Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Simple at Timbang sa Buhay

Maging Simple at Timbang sa Buhay

Maging Simple at Timbang sa Buhay

ANG pagiging simple at timbang sa buhay ay talagang kapaki-pakinabang. Pero paano ka magiging simple at timbang? Kailangan mo munang suriin ang iyong mga priyoridad. Paano?

Tanungin ang iyong sarili: ‘Ano na ang nagawa ko? Ano pa kaya ang dapat kong gawin?’ Isulat sa ibaba ang mga tunguhin mo:

1. ․․․․․

2. ․․․․․

3. ․․․․․

Maraming tao sa ngayon ang may ganitong materyalistikong saloobin: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” (1 Corinto 15:32) Naniniwala sila na kailangan nilang magtrabaho nang husto para kumita nang malaki at maging maligaya. Pero hindi ganiyan ang pangmalas ng Bibliya.

Sa isa sa kaniyang mga talinghaga, inilahad ni Jesus ang tungkol sa isang lalaking nag-imbak ng maraming materyal na bagay, pero hindi pa man niya napapakinabangan ito, namatay na siya. “Gayon ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.” (Lucas 12:16-21) Mali bang magpagal ang lalaking iyon para sa kaniyang sarili? Hindi naman. Ang problema ay ang pagiging materyalistiko niya. Isinaisantabi niya ang Diyos. Kaya nauwi lang sa wala ang lahat ng kaniyang kayamanan​—lahat ng pinagpagalan niya. Talagang napakasaklap!​—Eclesiastes 2:17-21; Mateo 16:26.

Sa kabaligtaran, pinasigla tayo ni Jesus na gumawa para sa walang-hanggang gantimpala. “Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira,” ang sabi niya, “kundi para sa pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan.” (Juan 6:27) Bago nito, sinabi niya: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Isa ngang napakalaking gantimpala!

Paano Mo Mapagtatagumpayan ang Kabalisahan?

Alam ni Jesus ang tendensiya ng mga tao na mabalisa sa materyal na mga bagay. Kaya pinayuhan niya ang kaniyang mga alagad: “Tigilan na ninyo ang paghahanap ng inyong kakainin at ng inyong iinumin, at tigilan na ninyo ang labis na pagkabalisa; sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa ng sanlibutan, ngunit nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. Gayunpaman, patuluyan ninyong hanapin ang kaniyang kaharian, at ang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”​—Lucas 12:29-31.

Maraming Kristiyano ang napakilos ng mga pangakong iyan para pasimplehin ang kanilang buhay. Ganito ang paglalahad ni Juliet, na taga-Malaysia: “Nagtatrabaho ako, pero hindi na ako masaya. Pagód na pagód na ako. Kaya nanalangin kaming mag-asawa kay Jehova para tulungan kaming pasimplehin ang buhay namin. Ang bilis ng sagot! Wala pang isang buwan, natanggap ako bilang part-time na guro ng mga batang may kapansanan.” Si Steve naman, isang kontraktor sa paggawa ng bubong sa Australia, ay nag-adjust sa kaniyang trabaho para magkaroon ng higit na panahon sa Diyos kasama ang kaniyang pamilya. Sinabi ng asawa niyang si Maureen: “Mas maligaya siya ngayon, pati kami. Masayang-masaya ang mga bata! Masayang-masaya rin ako! Maging simple ka lang, at magiging maligaya ang buong pamilya mo.”

Pero kung nawalan ka ng trabaho at malapit na ring mawalan ng tirahan, matinding pananampalataya ang kailangan para masunod ang payo ni Jesus. Gayunman, kung gagawin mong priyoridad ang Diyos at magtitiwala ka sa Kaniya, magagawa mo ring simple at timbang ang iyong buhay. Makakatulong ito para makamit mo ang “tunay na buhay”​—buhay na walang hanggan sa isang bagong sanlibutan ng Diyos na punô ng katuwiran, kung saan kasiya-siya ang lahat ng trabaho at sulit ang lahat ng pagsisikap.​—1 Timoteo 6:17-19; Isaias 65:21-23.

Gusto mo bang matuto nang higit pa tungkol sa “tunay na buhay” na ipinapangako ng Bibliya? Kung oo, makipag-ugnayan ka sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o sumulat sa angkop na adres sa pahina 5 ng magasing ito.

[Blurb sa pahina 9]

Sa bagong sanlibutan ng Diyos, lahat ng trabaho ay kasiya-siya at kapaki-pakinabang

[Kahon sa pahina 8]

IBA PANG MGA TRABAHO

Sa ilang bahagi ng daigdig, narito ang ilang trabahong puwedeng pasukin sa panahong marami ang nawawalan ng trabaho:

● Pagtao sa bahay (kapag nasa bakasyon ang mga nakatira sa bahay at gusto nilang may magbantay sa kanilang bahay)

● Paglilinis ng mga bintana (ng mga opisina at bahay), tindahan, opisina, bahay, o mga apartment pagkatapos ng konstruksiyon, pagkatapos ng sunog, pagkatapos lumipat ng mga tao; gawaing-bahay (sa bahay ng iba)

● Pagkukumpuni: bisikleta; lahat ng klase ng appliance (may mga aklat tungkol sa pagkukumpuni na madaling sundan)

● Mga gawain at pagkukumpuni sa bahay: pagpipintura; pagkakabit ng dingding; paggawa ng mga kabinet, pinto, balkonahe, bubong, o bakod

● Trabaho sa bukid: pagtatanim, pag-aani, pamimitas ng prutas

Interior landscaping at pangangalaga sa mga tanim sa: mga opisina, bangko, lobby, mall, at atrium

● Pangangasiwa ng ari-arian: mga dyanitor, tagapamanihala (kung minsan, libre ang tirahan)

● Paglalagay at paglilinis ng karpet at pagla-laminate ng kahoy na sahig

● Pagrarasyon ng diyaryo at iba pang mga serbisyo ng paghahatid: mga anunsiyo, bayarin sa mga munisipyo

● “Lipat-bahay,” pagpapaupa ng espasyo

Landscaping, pagtabas ng puno, pangangalaga sa damo, pagputol ng kahoy

● Drayber ng dyip, traysikel, school bus

● Potograpiya (portrait at mga okasyon)

● Pagbebenta ng mga pain sa mga mangingisda

● Pakikipagpalitan ng trabaho: pagkukumpuni ng kotse para sa elektrikal na gawain; pananahi para sa pagtutubero; at iba pa

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising!, isyu ng Marso 8, 1996, pahina 3-11.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

MGA TRABAHONG PUWEDENG GAWIN SA BAHAY

Alamin ang mga pangangailangan sa inyong lugar. Tanungin ang mga kapitbahay. Gumawa ng paraan.

● Pagbabantay ng bata, pag-aalaga ng bata

● Pagtitinda ng palamig, sariling-tanim na gulay o bulaklak

● Pananahi at pagre-repair ng damit

● Pagtanggap ng mga patrabaho ng pabrika

● Pagluluto ng pagkain at baking

● Paggawa ng quilt, paggagantsilyo; paggawa ng palayok at iba pang handicraft

● Pag-a-upholster

Bookkeeping, typing job, paggawa ng computer

Telephone answering service

● Paggugupit at pag-aayos ng buhok

● Pagpapaupa ng kuwarto

● Paglalagay ng adres at pagsosobre para sa mga nag-aanunsiyo

Carwash

● Pag-aayos at pag-eehersisyo ng alagang hayop

● Pagkukumpuni ng kandado at paggawa ng susi

Pansinin: Ang mga anunsiyo para sa karamihan sa mga trabahong nabanggit ay maaaring ilagay nang walang bayad o sa mababang halaga sa mga flyer, pahayagan, at sa ibang bansa, sa mga pampublikong paskilan.