Depresyon—Kung Paano Ito Gagamutin
“KUMONSULTA kami ng asawa ko sa doktor at binago namin ang aming rutin sa araw-araw para maiangkop sa aking kalagayan,” ang sabi ni Ruth, na maraming taon nang dumaranas ng depresyon. “Mabisa naman ang paggamot sa akin at bumuti na ang pakiramdam ko. Pero noong hindi pa kami nakakahanap ng epektibong paggamot, gusto ko na sanang sumuko kung hindi lang dahil sa pag-ibig ng aking asawa at mga kaibigan.”
Ipinakikita ng karanasan ni Ruth na kailangang-kailangan ng mga pasyenteng dumaranas ng clinical depression ang suporta, kasali na ang anumang angkop na paggamot. Mapanganib na ipagwalang-bahala ang depresyon dahil kung minsan, maaari itong makamatay kapag hindi nagamot. Mga dalawang libong taon na ang nakalilipas, sinabi ni Jesu-Kristo na ‘ang mga may karamdaman ay nangangailangan ng mga manggagamot.’ (Marcos 2:17) Ipinakikita nito na naniniwala si Jesu-Kristo na makakatulong ang mga manggagamot. At talaga namang malaki ang maitutulong ng mga doktor para mabawasan ang hirap na dinaranas ng maraming pasyenteng may depresyon. *
Ilang Mapagpipiliang Paggamot
Maraming paraan ng paggamot sa depresyon depende sa mga sintomas at sa tindi ng depresyon. (Tingnan ang kahong “Iba’t Ibang Klase ng Depresyon” .) Maaaring makatulong sa maraming pasyente ang doktor na regular nilang kinokonsulta, pero ang iba ay nangangailangan ng tulong ng mga espesyalista sa sakit na ito. Maaaring magreseta ang doktor ng antidepressant o magrekomenda ng ibang paraan ng paggamot. Nakabuti naman sa ilan ang mga gamot na herbal, pagdidiyeta, o ehersisyong inirerekomenda ng doktor.
Karaniwang mga Isyu
1. Ang nagmamalasakit na mga kaibigan na kaunti lamang o walang anumang pagsasanay sa medisina ay posibleng magsabi sa iyo kung aling paraan ng paggamot ang dapat mong tanggapin at tanggihan. Baka igiit din nila na uminom ka ng gamot na herbal o ng inireresetang gamot o na huwag kang uminom ng anumang gamot.
Pag-isipan: Tiyaking maaasahan ang pinagmulan ng anumang payong tatanggapin mo. Sa bandang huli, ikaw pa rin ang magpapasiya batay sa mga sinabi sa iyo.
2. Dahil sa pagkasira ng loob, maaaring itigil ng pasyente ang napili niyang paggamot sapagkat parang hindi naman siya gumagaling o may nararamdaman siyang mga side effect.
Pag-isipan: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” (Kawikaan 15:22) Mas malaki ang posibilidad na gumaling kung maganda ang komunikasyon ng doktor at pasyente. Ipaliwanag mo sa iyong doktor ang lahat ng ikinababahala mo o ang nararamdaman mong mga sintomas, at itanong kung may kailangan bang baguhin sa paggamot sa iyo o kung kailangan mo lang magtiis bago ka makaramdam ng ginhawa.
3. Dahil sa sobrang tiwala, baka biglang itigil ng pasyente ang gamutan makalipas ang ilang linggo sapagkat bumuti na ang pakiramdam niya.
Baka makalimutan niya ang tindi ng sintomas na naramdaman niya bago siya magpagamot.Pag-isipan: Kapag biglang itinigil ang gamutan nang hindi kumokonsulta sa doktor, maaari itong makasama sa iyong kalusugan at maaari mo pa nga itong ikamatay.
Bagaman ang Bibliya ay hindi naman aklat tungkol sa medisina, ang Awtor nito ay ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang kaaliwan at patnubay na inilalaan ng Salita ng Diyos kapuwa sa mga dumaranas ng depresyon at sa mga nag-aalaga sa kanila.
^ Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paggamot. Dapat pag-aralang mabuti ng bawat indibiduwal ang mga mapagpipiliang paggamot bago siya gumawa ng personal na desisyon.