Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Bakit Ayaw sa Akin ng mga Lalaki?

Bakit Ayaw sa Akin ng mga Lalaki?

Alam niyang sikat ako, kasi sinabi ko sa kaniya na maraming nagkakagusto sa akin. Kapag ikinukuwento ko kung gaano kababaw ang ilang kaibigan ko, natatawa naman siya. At alam niyang matalino ako​—kasi ilang beses kong itinatama ang mga sinasabi niya. Pero bakit hindi pa niya ako niyayayang mag-date?

Maganda sana siya, kaso ang babaw niya! Hindi ako makasingit kapag siya ang nagsasalita. Kapag ako naman ang nagsasalita, binabara niya ’ko! Kaya kapag nandiyan na siya, umiiwas na lang ako.

INIISIP mo bang walang nagkakagusto sa iyo? Maraming babae ang ganiyan ang iniisip, kahit ang mga babaing sa tingin mo’y marami ang magkakagusto! Halimbawa, nariyan si Joanne. Maganda siya, matalino, at mahusay magsalita. Pero sinabi niya: “Pakiramdam ko, ayaw sa akin ng mga lalaki. May mga nagustuhan ako na nagkagusto rin sa akin, kaso bandang huli, iniwasan na rin nila ako!”

Anu-ano ba ang nagugustuhan ng mga lalaki sa isang babae? Anu-ano ang ayaw nila? Ano ang magagawa mo para magkagusto sa iyo ang isang disenteng binata nang hindi mo naman ibinababa ang iyong sarili?

Ang Dapat Gawin

Kilalanin ang iyong sarili. Malamang na nagkaroon ka na ng crush nang magdalaga ka. Baka hindi lang isa ang crush mo. Normal lang iyan. Pero kung basta-basta mo na lang ibibigay ang matamis mong ‘Oo’ sa unang lalaking magpapatibok ng puso mo, malamang na maapektuhan ang iyong emosyonal at espirituwal na pagsulong. Kailangan ang panahon para mapasulong ang magagandang katangian, ‘mabago ang iyong pag-iisip’ pagdating sa mahahalagang bagay, at maabot ang ilan sa iyong sariling mga tunguhin.​—Roma 12:2; 1 Corinto 7:36; Colosas 3:9, 10.

Oo, marami rin namang lalaking nagkakagusto sa mga babaing wala pang paninindigan o inosente. Pero katawan lang ang nakikita ng mga lalaking iyon, hindi ang pagkatao ng babae. Ang totoo, ang isang matalinong binata ay hahanap ng babaing may magagandang katangiang makakatulong sa isang relasyon.​—Mateo 19:6.

Sabi ng mga lalaki: “Gusto ko ang babaing may sariling disposisyon at paninindigan.”​—James.

“Gusto ko ang babaing prangka, pero magalang at hindi basta umaayon na lang sa lahat ng sinasabi ko. Kahit maganda ang isang babae, naaasiwa ako kapag ang gusto ko lang marinig ang sinasabi niya. Ayoko ng ganun!”​—Darren.

“Aminado akong madali akong humanga sa magagandang babae. Pero madali akong ma-turn-off kapag walang ambisyon sa buhay ang isang babae. Subalit malakas ang dating ng isang babae kung alam niya ang gagawin niya sa buhay​—lalo na kung naabot na niya ang ilan sa mga tunguhin niya.”​—Damien.

Igalang ang iba. Kung pagmamahal ang hanap mo, paggalang naman ang hanap ng mga lalaki. Kaya hindi kataka-takang sinasabi ng Bibliya sa asawang lalaki na dapat niyang ibigin ang kaniyang asawa, pero pinapayuhan naman nito ang asawang babae na magkaroon ng “matinding paggalang” sa kaniyang asawa. (Efeso 5:33) Sa isang surbey sa daan-daang kabataang lalaki, mahigit 60 porsiyento ang nagsabing mas mahalaga ang paggalang kaysa sa pag-ibig. Ipinakikita ng isa pang surbey na ganiyan din ang pangmalas ng mahigit 70 porsiyento ng mga adultong lalaki.

Hindi naman ibig sabihin na maging sunud-sunuran ka na lang​—na hindi ka dapat magbigay ng iyong opinyon. (Genesis 21:10-12) Pero nakadepende sa iyong paraan ng pagsasabi kung iiwasan ka o magugustuhan ng isang binata. Kung lagi mo na lang siyang kinokontra o itinatama sa mga sinasabi niya, baka isipin niyang wala kang paggalang sa kaniya. Pero kung pakikinggan mo ang kaniyang pananaw at pupurihin ang sa tingin mo’y magaganda niyang punto, malamang na tanggapin din niya at pahalagahan ang iyong opinyon. Siyempre pa, mapapansin din ng isang mahusay na binata kung iginagalang mo ang iyong mga kapamilya at ang ibang tao. *

Sabi ng mga lalaki: “Gusto ng mga lalaki na pinakikinggan ang opinyon nila, lalo na ng babaing natitipuhan nila.”​—Anthony.

“Para sa akin, respeto ang pinakamahalagang bagay sa pasimula ng isang relasyon. ’Yung pag-ibig, madedebelop na lang iyan.”​—Adrian.

“Kapag kaya akong igalang ng babae, sa tingin ko’y kaya niya akong mahalin.”​—Mark.

Maging malinis sa katawan at mahinhin sa pananamit. Ang iyong pananamit at pag-aayos ay parang bintana ng iyong pagkatao. Bago ka pa man makapagsalita, nasabi na ng pananamit mo kung sino ka. Kung ang pananamit mo ay maayos at mahinhin, maganda ang magiging impresyon sa iyo ng iba. (1 Timoteo 2:9) Kung ang pananamit mo naman ay mapang-akit o burara, tiyak na pangit ang magiging impresyon sa iyo!

Sabi ng mga lalaki: “Makikilala mo ang isang babae sa kaniyang pananamit. Kapag mapang-akit o burara ang kaniyang pananamit, malamang na kulang siya sa pansin.”​—Adrian.

“May dating sa akin ang babae kapag mabango siya, maayos ang buhok, at maganda ang boses. Pero kung marumi siya sa katawan, kahit maganda pa siya, turn-off na ako.”​—Ryan.

“Talagang kaakit-akit sa akin ang isang babae kapag hindi niya kailangang tambakan ng makeup ang mukha niya at magsuot ng hapit o mapang-akit na damit para lang mapansin.”​—Ethan.

“Kapag masyadong seksing manamit ang isang babae, tiyak na maraming mapapalingon sa kaniya. Pero hindi siya ang tipo ng babae na gusto kong maging girlfriend.”​—Nicholas.

Ang Hindi Dapat Gawin

Huwag kang flirt. May kakayahan ang mga babae na makaimpluwensiya nang malaki sa mga lalaki. Puwede itong makabuti at puwede ring makasamâ. (Genesis 29:17, 18; Kawikaan 7:6-23) Kung lagi mong gagamitin ang kakayahang ito sa lahat ng lalaking nakikilala mo, baka isipin ng marami na flirt ka.

Sabi ng mga lalaki: “Makatabi ko pa lang ang isang magandang babae at magkasagian kami ng balikat, ang saya-saya ko na. Kaya para sa akin, flirt ang babae kapag hawak siya nang hawak tuwing nag-uusap kami.”​—Nicholas.

“Kung mahilig humawak sa braso ng lalaki ang isang babae o kaya’y mahilig magpa-cute sa lahat ng lalaki, sa tingin ko’y flirt siya, at hindi ko tipo ang ganung babae.”​—José.

“Para sa akin, flirt ang isang babae kapag hawak siya nang hawak sa kahit sinong lalaking kausap niya at agad niyang inililipat ang pansin sa sinumang lalaking nagpapakita ng higit na atensiyon sa kaniya.”​—Ethan.

Huwag mo siyang “sakalin.” Ayon sa Bibliya, kapag ikinasal na ang magkasintahan, sila ay magiging “isang laman.” (Genesis 2:24) Hindi na nila malayang magagawa ang maraming bagay na nagagawa nila noong sila’y binata’t dalaga pa. May sumpaan na sila sa isa’t isa. (1 Corinto 7:32-34) Pero kung nagliligawan pa lang kayo, hindi ka dapat umasang ibibigay niya sa iyo ang lahat ng atensiyon niya, at ganoon din siya sa iyo. Kung masyado kang mapaghanap, baka masira mo ang relasyon ninyo. *

Sabi ng mga lalaki: “Nakakasakal kapag lahat na lang ng galaw ko ay inaalam ng babae at sa akin na lang umiikot ang mundo niya.”​—Darren.

“Kapag text nang text sa akin ang babaing kailan ko lang nakilala at gusto niyang malaman kung sinu-sino ang mga kasama ko, lalo na kapag babae, aba, mag-iisip-isip na ako.”​—Ryan.

“Hindi ko type ang babaing ayaw kang pasamahin sa mga lakad ng kaibigan mong lalaki at naiinis kapag hindi mo siya laging niyayaya.”​—Adrian.

Pahalagahan ang Iyong Sarili

Malamang na may kilala kang mga babae na gagawin ang lahat mapansin lang ng lalaki. Ibinababa ng iba ang pamantayan nila para lang magka-boyfriend​—o magkaasawa pa nga. Pero kapit sa bagay na ito ang simulaing ‘anuman ang ihasik mo, ito rin ang iyong aanihin.’ (Galacia 6:7-9) Kung hindi mo pahahalagahan ang sarili mo at ang iyong mga pamantayan, maaaring ang magkagusto sa iyo ay ang mga lalaking hindi nagpapahalaga sa iyo at sa mga pamantayan mo.

Ang totoo, hindi lahat ng lalaki ay magkakagusto sa iyo​—pero okey lang iyon! Kung maayos ang iyong hitsura at mabuti ang iyong pagkatao, magkakaroon ka ng ‘malaking halaga sa paningin ng Diyos’​—at ang magkakagusto sa iyo ay ang tipo ng lalaking karapat-dapat sa iyo.​—1 Pedro 3:4.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

^ par. 28 Siyempre pa, kapag may plano nang magpakasal ang dalawa, mas may pananagutan na sila sa isa’t isa.

PAG-ISIPAN

● Paano mo maigagalang ang kaisipan at damdamin ng isang lalaki?

● Paano mo maipapakitang pinahahalagahan mo ang iyong sarili?

[Larawan sa pahina 27]

Ang pag-ibig at paggalang ay tulad ng dalawang gulong ng bisikleta​—pareho itong mahalaga