May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Boxfish na Matipid sa Enerhiya
Para makabuo ng sasakyan na mas matibay, mas matipid, at hindi nakasisira sa kalikasan, magugulat ka kung saan nakakuha ng inspirasyon ang mga disenyador—sa karagatan! Ang boxfish, na matatagpuan malapit sa mga bahura ng korales sa tropiko, ay mahusay na modelo ng isang magaan at napakatuling sasakyan.
Pag-isipan ito: Mabilis lumangoy ang boxfish—bawat segundo, kaya nitong languyin ang hanggang anim na ulit ng haba ng katawan nito. Pero hindi lamang dahil sa lakas nito kung kaya mabilis itong lumangoy. Salungat sa inaasahan, nakatulong pa nga sa bilis nito ang hugis-kahong katawan ng isda. Sa katunayan, gumawa ng modelo ng boxfish ang mga inhinyero at sinubok ito sa wind tunnel. Natuklasan nila na hindi ito nahirapang sagupain ang hangin kung ihahambing sa maliliit na sasakyan.
Ang katawan ng boxfish ay mabuto kaya napakatatag nito at napakagaan. Kapag maalon, hindi madaling natatangay ang boxfish dahil nakabubuo ito ng maliliit na alimpuyo sa palibot nito. Kaya napakagaling ng boxfish na magmaniobra at hindi ito basta-basta nasasaktan.
Naniniwala ang mga inhinyero na nasa boxfish ang sekreto sa pagbuo ng isang sasakyang mas ligtas, mas matipid, at mas magaan. “Ang totoo,” ang sabi ng chief para sa pagsasaliksik na si Dr. Thomas Weber, “hindi kami makapaniwala na sa dinami-dami ng puwede naming maging modelo, ito pang mukhang papatay-patay na isda ang gagayahin namin sa pagdidisenyo ng isang matulin at matipid na sasakyan.”
Ano sa palagay mo? Basta na lamang ba lumitaw ang boxfish na matipid sa enerhiya? O may nagdisenyo nito?
[Picture Credit Lines sa pahina 10]
Boxfish: © Hal Beral/V&W/SeaPics.com; car: Mercedes-Benz USA