Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Makupad na Sloth

Ang Makupad na Sloth

Ang Makupad na Sloth

“DALI, ang kamera!” ang sabi ko sa kapatid ko nang makakita ako ng berdeng sloth sa dinaraanan namin sa gubat. Nagtawanan kami bandang huli dahil wala naman palang dahilan para magmadali​—isa ang sloth sa pinakamabagal na hayop sa buong daigdig.

Para lalo ko pang makilala ang mamalyang ito, pumasyal ako sa Zoo Ave sa La Garita de Alajuela, Costa Rica. Hindi lang ito zoo, dito rin inaalagaan ang nailigtas na mga hayop para maibalik sa kagubatan. Nakilala ko roon ang biyologong si Shirley Ramírez, ang masipag na direktor para sa pananaliksik sa Zoo Ave. Ipinakita niya sa akin ang kanilang alagang sloth na si Pelota, nangangahulugang “bola” sa wikang Kastila. Bagay na bagay sa kaniya ang pangalang ito dahil kapag natutulog ang mga sloth, namamaluktot ang mga ito hanggang sa maging parang bola. Si Pelota ay isang uri ng sloth na may dalawang daliri sa mga paa sa harapan. Sinlaki siya ng maliit na aso, mabalahibo, sarat ang ilong, at may maamo at malalaking mata na kulay kayumanggi.

Nalaman ko na ang mga sloth ay mapag-isa at isang beses lang silang manganak sa isang taon. Nakakapit ang sanggol na sloth sa kaniyang ina sa unang apat hanggang anim na buwan hanggang sa maawat na ito sa pagsuso. Pero sa kasunod na lima hanggang walong buwan, nakakasakay na ito sa tiyan ng kaniyang ina. Sa loob ng mga buwang iyon, gamit ang kaniyang mga labi, pinakakain ng inang sloth ang kaniyang sanggol ng malambot at madaling matunaw na mga dahon. Pagtagal-tagal, kaya na ng sanggol na sloth na pumitas ng kakainin niyang dahon nang hindi bumibitaw sa ina. Habang magkasama, inililibot ng inang sloth ang kaniyang anak sa maliit na teritoryong paninirahan nito.

May Dalawa o Tatlong Daliri, Berde, at Malamig ang Katawan

Nalaman kong ang sloth na nakita ko sa gubat ay ang uri na may tatlong daliri sa mga paa. Mayroon itong itim na balahibo sa palibot ng mata na parang maskara, maikli at matabang buntot, magaspang na balahibo, mas mahabang mga paa sa harapan, at manilaw-nilaw na patse sa pagitan ng mga balikat. Ang uring ito ng sloth ay may siyam na buto ng gulugod sa leeg, kaya naiikot niya nang 270 digri ang kaniyang ulo habang naghahanap ng paborito niyang mga dahon. Pero bakit maberde ang kulay ng sloth? Ayon kay Shirley, “Iyon ang alga na kumakapit sa balahibo ng sloth.”

Hindi tulad ng mga sloth na may tatlong daliri at mas mahaba ang mga paa sa harapan, halos magkasinghaba ang mga paa sa harapan at likuran ng mga sloth na may dalawang daliri. Mahaba, malambot, at manilaw-nilaw na kayumanggi ang kanilang balahibo.

Kadalasang nagbibilad sa tuktok ng mga punungkahoy ang sloth. Pabagu-bago ang temperatura ng katawan nito depende sa temperatura ng hangin mula sa 24 digri Celsius sa gabi hanggang 33 digri Celsius sa araw​—walang ibang mamalya na ganiyan kalaki ang nagiging pagbabago sa temperatura ng katawan. Walang masyadong kalamnan ang mga sloth kaya hindi nito kayang mangatog para manatiling mainit ang katawan. Iyan ang dahilan kung bakit madalas itong mamaluktot na parang bola kapag natutulog para hindi sila lamigin. Bukod sa mahahaba at magaspang na balahibo nito, mayroon din itong maiikli at pinong balahibo na panlaban sa lamig. At heto pa, umaabot nang 20 oras ang tulog ng sloth sa isang araw!

Napakabagal Kumain

Para kumilos ang mga baktirya at magsimula ang permentasyon na kailangan sa pagtunaw ng pagkain, kailangan ang init ng katawan. Mababa ang temperatura ng katawan ng sloth kaya napakatagal matunaw ng kinakain nito. Ang kinain nitong dahon ay inaabot nang isang buwan sa sikmura nito na maraming seksiyon bago makarating sa maliit na bituka. Kapag tag-ulan at sunud-sunod na malamig ang panahon, maaaring mamatay sa gutom ang mga sloth kahit punô ng pagkain ang kanilang sikmura. “Kailangan ng mga sloth ang init ng araw para matunaw ang kanilang kinakain,” ang paliwanag ni Shirley.

Sinabi pa ni Shirley: “Bilang zookeeper na nag-aalaga ng mga hayop at naglilinis ng kanilang mga kulungan, ang pinakagusto ko sa mga sloth ay minsan lang sa isang linggo sila umiihi at dumudumi! Bumababa sila sa lupa, naghuhukay, at tinatabunan ang kanilang dumi. Iyan lang ang pagkakataon na bumababa sila sa lupa.”

Dinisenyo Para Mabuhay Nang Pabaligtad

Halos lahat ng ginagawa ng mga sloth​—pagkain, pagtulog, pagpaparami, at panganganak​—ginagawa nila nang nakalambitin sa puno. Ang maliliit na mamalyang ito ay kamangha-manghang dinisenyo ng kanilang Maylalang para mabuhay nang pabaligtad. Ginagamit ng mga sloth sa paglalambitin ang kanilang mga daliri, na may pitong-sentimetrong mga kuko na kumakawit nang mahigpit sa mga sanga at baging. Kapag malakas ang ulan sa tropiko, hindi gaanong nababasâ ang balat ng sloth dahil maging ang tubo ng balahibo nito ay pabaligtad! Nasa gawing tiyan ang hati ng balahibo nito at papunta sa likod ang direksiyon ng tubo​—kabaligtaran ng tubo ng balahibo ng iba pang hayop na sa lupa nabubuhay​—kaya dumudulas lang pababa ang tubig-ulan. Bagaman asiwa at nahihirapang kumilos ang mga sloth kapag nasa lupa, napakabanayad at suwabeng-suwabe naman ang kilos nila kapag naglalambitin sa mga sanga. At baka magulat ka, magaling ding lumangoy ang sloth!

Ano pa ang natutuhan ko sa tahimik na mga nilalang na ito sa tuktok ng mga punungkahoy? Dalawang bagay ang kapansin-pansin. Una, hindi ito basta-basta namamatay kahit masugatan nang malubha at hindi ito madaling tablan ng lason di-tulad ng iba pang mamalya. Mabilis gumaling ang malulubhang sugat nito at bihirang maimpeksiyon. Ang pag-aaral sa immune system ng sloth ay makakatulong nang malaki sa larangan ng medisina. At ikalawa, makabubuting tularan kahit paano ng mga taong laging nagmamadali at nai-stress ang relaks at kalmadong sloth.​—Ipinadala.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]

MABAIT SA ALGA

Ang balahibo ng sloth na mahaba at sala-salabid ay maberde dahil sa mga alga na kumakapit sa bawat hibla ng balahibo ng mamalyang ito. Hinahayaan ng sloth na panirahan siya ng mga alga, at tumatanaw naman ng utang na loob ang mga alga sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga nutriyente. Nakakain ng sloth ang mga nutriyenteng ito kapag dinidilaan nila ang kanilang balahibo o nasisipsip ito ng kanilang balat. Dahil sa maberde at abuhing kulay ng sloth, mukha itong bungkos ng mga dahon na nakabitin sa sanga​—walang kahirap-hirap itong nakapagtatago sa gubat! At habang tumatanda, lalo itong nagiging maberde!

[Credit Lines]

Top right: © Michael and Patricia Fogden; bottom: © Jan Ševčík