Pumunta sa nilalaman

Isang Malaking Pamilya

Isang Malaking Pamilya

ANO ang tingin mo sa mga taong iba ang kulay o lahi? Iniisip mo bang kapantay mo sila? Nakakalungkot, iniisip ng marami na mas nakatataas sila kaysa sa ibang lahi. Ayon sa isang diksyunaryo, ang “rasismo,” o pagtatangi ng lahi, ay ang “paniniwala na nakadepende sa lahi ang pagkatao at kakayahan ng isa at na may isang lahing nakahihigit sa iba.”

Masama ang epekto ng rasismo. “Nabigyang-katuwiran nito ang paniniil at pang-aalipin sa ibang grupo ng mga tao,” ang isinulat ni Propesor Wen-Shing Tseng sa kaniyang aklat na Handbook of Cultural Psychiatry. Ayon sa kaniya, ginagamit ang pagkakaiba-iba ng lahi “para bigyang-katuwiran ang di-pagkakapantay-pantay sa lipunan, ekonomiya, at pulitika.” Kahit ngayon, hindi pa rin nawawala ang rasismo sa maraming lugar sa daigdig. Pero may basehan ba ito? Ano ang sinasabi ng siyensiya at Bibliya?

Ang Sinasabi ng Siyensiya

Kinumpirma ng mga pag-aaral sa genetics na walang basehan ang rasismo. Natuklasan sa isang pag-aaral na mga 0.5 porsiyento lang ang makikitang pagkakaiba sa DNA ng mga taong nagmula sa iba’t ibang panig ng daigdig. * Sa 0.5 porsiyentong ito, mga 86 hanggang 90 porsiyento ang nakitang pagkakaiba sa pagitan ng magkakalahi, kaya lumilitaw na mga 14 porsiyento lang o mas mababa pa rito ang pagkakaiba sa pagitan ng magkaibang lahi.

Yamang “pare-pareho ang pagkakabuo ng genes ng mga tao,” ayon sa magasing Nature, “malaking tulong ang genetics para mabigyang-linaw at malutas ang isyu ng rasismo.”

“Pare-pareho ang pagkakabuo ng genes ng mga tao”

Hindi na bago ang ganiyang kaisipan. Simula 1950, ang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization ay nakapaglathala na ng sunud-sunod na pahayag laban sa rasismo. Isinulat ito ng mga antropologo, dalubhasa sa henetika, at mga sosyologo.  Pero wala rin itong epekto. Maliwanag, hindi sapat na malaman kung may basehan nga ang rasismo. Dapat ding abutin ang puso ng isa. “Mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran,” ang sabi ni Jesu-Kristo.—Mateo 15:19, 20.

Ang Pangmalas ng Bibliya

Nakakaantig ang mga nakasulat sa Bibliya. Halimbawa, bukod sa pagsasabing “ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa,” sinasabi rin ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35; 17:26) Tiyak na matibay na dahilan iyan para mapalapít ka sa Diyos!—Deuteronomio 32:4.

Gusto ng Diyos na Jehova na ipakita natin ang ating pag-ibig sa kaniya sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniya. Sinasabi sa Efeso 5:1, 2: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy kayong lumakad sa pag-ibig”—samakatuwid nga, ibigin ang mga tao gaya ng pag-ibig sa kanila ng Diyos, anuman ang kanilang lahi o kulay.—Marcos 12:31.

Hindi tatanggapin ng Diyos bilang kaniyang mga lingkod ang mga taong ang puso ay punô ng kasamaan, pati na ng pagkapoot at pagtatangi ng lahi. (1 Juan 3:15) Sa katunayan, napakalapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng masasama sa lupa. Tanging ang mga tumutulad sa kaniya ang maliligtas. Sa panahong iyon, tayo ay magiging isang malaking pamilya—pantay-pantay at nagkakaisa sa pagsamba sa iisang tunay na Diyos.—Awit 37:29, 34, 38.

^ par. 5 Pero malaking bagay na sa larangan ng medisina ang napakaliit na pagkakaibang ito, dahil lumilitaw na ang ilang sakit ay may kaugnayan sa genes.