Tren na Walang Gulong
Tren na Walang Gulong
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HONG KONG
WALA pa sila sa loob ng bago at makintab na tren sa Shanghai, Tsina, dama na ng mga pasahero na hindi pangkaraniwan ang sásakyan nilang tren na patulis ang nguso. Lalo pa silang napahanga nang umandar na ang tren nang suwabe at walang kaingay-ingay mula sa napakamodernong istasyon nito, at sa loob lamang ng ilang sandali ay tumakbo na nang napakatulin—430 kilometro kada oras, anupat ito ang pinakamatuling komersiyal na tren sa daigdig. Walong minuto lang, nakarating na ito sa Pudong International Airport, na 30 kilometro ang layo mula sa istasyon sa Shanghai. Pero may isang bagay na napakapambihira sa tren na ito—wala itong gulong!
Ang tren na ito na biyaheng Shanghai hanggang Pudong ang tanging komersiyal na tren sa daigdig na gumagamit ng teknolohiyang magnetic levitation, o maglev. Wala itong mga gulong, pero umaandar sa pamamagitan ng magnetic field. Wala rin ditong nakasakay na drayber. Sa halip, ang tren na ito ay may high-tech na mga aparato na nagmomonitor ng eksaktong lokasyon ng tren at nagpapadala ng impormasyon sa sentrong istasyon. Sa sentrong istasyong iyon, may mga opereytor na gumagamit ng computer para kontrolin ang takbo ng tren.
Pagkakaiba ng Maglev at ng Karaniwang Tren
Hindi madaling gawin ang espesyal na tren na ito, pati na ang pagtatayo ng pinakariles. Halimbawa, bahagya lamang nakaangat ang tren mula sa pinakariles nito. At dahil malambot ang lupa sa Shanghai, ang pinakariles ng tren ay nilagyan ng mga inhinyero ng di-pangkaraniwang mga hugpungan na puwedeng i-adjust para manatili itong balanse sa kabila ng likas na pagbaba ng lupa. Isinaalang-alang din nila ang posibleng maging diperensiya ng kongkretong mga biga sa paglipas ng panahon, pati na ang bahagyang pagliit at paglaki ng mga ito dahil sa pagbabago ng temperatura.
Sa kabila nito, maraming bentaha ang teknolohiyang maglev. Halimbawa, wala itong ingay ng motor o gulong at hindi ito nagbubuga ng maruming usok. Hindi masyadong kailangan ang pagmamantini ng pinakariles at ng mga aparato nito. At bilang pampasaherong sasakyan, mga tatlong ulit itong mas matipid sa enerhiya kaysa sa kotse at limang ulit na mas matipid kaysa sa eroplano. Sa katunayan, ang enerhiyang kailangan ng tren para umangat ito ay mas mababa kaysa sa nakokonsumo ng air-conditioning system nito! Bukod diyan, kaya nitong umakyat sa mas matataas na dalisdis at lumiko sa mas kurbadong mga daan kaysa sa de-gulong na mga tren, kaya hindi gaanong kailangang gumawa ng mga pagbabago sa landas na dinaraanan nito.
Yamang maraming bentaha ang mga ito, baka magtaka ka kung bakit hindi na lang gumawa ng mas maraming linya ng maglev. Unang-una, mas malaki kasi ang panimulang gastos. Sa katunayan, ipinasiya ng mga opisyal sa Tsina na huwag munang magtayo ng linya mula Shanghai hanggang Beijing dahil doble ang gagastusin dito kaysa sa karaniwang linya ng high-speed na tren. Bukod diyan, hindi maidurugtong ang linya ng maglev sa kasalukuyang mga linya ng tren sa Tsina.
Ang linya ng maglev sa Shanghai ay base sa teknolohiya ng Alemanya, at nagpapatuloy pa rin ang pananaliksik tungkol sa maglev sa Alemanya, Hapon, at sa iba pang bahagi ng daigdig. Noong Disyembre 2003, gumawa ang Hapon ng tren na maglev na ang bilis ng takbo ay umabot nang 581 kilometro kada oras—ang naitalang pinakamabilis na takbo ng tren sa buong daigdig. Sa komersiyal na mga tren sa ngayon, wala pa ring papantay sa maglev ng Shanghai.
Sa pagbiyahe ng maglev mula Pudong pabalik sa Shanghai, nakapako ang mata ng mga pasahero sa digital speedometer na nakakabit sa bawat seksiyon ng tren, palibhasa’y sabik silang makita kung naabot na ng tren ang pinakamabilis na takbo nito. Sa katunayan, sa unang biyahe ng karamihan sa mga pasahero, hindi nila napapansin ang nadaraanan nilang magagandang tanawin, kaya sumasakay uli sila. Sa bilis ng pagdaan ng tanawin, naiintindihan na nila kung bakit tinawag ang maglev na “eroplanong walang pakpak.”
[Kahon/Mga Dayagram sa pahina 24]
PAANO GUMAGANA ANG MAGNETIC LEVITATION?
Ang mga elektromagnet (1) na kinokontrol ng elektronikong mga aparato at nakakabit sa ilalim ng bawat seksiyon ng tren, pati na ang mga magnet sa ilalim ng magkabilang gilid ng pinakariles (2), ang nagpapaangat sa tren hanggang sa maglayo nang halos kalahating pulgada ang dalawang set ng magnet. Ang iba pang magnet (3) ay nakakatulong para hindi madiskaril ang tren. Ang mga coil (4) sa pinakariles ay lumilikha ng magnetic field na nagpapatakbo sa tren.
Para makatipid sa kuryente, ang isang seksiyon ng pinakariles (5) ay sinusuplayan lamang ng kuryente ng sentrong istasyon kapag dumaraan na roon ang tren. Mas malakas na amperahe ang isinusuplay sa mga seksiyon ng pinakariles na paahon o kung saan kailangang pabilisin ang takbo ng tren. Kapag kailangang magmenor ang tren o tumakbo pabalik, binabago ang direksiyon ng daloy ng magnetic field ng mga coil sa pinakariles.
LIGTAS BANG SUMAKAY RITO?
Bagaman napakatulin ng tren na maglev, ang wraparound skirt nito (6) ay parang nakaangkla sa pinakariles nito, kaya malayong madiskaril ito. Hindi kailangan ang mga sinturong pangkaligtasan, at puwedeng maglakad-lakad ang mga pasahero, kahit na tumatakbo ang tren sa normal na bilis nito. Sakaling mawalan ng kuryente, may di-pangkaraniwang mga prenong pinagagana ng mga batiryang nasa tren mismo, na lumilikha ng pasalungat na daloy ng magnetic field para magmenor at tumakbo na lang ng sampung kilometro kada oras ang tren. Pagkatapos, lalapat ang tren sa pinakariles at unti-unting babagal hanggang sa huminto.
Makasasama ba sa kalusugan ang malalakas na magnet ng tren—halimbawa, para sa mga pasaherong may pacemaker? Ipinakikita ng mga resulta ng pagsusuri na wala namang dapat ikabahala. Sa katunayan, ang magnetic field sa palibot ng tren na maglev ay mas mahina kaysa sa magnetic field sa palibot ng karaniwang tren.
[Mga Larawan sa pahina 24, 25]
Mahigit 430 kilometro kada oras!
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Pages 24 and 25: All photos and diagrams: © Fritz Stoiber Productions/Courtesy Transrapid International GmbH & Co. KG