Ligtas na Pagmamaneho
Ligtas na Pagmamaneho
KAILANGAN ng milyun-milyong tao sa ngayon na magmaneho kahit delikado. Taun-taon, tinatayang mahigit 1,200,000 katao sa buong daigdig ang namamatay sa mga aksidente sa sasakyan! Kaya mahalagang matutuhan natin kung paano magmaneho nang maingat, hindi ba? Tingnan natin ang ilang praktikal na hakbang na magagawa natin.
✔Tiyaking Nasa Kondisyon Ka
Iniulat ng Australian Journal of Social Issues na ang isa sa pinakamahalagang hakbang na magagawa ng isang drayber para maiwasan ang nakamamatay na aksidente ay magkaroon ng tamang disposisyon habang nagmamaneho. Kaya bago bumiyahe, makabubuting tanungin ng drayber ang kaniyang sarili, ‘Nasa kondisyon ba akong magmaneho?’ Hindi ka makapagpapasiya nang tama at hindi ka alisto kapag pagód na pagód ka. Ayon sa Land Transportation Office ng Pilipinas, ang galit, kabalisahan, at pagiging excited ay mga emosyong nakakaapekto sa pagmamaneho at puwedeng mauwi sa maling pasiya at karahasan pa nga.
Dapat ding isaalang-alang ang pisikal na kondisyon ng isa dahil may ilang sakit o pinsala na nakakaapekto sa pagmamaneho. Ang isang drayber na may paggalang sa buhay ng iba ay hindi magmamaneho nang nakainom. May mga gamot na makakaapekto sa disposisyon ng drayber. Kung minsan, baka mas mabuti pang huwag munang magmaneho o kaya’y maghanap na lang ng ibang magmamaneho.
✔Tiyaking May Kasanayan Ka
Habang dumarami ang mga sasakyan, partikular na sa papaunlad na mga bansa, dumarami rin ang baguhang mga drayber na walang gaanong karanasan sa pagmamaneho. Kaya makabubuting isaalang-alang ang dalawang bagay para makaiwas sa mga aksidente.
Maging alerto! Mag-ingat sa posibleng mga panganib sa kalsada sa iyong harapan at likuran, at maging alisto sa maaaring gawin ng ibang mga drayber—pati na ang posibleng maging mga pagkakamali nila. Karamihan sa mga banggaan ay resulta ng pagtutok sa sinusundang sasakyan, kaya ang isang matalinong drayber ay hindi tututok sa sinusundan niya.
Mag-ingat sa mga blind spot at mga panggambala. Huwag umasa sa salamin lang, lumingon para makita ang nangyayari sa paligid mo. Iwasan ang mga panggambala habang nagmamaneho. Huwag gumawa ng kung anu-ano habang nagmamaneho—nakagagambala ang pakikipag-usap sa telepono o ang paggamit ng ibang mga gadyet.
Kung nagmomotorsiklo ka: Sinasabi ng ilang ahensiya na kada kilometro, 37 ulit na mas malamang na mamatay sa aksidente ang mga nagmomotorsiklo kaysa sa mga nakasakay sa kotse. Paano ka mag-iingat? Ang dalawang hakbang na nabanggit ay makatutulong din sa mga nagmomotorsiklo. Sinasabi rin ng Motorcycle Safety Foundation ng Estados Unidos: “Siguraduhing nakikita ka.” Tiyaking lagi kang nakikita ng ibang motorista. Dapat laging nakabukas ang iyong headlight. “Magsuot ng angkop na damit.” Magsuot ng helmet at ng makapal na damit na madaling makita sa dilim para magsilbing proteksiyon. “Maging alertong-alerto.” Isiping hindi ka nakikita ng iba, at mag-ingat sa pagmamaneho.
✔Tiyaking Nasa Kondisyon ang Sasakyan
Dapat na maingat ang drayber, at kailangang nasa kondisyon ang kaniyang sasakyan. Dapat na maayos ang preno pati na ang lahat ng mahahalagang bahagi ng sasakyan. Siguraduhing hindi pudpod ang gulong para hindi dumulas o kumabig ang gulong ng sasakyan kapag basa ang kalsada. Tiyaking sapat ang hangin ng gulong para mas madaling kontrolin at ipreno ang sasakyan. Karamihan ng mga sasakyan ngayon ay may mga seat belt. Pero bale-wala ang mga ito kung hindi gagamitin.
Isaalang-alang ang mga kalagayan kapag nagmamaneho. Mahirap magpreno at kontrolin ang sasakyan kapag basa ang kalsada, lalo na kapag umuulan ng niyebe. Kapag nagmamaneho sa gabi, dapat na gumaganang mabuti ang mga headlight at kadalasan nang dapat bagalan ang pagmamaneho. Regalo ng Diyos ang buhay, kaya tama lang na gawin natin ang lahat ng ating magagawa, kasama na ang pagmamaneho nang maingat, para maingatan ang ating buhay.
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
MATIPID NA PAGMAMANEHO
◼ Magmaneho nang suwabe: Maaksaya sa gasolina kapag pabigla-bigla ang tapak sa silinyador at preno.
◼ Patayin ang makina kapag hindi kailangan: Karaniwang hindi na kailangan pang painitin ang makina ng mga sasakyan sa ngayon bago ito gamitin. Kung nakahinto lang ang sasakyan nang mahigit kalahating minuto, patayin ang makina.
◼ Tiyaking may sapat na hangin ang gulong: Kapag sapat ang hangin, mas maganda ang takbo ng sasakyan at makakatipid pa nang malaki sa gasolina.
◼ Tumakbo nang katamtaman lamang: Delikadong magmaneho nang napakabilis at magastos pa ito sa gasolina.
[Dayagram/Larawan sa pahina 11]
❏ Maging alerto
❏ Gamitin ang seat belt
❏ Huwag gumawa ng kung anu-ano
❏ Iwasan ang mga panggambala
[Dayagram/Larawan sa pahina 12]
❏ Mag-ingat sa mga blind spot
❏ Maayos ang preno
❏ Sapat ang hangin ng gulong
❏ Hindi pudpod ang gulong
❏ Huwag tumutok sa sinusundan
[Dayagram/Larawan sa pahina 13]
❏ “Magsuot ng angkop na damit”
❏ “Siguraduhing nakikita ka”
[Dayagram/Larawan sa pahina 13]
❏ Tiyaking gumagana ang mga headlight