Pag-aalaga ng Orkid—Mahirap, Pero Sulit
Pag-aalaga ng Orkid—Mahirap, Pero Sulit
MARAMI ang nahuhumaling sa pag-aalaga ng orkid. Inaabot pa nga ng maraming oras ang ilan para lang pag-aralan ang tamang bigkas sa mga pangalang Latin nito. Bakit kaya gayon na lang ang pagkabighani ng mga tao sa orkid?
Napakaraming uri ng orkid. May nakatalang mga 25,000 likas na uri at mahigit 100,000 artipisyal na hybrid. Ang katawagang “artipisyal na hybrid” ay hindi nangangahulugang nakabuo ang mga botaniko ng mga bagong uri ng nabubuhay na organismo mula sa lupa, tubig, at hangin. Sa halip, ang gayong mga hybrid ay produkto ng manu-manong paglilipat ng polen.
Hindi pare-pareho ang laki ng mga orkid. May mga orkid na pagkaliit-liit! Sa katunayan, kailangan pa itong gamitan ng lente para makita. Ang iba naman ay napakalaki. Aba, may orkid sa kagubatan ng Indonesia na humigit-kumulang 500 kilo ang bigat!
Iba-iba rin ang kulay at hugis ng mga orkid. Ang ilan ay kahawig na kahawig ng bubuyog, tangà, at ibon. Pero partikular nang kabigha-bighani, lalo na sa mga breeder, ang mga uring talagang kakaiba ang hitsura. Noon, mayayaman lang ang may orkid. Pero hindi na ngayon—kahit mahihirap, puwede nang magkaroon nito. Narito ang kuwento sa likod ng napakagandang orkid.
Dumagsa ang Iba’t Ibang Hybrid ng Orkid
Maraming siglo nang nabibighani ang mga tao sa orkid, pero nitong nakalipas na mga taon lang nakatuklas ang mga tagapag-alaga ng mabisang mga paraan kung paano magparami ng orkid. Noong 1856, namulaklak ang unang artipisyal na hybrid. Gayunman, kadalasan nang mahirap alagaan ang maselan, ngunit napakagandang bulaklak na ito.
Ang binhi ng mga orkid ay maliliit—sinliit pa nga ng pinong buhangin ang ilan. Kadalasan nang mahirap ilipat ang pagkaliliit na binhing ito. Pero ang pinakamahirap gawin ay ang pagpapatubo nito. Sa loob ng mga dekada, maraming sinubukan ang mga tagapag-alaga para lang makuha ang tamang paraan upang tumubo ang mga binhi. Noong 1922, natuklasan
ni Dr. Lewis Knudson, isang siyentipiko sa Cornell University sa Estados Unidos, na kapag inilagay ang mga binhi sa pinaghalong tubig, asukal, at agar-agar (isang substansiyang parang jelly na galing sa damong-dagat), tutubo ito at lalago. Di-nagtagal, dumami nang dumami ang mga bagong hybrid ng orkid. Patuloy na dumagsa ang iba’t ibang hybrid ng orkid. Sa katunayan, maraming hybrid ang nadaragdag taun-taon.Pero bago pa man makapagpatubo at makapagpalago ng hybrid na orkid ang mga tao, mayroon nang likas na uri ng hybrid na orkid. Paano ito nangyayari?
Likas na Hybrid
Kapag sa isang lugar ay may namumulaklak na dalawa o higit pang orkid na halos pareho ng uri, may tsansang magkaroon ng likas na hybrid. Nagsisilbing tagapagdala ng polen ang mga insekto at iba pang nilalang. Kapag ang isang tagapagdala ng polen ay dumapo sa isang orkid para maghanap ng nektar, may mga polen na nadidikit sa katawan nito. Naililipat nito ang polen sa iba pang orkid na dinadapuan nito. Puwedeng maging pertilisado ang orkid na iyon, anupat may mabubuo ritong mga seedpod, o supot ng mga binhi.
Sa kalaunan, ang supot ng mga binhi ay mahihinog, mabibiyak, at maglalabas ng libu-libo, o milyun-milyon pa ngang binhi. Ang ilan sa mga ito ay nahuhulog sa lupa, samantalang ang maraming iba pa ay tinatangay ng hangin. Malaki ang posibilidad na matuyot ang mga nahuhulog sa lupa, at napakakaunti lamang ng aktuwal na lumalago. Ang mga lumago bunga ng polinisasyon sa pagitan ng dalawang magkaibang uri ay tinatawag na likas na hybrid. Pero kumusta naman ang mga artipisyal na hybrid?
Artipisyal na Hybrid
Makikita sa hybrid na orkid ang kombinasyon ng mga katangian ng dalawang orkid na pinagmulan nito. Iisipin muna ng tagapag-alaga kung anong uri ng bulaklak ang gusto niyang mabuo. Baka may hinahanap siyang partikular
na kulay, guhit, batik, o kaya nama’y bango. Puwede niyang pagsama-samahin ang mga katangiang ito sa isang halamang may maliliit o malalaking bulaklak. Kaya pipili siya ng dalawang orkid na kapag pinagsama ay makakabuo ng hybrid na posibleng may mga katangiang gusto niya. Halimbawa, may pumipili ng golden slipper orchid (Paphiopedilum armeniacum), na natuklasan sa Tsina noong 1979. Kadalasan nang matingkad na dilaw ang nabubuong hybrid nito, na ang ilan ay talagang pagkagaganda!Kapag mayroon nang dalawang magkaibang uri ng orkid, tatanggalin ng tagapag-alaga ang lahat ng polen sa bulaklak na gusto niyang binhian. Gamit naman ang isang tutpik o iba pang gaya nito, kukuha siya ng polen mula sa bulaklak na pagmumulan ng binhi. Ilalagay niya ang polen na ito sa pinakapuno ng kolum ng bulaklak na bibinhian. Pagkatapos, lalagyan niya ito ng label na may pangalan ng dalawang uri ng orkid na pinagmulan nito, pati na ng petsa ng polinisasyon.
Kailangan ang Tiyaga
Sa panahon ng pertilisasyon, may kamangha-manghang nagaganap sa bulaklak ng orkid na binibinhian. Lumalabas ang mala-sinulid na mga tubo mula sa kolum papunta sa obaryo. Umuumbok naman ang obaryo at nakakabuo ng supot ng mga binhi. Sa loob ng supot na ito, libu-libong maliliit na binhi ang nabubuo, na bawat isa ay nakakonekta sa isang tubo ng polen. Maaaring tumagal nang ilang buwan o mahigit isang taon bago mahinog ang supot ng binhi. Kapag hinog na, kukunin ng tagapag-alaga ang mga binhi sa loob. Ilalagay niya ang mga iyon sa isang isterilisadong prasko na may pinaghalong agar-agar at iba pang nutriyente. Kapag sumibol na ang mga binhing ito, ang mga punla ng orkid ay parang karpet ng berdeng damo.
Makalipas ang ilang buwan, ililipat ng tagapag-alaga ang mga punla sa isang malaki-laking punlaan. Susubaybayan niya ang mga ito at laging didiligan para hindi malanta. Sa kalaunan, ililipat ang mga ito sa kani-kaniyang pasô. Sa puntong ito, kailangan ang tiyaga yamang puwedeng umabot nang ilang taon o mahigit isang dekada bago mamulaklak ang orkid.
Isip-isipin ang tuwa ng tagapag-alaga kapag nakita niyang may bulaklak na ang orkid na pinaghirapan niyang patubuin! Kapag may nabuong bagong hybrid, puwede niya itong iparehistro sa pangalang gusto niya. Lahat ng iba pang hybrid mula rito ay isusunod sa nakarehistrong pangalan nito.
May mga pagkakataong makakabuo siya ng kombinasyong patok sa mahihilig sa orkid. Baka tumanggap siya ng mga award dahil dito, at maibenta niya sa malaking halaga ang mga halaman niya. Pero hindi nito mapapantayan ang kaniyang kasiyahan kapag namulaklak na ang kaniyang hybrid na orkid.
Alam mo na ngayon na panahon at tiyaga ang puhunan para makabuo ng maganda at kahanga-hangang orkid. Pero ang totoo, maliit na bagay lang ang pagsisikap ng tao na makabuo ng mga hybrid na orkid kung ikukumpara sa ginawa ng dakilang Maylalang ng lahat ng nabubuhay na bagay, si Jehova. Siya ang naglagay ng komplikadong genetic code sa bawat halaman upang magkaroon ito ng pagkagagandang bulaklak. Dahil sa pag-ibig, gumawa siya ng kamangha-manghang pagkakasari-sari ng mga hybrid na orkid, at mga tagapagmasid lang tayo ng kaniyang sining. Tiyak na sasang-ayon tayo sa sinabi ng mang-aawit na si David: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”—Awit 104:24.
[Larawan sa pahina 17]
“Beallara” hybrid
[Larawan sa pahina 17]
“Doritaenopsis” hybrid
[Larawan sa pahina 18]
“Brassidium” hybrid