyang maliit na dalampasigan kung saan nagkalat ang mga labí ng nawasak na barko. Si Eva naman ay hindi marunong lumangoy, kaya mga apat na oras siyang kumapit sa palutang-lutang na parte ng nawasak na barko, hanggang sa maanod din siya sa libis kung saan napadpad si Tom. Nang matanaw niya si Tom sa dalampasigan, humingi siya ng saklolo. Lumangoy si Tom at isang oras na sinagupa ang mga alon hanggang sa masagip niya ang halos wala nang malay na si Eva patungong dalampasigan. Ganito ang kuwento ni Eva: “Dinala niya ako sa isang nakatatakot na kuweba na mahigit 50 metro ang layo mula sa dalampasigan, at nang makakita siya ng isang case ng brandi, binuksan niya ang isang bote at pinainom ako nang kaunti kaya ako nahimasmasan. Kumuha siya ng mahahabang damo at palumpong na mahihigan ko. Mayamaya, nawalan ako ng malay, at kung ilang oras din siguro ’yon.” Samantala, umakyat si Tom sa dalisdis at humingi ng saklolo. Wala pang 24 na oras mula nang lumubog ang Loch Ard, nadala na sa ligtas na lugar sina Tom at Eva. Namatay ang mga magulang ni Eva pati na ang lahat niyang kapatid—tatlong lalaki at dalawang babae—sa trahedyang iyon.

Sa ngayon, libu-libong sasakyang pandagat, malalaki at maliliit, ang ligtas na bumabagtas sa Kipot ng Bass bawat taon. Sa rutang iyon, maaaring madaanan ang mahigit sandaang kompirmadong nawasak na mga barko. Ang ilan sa mga lugar kung saan nawasak ang mga barko, gaya ng  Loch Ard Gorge sa Port Campbell National Park, sa Victoria, ay dinarayo ng mga turista. Ang mga lugar na ito ay nagpapaalaala rin sa atin sa mga taong malalakas ang loob noong ika-19 na siglo, na matapos lakbayin ang halos kalahati ng daigdig, ay sumuong sa mapanganib na huling bahagi ng paglalayag—ang “butas ng karayom”—sa paghahanap ng mas maalwang buhay.

[Mga Talababa]

^ par. 7 Noong 1852, 1 sa bawat 5 batang 12 buwan pababa ang namatay sa paglalakbay mula Inglatera hanggang Australia.

^ par. 8 Ang great circle ay ang pinakamaikling distansiyang makukuha sa pagitan ng dalawang lugar sa globo kung babatakin ang isang panali mula sa dalawang lokasyong iyon.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 17]

KUMUSTA NA SINA TOM AT EVA?

Biglang sumikat sa Australia sina Tom Pearce at Eva Carmichael, ang tanging mga nakaligtas sa lumubog na barkong Loch Ard. “Pinaganda ng mga pahayagan ang kuwento tungkol sa lumubog na barko, tinagurian nitong bayani si Pearce, si Eva Carmichael naman bilang magandang binibini at waring sinasabing sila ang dapat na magkatuluyan,” ang sabi ng aklat na Cape Otway—Coast of Secrets. Nag-alok ng kasal si Tom, pero tumanggi si Eva at makalipas ang tatlong buwan ay nagbalik si Eva sa Ireland. Nakapag-asawa siya roon at nagkaroon ng sariling pamilya. Namatay siya noong 1934 sa edad na 73. Si Tom ay bumalik sa kaniyang trabaho sa barko, subalit di-nagtagal, nawasak na naman ang barkong sinasakyan niya. Muli siyang nakaligtas. Matapos magtrabaho nang maraming taon bilang kapitan ng barko, namatay siya noong 1909 sa edad na 50.

[Credit Line]

Both photos: Flagstaff Hill Maritime Village, Warrnambool

[Dayagram/Larawan sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Naglayag si Forbes sakay ng “Marco Polo” (itaas) mula Inglatera hanggang Australia, na binabagtas ang mas maigsing “great circle route”

[Dayagram]

DATING RUTA

39th parallel

GREAT CIRCLE ROUTE

Antarctic Circle

[Mapa]

KARAGATANG ATLANTIKO

KARAGATANG INDIAN

ANTARTIKO

[Credit Line]

From the newspaper The Illustrated London News, February 19, 1853

[Dayagram/Mapa sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang paglalayag sa pasukan ng Kipot ng Bass sa gawing kanluran ay sinasabing parang ‘pagsuot sa butas ng karayom’

[Mapa]

AUSTRALIA

VICTORIA

MELBOURNE

Port Campbell National Park

Cape Otway

Kipot ng Bass

Isla ng King

TASMANIA

[Larawan sa pahina 16]

Lumubog ang “Loch Ard” 15 minuto matapos itong sumalpok sa bahura

[Credit Line]

La Trobe Picture Collection, State Library of Victoria

[Larawan sa pahina 17]

Ipinakikita sa larawang ito ng Port Campbell National Park (1) kung saan sumalpok sa bahura ang “Loch Ard” at (2) ang kuwebang pinuntahan ni Tom Pearce

[Credit Line]

Photography Scancolor Australia