Ang Pangmalas ng Bibliya
Mali Bang Magpalit ng Relihiyon?
Nang mag-aral ng Bibliya si Avtar, nagalit ang kaniyang pamilya na mga Sikh. “Sa bansa namin,” ang sabi niya, “itatakwil ka ng mga kababayan mo kapag nagpalit ka ng relihiyon. Pati mga pangalan namin, may koneksiyon sa relihiyon. Sa tingin nila, para mo na ring itinatwa kung sino ka at wala kang galang sa pamilya mo kung magpapalit ka ng relihiyon.”
NAGING Saksi ni Jehova si Avtar. Mali ba na pinalitan niya ang kaniyang relihiyon? Baka sang-ayon ka sa pamilya niya. Marahil iniisip mong bahagi na ng kasaysayan at kultura ng inyong pamilya ang inyong relihiyon at hindi ito dapat palitan.
Mahalaga na igalang ang pamilya. Sinasabi ng Bibliya: “Makinig ka sa iyong ama na nagpangyari ng iyong kapanganakan.” (Kawikaan 23:22) Pero mas mahalagang saliksikin at alamin ang katotohanan tungkol sa ating Maylalang at sa kaniyang mga layunin. (Isaias 55:6) Posible ba ito? Kung oo, gaano ito kahalaga sa iyo?
Paghahanap ng Katotohanan Tungkol sa Diyos
Nagkakasalungatan ang turo ng mga relihiyon sa buong daigdig. Siyempre, hindi makatuwirang sabihin na tama ang lahat ng ito. Kaya naman maraming tao, gaya ng sinasabi ng Bibliya, ang “may sigasig . . . sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Pero tulad ng nakaulat sa 1 Timoteo 2:4, sinasabi ni apostol Pablo na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay . . . sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” Paano makukuha ang gayong tumpak na kaalaman?
Pag-isipan ang mga dahilan kung bakit dapat suriin ang Bibliya. Sinabi ni Pablo, isang manunulat ng Bibliya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.” (2 Timoteo 3:16) Bilang bahagi ng iyong pagsasaliksik sa katotohanan, suriin ang mga ebidensiya na totoo ang sinasabi ng Bibliya. Alamin mo mismo ang walang-kapantay na karunungan nito, ang katumpakan nito pagdating sa kasaysayan, at ang mga hula nito na natupad.
Sa halip na ituro na lahat ng relihiyon ay tama sa paningin ng Diyos, sinasabi ng Bibliya sa mga mambabasa nito na huwag maniwala sa lahat ng naririnig nila kundi “subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Halimbawa, ang isang turo na talagang nagmumula sa Diyos ay dapat na kaayon ng kaniyang personalidad, pati na ng kaniyang pangunahing katangian na pag-ibig.—1 Juan 4:8.
Tinitiyak sa atin ng Bibliya na gusto ng Diyos na ‘talagang masumpungan natin siya.’ (Gawa 17:26, 27) Dahil gusto ng ating Maylalang na saliksikin natin ang katotohanan, hindi mali na kumilos tayo ayon sa ebidensiyang nakita natin—kahit mangahulugan pa ito ng pagpapalit ng relihiyon. Pero kumusta kung may problemang bumangon?
Timbang na Katapatan sa Pamilya
Kapag binago ng mga tao ang kanilang paniniwala, maaaring ipasiya nilang hindi na sila makikibahagi sa mga relihiyosong ritwal o mga kapistahan. Kaya naman, posibleng magkaroon ng di-pagkakaunawaan sa loob ng pamilya at alam ito ni Jesus. Sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Pumarito ako upang magpangyari ng pagkakabaha-bahagi, ng lalaki laban sa kaniyang ama, at ng anak na babae laban sa kaniyang ina, at ng kabataang asawang babae laban sa kaniyang biyenang babae.” (Mateo 10:35) Ang ibig bang sabihin ni Jesus ay dinisenyo ang mga turo ng Bibliya para maging ugat ng di-pagkakasundo? Hindi. Nakita lamang niya kung ano ang posibleng mangyari kapag negatibo ang reaksiyon ng mga kapamilya sa isa na naninindigan sa naiibang paniniwala.
Dapat bang iwasan ang mga di-pagkakaunawaan sa pamilya anuman ang maging kapalit? Itinuturo ng Bibliya na dapat maging masunurin sa mga magulang ang mga anak at dapat magpasakop ang mga asawang babae sa kani-kanilang asawa. (Efeso 5:22; 6:1) Pero itinatagubilin nito sa mga umiibig sa Diyos na “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Kaya kung minsan, dahil sa katapatan sa Diyos, maaaring gumawa ka ng desisyon na hindi gusto ng ilan sa iyong mga kapamilya.
Bagaman malinaw na ipinakikita ng Bibliya ang pagkakaiba ng tunay at huwad na turo, binibigyan ng Diyos ang bawat tao ng kalayaang magpasiya kung ano ang gagawin niya. (Deuteronomio 30:19, 20) Hindi dapat pilitin ang sinuman na sumamba sa paraang hindi katanggap-tanggap sa kaniya o mamili sa pagitan ng kaniyang mga paniniwala at pamilya. Ang pag-aaral ba ng Bibliya ay sumisira ng ugnayan ng pamilya? Hindi. Sa katunayan, hinihimok ng Bibliya ang mag-asawang magkaiba ng relihiyon na manatiling magkasama bilang pamilya.—1 Corinto 7:12, 13.
Daigin ang Takot
Baka nag-aalala ka sa magiging reaksiyon ng mga tao kapag nakipag-aral ka ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi ni Mariamma: “Nag-alala ang pamilya ko na baka hindi na ako makahanap ng mapapangasawa na makasusuporta sa akin. Kaya hinadlangan nila ako sa pag-aaral ng Bibliya.” Nagtiwala si Mariamma sa Diyos na Jehova at nagpatuloy sa pag-aaral ng Bibliya. (Awit 37:3, 4) Magagawa mo rin iyan. Sa halip na matakot sa magiging resulta, pag-isipan ang mga kapakinabangan. Binabago ng mensahe ng Bibliya ang buhay at personalidad ng mga tao sa ikabubuti. Natututo ang mga tao na magpakita ng walang pag-iimbot na pag-ibig sa kanilang pamilya. Naiwawaksi ang pag-abuso sa alkohol at droga at masasamang ugali gaya ng pagiging marahas at mapanlait. (2 Corinto 7:1) Itinuturo ng Bibliya ang magagandang katangiang gaya ng katapatan at kasipagan. (Kawikaan 31:10-31; Efeso 4:24, 28) Hinihimok ka naming mag-aral ng Bibliya para makita mo mismo na kapaki-pakinabang ang pagsunod sa mga turo nito.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Bakit mo kailangang suriin ang iyong mga paniniwala?—Kawikaan 23:23; 1 Timoteo 2:3, 4.
◼ Paano mo malalaman ang tunay na mga turo?—2 Timoteo 3:16; 1 Juan 4:1.
◼ Dapat mo bang itigil ang pag-aaral ng Bibliya dahil pinipigilan ka ng iyong pamilya?—Gawa 5:29.
[Blurb sa pahina 29]
Binabago ng mensahe ng Bibliya ang buhay at personalidad ng mga tao sa ikabubuti
[Larawan sa pahina 29]
Si Mariamma at ang kaniyang asawa