Pagód na Pagód Ka Na Ba?
Pagód na Pagód Ka Na Ba?
SAANMAN sa daigdig, hindi malaman ng mga tao kung alin ang uunahin: trabaho o pamilya? Ang dahilan, ayon sa isang reperensiya, ay ang ‘globalisasyon, bagong teknolohiya, at walang-pahingang ekonomiya.’ Oo nga’t nagdulot ito ng kasaganaan, pero may kapalit ito. Sabi ng isang awtor: “Milyun-milyon sa atin ang nasasagad sa trabaho, natatambakan ng gawain, at nasasaid ang lakas. Talagang pagód na pagód tayo.”
Idagdag pa rito ang nakapanlulumong epekto ng pagbagsak ng ekonomiya kamakailan. Sa buong daigdig, maraming manggagawa—ordinaryong mga trabahador man o nag-oopisina—ang nawalan ng trabaho at tahanan. Malamang na naiisip nilang sana’y makapagtrabaho sila uli.
Gaano kalala ang problema?
▶ Sa Europa, 6 sa bawat 10 manggagawa ang nai-stress sa trabaho.
▶ Sa Estados Unidos, 1 sa bawat 3 manggagawa ang nakadaramang ubos na ang kanilang lakas dahil sa sobrang trabaho.
▶ Sa Canada, mahigit 2 sa bawat 3 manggagawa ang nahihirapang maging timbang sa kanilang trabaho at pamilya.
▶ Tinatayang mahigit 600 milyong manggagawa, o 22 porsiyento ng mga manggagawa sa buong daigdig, ang nagtatrabaho nang mahigit 48 oras bawat linggo.
Ipinakikita ng mga estadistikang ito ang masaklap na kalagayan ng mga manggagawa. Ayon sa ilang pag-aaral, ang mahaba at iregular na oras ng trabaho ay posibleng maging sanhi ng pagkakasakit, pagkasira ng ugnayan, paghihiwalay, at diborsiyo. Maaari ding mapabayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak.
Ikaw, subsob ka ba sa trabaho? O isa ka sa milyun-milyong walang trabaho? Gusto mo bang maging mas timbang sa iyong trabaho at pamilya? Kung oo, paano mo kaya ito magagawa?
[Kahon/Larawan sa pahina 3]
“SIDELINE”
“Pag-uwi ko galing sa trabaho,” ang sabi ng isang ina, “kailangan ko pang magluto, maglinis ng bahay, maglaba, sunduin ang mga bata, tulungan sila sa kanilang takdang-aralin, paliguan sila at patulugin. Pagkatapos, para na akong lantang gulay.” Milyun-milyon sa tinatayang 1.2 bilyong manggagawang babae sa buong daigdig ang may ganito kahirap na “sideline.” Bagaman may sideline din ang mga kalalakihan, ipinakikita ng mga surbey na karaniwan nang inaayawan nila ang mga gawaing-bahay. Kadalasan nang mga babae ang bumabalikat sa lahat ng ito, nagtatrabaho man sila o hindi.